Isang Buhay na Hindi Ko Kailanman Pinagsisihan
AYON SA PAGKALAHAD NI PAUL OBRIST
Noong 1912, nang ako ay anim na taóng gulang, namatay si Inay samantalang isinisilang ang kaniyang ikalimang anak. Pagkaraan ng mga dalawang taon, isang kabataang tagapangalaga ng bahay, si Berta Weibel, ang nagsimulang mag-asikaso sa aming pamilya. Nang pakasalan siya ni Itay nang sumunod na taon, kaming mga bata ay natuwa na magkaroon muli ng ina.
NANIRAHAN kami sa Brugg, isang maliit na bayan sa bahagi ng Switzerland na ang wika ay Aleman. Si Berta ay isang tunay na Kristiyano, at gustung-gusto ko siya. Nagsimula siyang mag-aral ng mga publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya (mga Saksi ni Jehova) noong 1908, at ibinabahagi niya sa iba ang kaniyang natututuhan.
Noong 1915, di-nagtagal pagkatapos na makasal sina Berta at Itay, sumama ako sa kaniya sa isang palabas ng “Photo-Drama of Creation.” Ang slide at pelikulang ito ng International Association of Earnest Bible Students ay tumimo nang husto sa aking isip at puso. Humanga rin ang iba. Ang bulwagan sa Brugg ay totoong napuno anupat isinara ng mga pulis ang mga pinto at pinaalis ang iba pang dumarating. Nang magkagayo’y sinubukan ng marami na makapasok sa pamamagitan ng isang bukas na bintana na ginagamit ang isang hagdanan, at nakapasok ang ilan.
Ang Mabuting Halimbawa ni Inay
Kainitan noon ng Digmaang Pandaigdig I sa Europa, at nababahala ang mga tao sa kinabukasan. Kaya naman, ang pagbabahay-bahay taglay ang nakaaaliw na mensahe ng Kaharian ng Diyos, gaya ng ginawa ni Inay, ay isang napakainam na gawain. Kung minsan ay isinasama niya ako, at labis kong ikinatutuwa ito. Noong 1918, sa wakas ay sinagisagan ni Inay ang kaniyang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Hindi nakialam si Itay sa pagsamba ni Inay hanggang sa kaniyang pagpapabautismo, subalit pagkaraan nito ay nagsimula siyang sumalansang sa kaniya. Isang araw ay kinuha niya ang literatura sa Bibliya ni Inay at itinapon ito sa kalan. Ang Bibliya lamang ni Inay ang kaniyang naagaw sa apoy. Subalit ang kasunod na ginawa niya ay lubhang nakapagtataka. Pinuntahan niya si Itay at niyakap ito. Hindi siya nagtanim ng anumang sama ng loob sa kaniya.
Palibhasa’y labis na nabigla, kumalma si Itay. Gayunpaman, paminsan-minsan ay sumisilakbo ang kaniyang pagsalansang, at kailangang batahin namin ang kaniyang pag-iinit.
Pagtatrabaho at Pagsulong sa Espirituwal
Noong 1924, makaraang matapos ang tatlong taóng pagsasanay bilang isang tagaayos ng buhok, umalis ako sa tahanan at nagtrabaho sa bahagi ng Switzerland na ang wika ay Pranses. Nagbigay ito ng pagkakataon na mapasulong ko ang aking kaalaman sa wikang Pranses. Bagaman sa paano man ay nakahadlang sa aking espirituwal na pagsulong ang aking paglipat, hindi nagmaliw kailanman ang aking pag-ibig sa katotohanan ng Bibliya. Kaya nang umuwi ako pagkaraan ng anim na taon, nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng Kristiyanong kongregasyon sa Brugg.
Di-nagtagal pagkaraan ay lumipat ako sa Rheinfelden, isang maliit na bayan na mga 40 kilometro ang layo. Nagtrabaho ako roon sa pákulutan ng buhok ng aking ate at ipinagpatuloy ang aking espirituwal na pagsulong sa pamamagitan ng pakikipagpulong kasama ng isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya. Isang araw sa pagtatapos ng aming gitnang-sanlinggong pag-aaral sa Bibliya, nagtanong si Brother Soder, ang nangangasiwang matanda: “Sino ang nagbabalak na makibahagi sa ministeryo sa larangan sa Linggo?” Nagboluntaryo ako, sa pag-aakalang ako ay may makakasama at tuturuan kung paano isasagawa ang gawain.
Nang sumapit ang Linggo at makarating kami sa aming teritoryo, sinabi ni Brother Soder, “si G. Obrist ay gagawa sa banda roon.” Bagaman noon pa lamang tumibok nang gayon kabilis ang aking puso, sinimulan kong dalawin ang mga tao sa kanilang tahanan at kinausap sila tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Gawa 20:20) Mula noon, hindi na ako nag-atubili kailanman sa pagsasakatuparan ng gawaing pangangaral na ayon kay Jesus ay kailangang maisagawa bago dumating ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14) Noong Marso 4, 1934, nang ako ay 28 taóng gulang, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Pagkaraan ng dalawang taon ay nakapagtrabaho ako bilang tagaayos ng buhok sa Lugano, isang lunsod sa isang bahagi ng Switzerland na ang wika ay Italyano. Agad kong sinimulang ipangaral ang mabuting balita roon, bagaman kakaunti lamang ang alam ko sa wikang Italyano. Gayunpaman, sa unang Linggo ng aking ministeryo, naipasakamay ko ang 20 buklet na dinala ko. Nang maglaon, nakapagtipon ako ng ilang interesadong tao upang bumuo ng isang grupo para sa pag-aaral sa Ang Bantayan. Sa wakas ay nabautismuhan ang ilan sa mga ito, at noong Pebrero 1937 ay bumuo kami ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Lugano.
Pagkalipas ng dalawang buwan, noong Abril 1937, nakatanggap ako ng liham na bumago nang malaki sa aking buhay. Isa itong paanyaya na maglingkod sa Bethel, gaya ng tawag sa pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa isang bansa. Agad kong tinanggap ang paanyaya—isang desisyon na hindi ko pinagsisihan kailanman. Sa gayon ay pinasimulan ko ang naging 60-taóng karera sa buong-panahong ministeryo.
Paglilingkod sa Bethel sa Maligalig na Panahon
Nang panahong iyon ang Bethel sa Switzerland ay naroroon sa lunsod ng Bern, ang kabisera ng Switzerland. Doon namin nililimbag ang mga aklat, buklet, at mga magasin sa 14 na wika, at ipinadadala ang mga ito sa palibot ng Europa. Kung minsan, dinadala ko sa istasyon ng tren ang nilimbag na literatura sa pamamagitan ng karetilya, yamang nang panahong iyon ay hindi laging may van na magagamit. Ang una kong atas sa Bethel ay sa Composition Department, kung saan binubuo namin ang mga tinggang letra na siyang ginagamit sa pag-iimprenta. Di-nagtagal ay nagsimula akong magtrabaho bilang resepsiyonista, at, sabihin pa, naglingkod din ako bilang barbero para sa pamilyang Bethel.
Noong Setyembre 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, at ang pananalakay ng mga Nazi ay naghasik ng kakilabutan sa buong Europa. Neutral na bayan ang Switzerland sa gitna ng nagdidigmaang mga bansa. Sa simula, nagpatuloy ang aming Kristiyanong gawain nang walang hadlang. Pagkatapos, noong Hulyo 5, 1940, dakong alas-dos ng hapon, samantalang ako ay nasa aking mesa sa bulwagang hintayan, dumating ang isang sibilyan, kasama ang isang sundalong nagdadala ng ripleng may bayoneta.
“Nasaan si Zürcher?” ang sigaw ng sibilyan. Nang panahong iyon si Franz Zürcher ang tagapangasiwa ng sangay para sa aming gawaing pangangaral sa Switzerland.
“Sino po ang sasabihin kong naghahanap?” ang tanong ko. Karaka-raka ay sinunggaban nila ako at hinilang paakyat sa hagdan, anupat inutusan na dalhin ko sila sa tanggapan ni Zürcher.
Ang buong pamilyang Bethel—mga 40 kami noon—ay inutusang magtipon sa silid-kainan. Apat na masinggan ang inilagay sa labas ng gusali upang sirain ang loob ng sinuman na magtatangkang tumakas. Sa loob, mga 50 sundalo ang nagsimulang maghalughog sa gusali. Taliwas sa inaasahan, walang natagpuang katibayan na ang mga Saksi ni Jehova ay kasangkot sa pagtataguyod ng paglaban sa serbisyo militar. Gayunpaman, malaking bilang ng literatura ang kinumpiska at tinangay sakay ng limang trak ng hukbo.
Nang tumanggi kaming sensurin ng mga awtoridad ng pamahalaan Ang Bantayan, ipinahinto ang paglalathala nito sa Switzerland. Nangahulugan ito na mas kaunting tauhan na lamang ang kakailanganing magtrabaho sa Bethel, at ang mas nakababatang mga miyembro ng pamilya ay pinasigla na umalis at maging mga payunir, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova na nakikibahagi sa gawaing pangangaral nang buong-panahon.
Pagpapayunir Noong Panahon ng Digmaan
Noong Hulyo 1940, nagbalik ako sa lugar ng mga nagsasalita ng wikang Italyano sa Switzerland malapit sa Lugano, na siyang tirahan ko noon bago pumasok ng Bethel. Ang matigas na Katolikong teritoryong ito, na nang panahong iyon ay nasa ilalim din ng malakas na impluwensiya ng Pasismo, ay siyang naging atas ko sa pagpapayunir.
Madalang na lumipas ang isang araw na hindi ako pahihintuin ng mga pulis na nag-uutos na tigilan ko na ang aking gawaing pangangaral. Isang araw nang nakikipag-usap ako sa isang babae sa may pintuan ng isang hardin, sa likuran ko ay may sumunggab sa akin na isang lalaking nakadamit-sibilyan, anupat dinala ako sa isang pampatrulyang kotse, at isinakay patungong Lugano. Doon ay ibinigay niya ako sa mga pulis. Nang ako ay pagtatanungin, ipinaliwanag ko na inutusan tayo ng Diyos na Jehova upang mangaral.
“Dito sa lupa, kami ang nag-uutos,” ang may-pagmamapuring sagot ng opisyal. “Maaaring mag-utos ang Diyos sa langit!”
Noong panahon ng digmaan, lalo nang kailangan na bigyang-pansin natin ang payo ni Jesus na maging “maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati.” (Mateo 10:16) Kaya, itinago ko ang karamihan sa aking literatura sa panloob na bulsa ng aking damit. At upang matiyak na wala akong maiwawala, nagsusuot ako ng maluwang na korto na ang laylayang hanggang tuhod ay mahigpit.
Nang maglaon, nakatanggap ako ng tagubilin na lumipat sa libis ng Engadine, kung saan nakipagtaguan na naman ako sa mga pulis. Isa itong magandang libis sa silangang Swiss Alps, na kapag panahon ng taglamig ay nababalutan ng buntun-bunton na niyebe, kaya hiniling kong ipadala sa akin ang aking mga ski upang makatulong sa aking paglilibot sa teritoryo.
Kailangang-kailangan ang mga nagpapainit na mga guwantes kapag naglalakbay sa pamamagitan ng mga ski sa maginaw na taglamig. Dahil sa laging paggamit, di-nagtagal ay nagsimula nang masira ang aking guwantes. Laking pasasalamat ko nang isang araw ay basta na lamang ako nakatanggap ng isang maliit na balutan mula sa koreo na may yaring-kamay na sweter gayundin ng nakapagpapainit na mga guwantes! Ang mga ito ay ginawa para sa akin ng isang Kristiyanong kapatid na babae na dati kong kakongregasyon sa Bern. Kahit na ngayon ay nauudyukan akong magpasalamat kapag naiisip ko ang tungkol doon.
Maraming Nakagagalak na Pribilehiyo
Noong 1943, nagsimulang bumuti ang mga kalagayan sa Switzerland, at muli akong tinawag upang maglingkod sa Bethel. Dahil sa ilang suliranin sa kongregasyon sa wikang Pranses na nasa Lausanne, mga 100 kilometro ang layo, inatasan ako na dalawin nang regular ang lunsod na iyon upang matulungan ang mga mamamahayag na magkaroon ng tamang pangmalas sa organisasyon ng Diyos.
Nang maglaon ay naglingkod ako nang ilang panahon bilang tagapangasiwa ng sirkito sa lahat ng kongregasyong Pranses sa Switzerland. Sa mga unang araw ng sanlinggo, nagtatrabaho ako sa Bethel, subalit ginugugol ko ang Biyernes, Sabado, at Linggo sa pagdalaw sa iba’t ibang kongregasyon sa bawat linggo sa layuning makatulong sa espirituwal. Isa pa, nang maitatag sa Bern ang isang kongregasyon sa wikang Pranses noong 1960, ako ang naging punong-tagapangasiwa roon. Naglingkod ako sa ganitong tungkulin hanggang noong 1970, nang ilipat ang Bethel buhat sa Bern tungo sa kasalukuyang magandang kinaroroonan nito sa bayan ng Thun.
Natutuwa ako na masumpungan sa Thun ang isang maliit na grupo ng mga Saksi na nagsasalita ng Italyano, at nagsimula akong gumawa na kasama nila. Di-nagtagal at nabuo ang isang kongregasyon, at naglingkod ako bilang punong-tagapangasiwa roon sa loob ng ilang taon hanggang sa maging kuwalipikado ang mas nakababatang mga kapatid na lalaki na balikatin ang pananagutang iyon.
Ang itinuturing kong lalong nakagagalak na pribilehiyo ay ang pagdalo sa internasyonal na mga kombensiyon ng bayan ni Jehova. Halimbawa, noong 1950 ay ginanap ang di-malilimutang Theocracy’s Increase Assembly sa Yankee Stadium, New York. Ang pagdalaw sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ay nag-iwan ng di-malilimutang alaala sa akin. Hindi ko rin malilimutan ang pahayag ni Brother Milton G. Henschel nang sumunod na taon sa Clean Worship Assembly sa London, Inglatera, na nagtampok sa mga salita ni Jesus na, “Sinasabi ko sa inyo, Kung ang mga ito ay mananatiling tahimik, ang mga bato ang sisigaw.” (Lucas 19:40) Nagtanong si Brother Henschel, “Sa palagay ba ninyo ay kailangan pang sumigaw ang mga bato?” Naririnig ko pa sa aking tainga ang dumadagundong na, “Hindi!” na nanggaling sa sampu-sampung libong tinig.
Nang pumunta ako sa Bethel noong 1937, ang aking ama, sa pagkaalam na tumatanggap lamang kami ng isang maliit na panggastos, ay may pagkabahalang nagtanong, “Anak, paano ka mabubuhay pagtanda mo?” Sumagot ako sa pamamagitan ng pagsipi sa mga salita ng salmistang si David: “Hindi ko nakitang lubusang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.” (Awit 37:25) Ang mga salitang ito ay tiyak na natupad sa kalagayan ko.
Maligayang-maligaya ako na mahigit na 80 taón na ang nakalipas, nagpakasal si Berta Weibel kay Itay at na dahil sa kaniyang halimbawa at patnubay ay nakilala ko si Jehova at ang kaniyang mga katangian! Bagaman hinamak siya ng ibang miyembro ng pamilya, buong-katapatan siyang naglingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1983. Kailanman ay hindi siya nagsisi na pinaglingkuran niya ang kaniyang Diyos, si Jehova; ni pinagsisihan ko man ang pananatili kong walang asawa at pag-uukol ng aking buong buhay sa paglilingkod kay Jehova.
[Larawan sa pahina 25]
Nagtatrabaho sa Bethel