‘Si Jehova ay Aking Diyos, na Aking Pagtitiwalaan’
INILAHAD NI WILLI DIEHL
“Bakit ibig mong pumunta sa Bethel?” Ito ang tanong ng aking ama noong tagsibol ng 1931 nang aking sabihin sa kaniya ang hangad kong magsimula ng paglilingkod sa Bethel. Ang aking mga magulang, na naninirahan sa Saarland, ay nasa katotohanan na ng sampung taon humigit-kumulang, at sila’y nagpakita ng mabuting halimbawa sa aming tatlo na mga anak na lalaki. Ang katotohanan ang kanilang buong buhay, at nais kong ito rin ang gawin sa aking buong buhay.
SUBALIT papaano natutuhan ng aking mga magulang ang tungkol kay Jehova at sa kaniyang banal na kalooban? Palibhasa’y hindi nasisiyahan sa organisadong relihiyon, matagal na sila’y naghanap ng katotohanan. Sinubok nila ang sari-saring mga relihiyon at mga sekta, at sa bawat pagkakataon ay natuklasan nila na hindi pala iyon ang tamang relihiyon.
Isang araw isang handbill ang naiwan sa aming pintuan na nag-aanunsiyo ng isang pahayag na may kasamang mga larawan at isang pelikula tungkol sa layunin ng Diyos na tinatawag na “Photo-Drama of Creation.” Si Itay ay kinailangan na magtrabaho noong araw na ipalalabas ang “Photo-Drama,” ngunit kaniyang hinimok si Inay na pumaroon. “Baka,” aniya “mayroon doon na pakikinabangan na mapapanood.” Pagkatapos na mapanood iyon nang gabing iyon, si Inay ay sumigla. “Sa wakas ay natagpuan ko na iyon!” aniya. “Pumarito ka tingnan mo para sa iyong sarili bukas ng gabi. Ito ang katotohanan na ating hinahanap.” Yaon ay noong 1921.
Bilang pinahiran ng espiritung mga Kristiyano, ang aking mga magulang ay nanatiling tapat hanggang sa sila’y mamatay, si Itay ay noong 1944, matapos na ibilanggo ng mga Nazi na kung ilan-ilang beses, at si Inay ay noong 1970. Siya rin ay gumugol ng mahabang panahon sa piitan sa ilalim ng pamamahalang Nazi.
Ang Ulirang Sigasig ng Aking mga Magulang
Bago sila namatay, ang aking mga magulang ay totoong masigasig sa paglilingkod sa larangan. Si Inay ay lalo nang masigasig sa pamamahagi ng mga resolusyon sa kombensyon na inilabas mula nang 1922 hanggang 1928. Ang Ecclesiastics Indicted ay isang resolusyon na pinagtibay noong 1924 na may matatalim na pamimintas sa klero. Lakas ng loob ang kailangan upang maipamahagi ito. Ang mga mamamahayag ay naroon na sa larangan ikaapat ng umaga, iniiwan ang mga tract sa ilalim ng mga pintuan. Bagaman ako’y 12 anyos lamang noon, pinayagan ako ng aking mga magulang na makibahagi. Malimit na kami ay nagsisimula alas-singko ng umaga, namimisikleta nang mula tatlo hanggang apat na oras upang marating ang pagkalalayong mga teritoryo. Ang mga bisikleta ay aming itinatago sa makakapal na mga kakahuyan, at ako ang nagbabantay dito habang ang iba naman ay gumagawa sa nayon. Sa hapon kami ay namimisikleta pauwi, at sa gabi ay naglalakad kami ng isang oras patungo sa pulong.
Nang malaunan, isang nakababata ang pinagbantay sa mga bisikleta, at ako’y kasa-kasama na ng mga mamamahayag. Ngunit walang nakaisip na sanayin ako. Basta sinabihan lamang nila ako kung aling kalye ang gagawin! Malakas ang kaba ng aking dibdib nang ako’y maglakas-loob na lumapit sa unang bahay, sa pag-asa na wala sanang tao roon. Sa di ko inaasahan, isang lalaki ang nagbukas ng pinto. Hindi ako nakaimik. Sa pag-aapuhap ko ng sasabihin, naituro ko ang aklat sa aking bag. “Ito ba’y kay Judge Rutherford?” ang tanong niya. Pautal-utal na tumugon ako. “Ito ba’y bago, na wala pa ako?” “Opo, bago nga po,” ang sabi ko. “Kung gayon ay kailangang kunin ko ito. Magkano ba ito?” Ito’y nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magpatuloy.
Noong 1924 ang nakatatandang mga tao ay malimit na tungkol sa 1925 ang pinag-uusapan. Minsan ay dumalaw kami sa isang pamilya ng mga Estudyante ng Bibliya, at narinig ko ang isang kapatid na lalaki na nagtanong: “Kung sakaling tayo’y dalhin na ng Panginoon sa langit, ano ang mangyayari sa ating mga anak?” Si Inay, na positibong lagi ang kaisipan, ay tumugon: “Alam naman ng Panginoon kung papaano sila pangangalagaan.” Ang paksang iyan ay nakaakit sa akin. Ano ba ang talagang kahulugan nito? Sumapit at natapos ang taóng 1925, at wala namang nangyari. Gayunman, ang aking mga magulang ay hindi naglubay sa kanilang sigasig.
Ang Matalinong Payo ni Itay
Sa wakas, noong 1931, sinabi ko sa aking ama kung ano ang hangad kong gawin sa aking buhay. “Bakit ibig mong pumunta sa Bethel?” ang tanong ng aking ama bilang tugon. “Dahil po sa gusto kong maglingkod kay Jehova,” ang sagot ko. “Ipagpalagay natin na ikaw ay tinanggap sa Bethel,” patuloy pa niya. “Natatalos mo ba na ang mga kapatid doon ay hindi naman mga anghel na hindi magkakamali? Sila ay mga di-sakdal at nagkakamali. Ang inaalala ko’y baka ito’y maging dahilan ng iyong pagtakas at paghinto pa sa pananampalataya. Maingat na pag-isipan mo ang tungkol dito.”
Ako’y nabigla nang marinig ko ang gayon, ngunit pagkatapos na pagtimbang-timbangin ang mga bagay-bagay sa loob ng mga ilang araw, inulit ko na naman ang aking balak na mag-aplay sa Bethel. “Sabihin mo uli sa akin kung bakit ibig mong pumaroon,” ang sabi niya. “Dahil po sa gusto kong maglingkod kay Jehova,” ang sabi ko uli. “Iho, huwag mong kalilimutan iyan. Kung ikaw ay aanyayahan, tandaan mo kung bakit pupunta ka roon. Kung may makita kang mali, huwag kang labis na mababahala. Kahit na kung ikaw ay tinatrato nang di-mabuti, huwag kang tatakas. Huwag mong kalilimutan kung bakit ikaw ay nasa Bethel—dahilan sa ibig mong maglingkod kay Jehova! Basta ang asikasuhin mo ay ang iyong gawain at magtiwala ka sa kaniya.”
Kaya maaga noong hapon ng Nobyembre 17, 1931, ako’y dumating sa Bethel sa Bern, Switzerland. Ang kasama ko sa isang kuwarto ay tatlo at ako’y pinagtrabaho sa palimbagan, natutong magpaandar ng isang maliit na palimbagang de-mano. Ang isa sa unang ipinalimbag sa akin ay Ang Bantayan sa Romania.
Isang Mensahe Buhat sa Langit!
Noong 1933 ay inilathala ng Samahan ang The Crisis, isang pulyeto na may tatlong pahayag pangradyo na binigkas ni Brother Rutherford sa Estados Unidos. Sa almusal isang umaga si Brother Harbeck, ang lingkod ng sangay, ay nagpatalastas sa pamilyang Bethel na ang pulyeto ay bibigyan ng isang pantanging pamamahagi. Mga leaflets na nag-aanunsiyo ang ihuhulog buhat sa isang munting inarkilang eroplano na lilipad sa itaas ng Bern, samantalang may mga mamamahayag na tatayo sa mga kalye at mag-aalok ng pulyetong iyon sa publiko. “Alin sa inyo mga kabataang kapatid na lalaki ang handang sumakay sa eroplanong iyan?” tanong niya. “Ibigay ninyo agad-agad ang inyong pangalan.” Ganoon nga ang ginawa ko, at nang malaunan ay inianunsiyo ni Brother Harbeck na ako ay napili.
Sa importanteng araw na iyan, kami’y patungo na sa airport dala ang mga kahon ng leaflets. Ako’y naupo sa likod ng piloto at ang mga leaflets ay pinagpatung-patong ko sa upuan na katabi ko. Ang hustong tagubilin sa akin ay: Balumbunin ang mga handbill nang daan-daan, at bawat balumbon ay ihagis nang ubod lakas sa labas ng bintana. Kung hindi maingat baka ang mga leaflets ay magkasala-salabid sa gawing likod ng eroplano, at lumikha ng mga suliranin. Ngunit wala naman anumang nangyari. Nang bandang huli sinabi ng mga kapatid na isang malaking katuwaan na makita itong ‘mensaheng nanggaling sa langit.’ Ito’y naging tagumpay naman, at maraming pulyeto ang naipasakamay, bagaman may mga taong tumelepono upang ireklamo na ang kanilang mga halamanang bulaklakin ay natabunan ng mga leaflets.
Pagpapasalamat Para sa Bawat Pribilehiyo sa Paglilingkod
Sa araw-araw ay napasasalamat ako kay Jehova sa kagalakan at kasiyahan ng paglilingkod ko sa Bethel. Sa kongregasyon, ako’y inatasan na magbukás ng Kingdom Hall, mag-ayos ng mga silya, at maglagay ng isang basong inumin sa tayuan ng tagapagpahayag. Aking itinuring na ito’y isang malaking karangalan.
Sa Bethel, nang bandang huli ay nagtrabaho ako sa malaking palimbagang flatbed na ginagamit sa pag-iimprenta ng The Golden Age (ngayo’y Gumising! ) sa wikang Polako. Noong 1934 kami ay nagsimulang gumamit ng ponograpo, at tumulong ako sa paggawa ng mga ito. Ako’y nagkaroon ng malaking kagalakan sa pagbabahay-bahay na taglay ang isinaplakang mga pahayag sa Bibliya. Maraming mga maybahay ang mausyoso tungkol sa munting kagamitang ito, at kadalasan ang buong pamilya ay nagsasama-sama upang makinig, ngunit isa-isang nawawala. Pagka wala na ang buong pamilya, ako’y lilipat na lamang sa susunod na pupuntahan.
Pananatiling Masigla sa Panahon ng Giyera
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang aking bayang Saarland ay napahiwalay sa Alemanya at pinamahalaan sa ilalim ng pangangasiwa ng Liga ng mga Bansa. Kaya, ang Saarland ay naglabas ng kaniyang sariling pagkakakilanlang mga dokumento. Noong 1935 isang plebisito ang ginanap upang pagpasiyahan kung ang mga mamamayan nito ay nagnanais na sila’y muling mapasama sa Alemanya. Sinamantala ko ang pagkakataon upang dumalaw sa aking pamilya, palibhasa’y alam ko na hindi ko na magagawa iyon sakaling ang Saarland ay sumailalim ng kapamahalaan ng mga Nazi. At ganoon nga, sa loob ng maraming taon pagkatapos nito, ako’y walang balita tungkol sa aking mga magulang o mga kapatid.
Bagaman hindi naman tuwirang napasangkot sa Digmaang Pandaigdig II, ang Switzerland ay lubusang napabukod samantalang inuukupahan ng Alemanya ang sunud-sunod na mga bansang karatig. Kami’y lumilimbag ng mga literatura para sa buong Europa maliban sa Alemanya, ngunit ngayon ay hindi na maaaring magpadala ng anumang literatura. Kami’y sinabihan ni Brother Zürcher, lingkod ng sangay noon, na kami’y halos wala nang natitirang salapi, at kami’y inanyayahan niya na humanap ng trabaho sa labas ng Bethel hanggang sa maging normal ang mga bagay-bagay. Gayunman, ako’y pinayagan na manatili roon, sapagkat mayroon pang mga ilang dapat na malimbag para sa libu-libong lokal na mga mamamahayag.
Hindi kailanman malilimutan ng pamilyang Bethel ang Hulyo 5, 1940. Pagkatapos na pagkatapos ng pananghalian isang trak ng militar ang dumating. Nagbabaan ang mga sundalo at pumasok sa Bethel. Kami’y inutusan na basta tumayo nang tahimik, at bawat isa sa amin ay may nakabantay na isang sundalong armado. Kami’y tinipon sa silid-kainan habang hinahalughog ang ibang bahagi ng gusali. Nagsuspetsa ang mga autoridad na sinusulsulan namin ang mga iba na huwag magsundalo, ngunit wala silang natagpuang anumang ebidensiya.
Nang mga taon ng digmaan, ako’y lingkod ng kongregasyon sa Thun at Frutigen. Iyan ay nangangahulugan na totoong mahigpit ang aking iskedyul sa dulo ng sanlinggo. Tuwing Sabado, karakaraka pagkatapos ng pananghalian, ako’y sakay ng aking bisikletang naglalakbay ng 50 kilometro patungo sa Frutigen, na kung saan ako ang konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan sa kinagabihan. Linggo ng umaga ay kasama ako ng mga mamamahayag sa paglilingkod sa larangan. At, maaga sa hapon, ako’y nagpupunta naman sa Interlaken upang maging konduktor sa isang Pag-aaral sa Aklat sa Kongregasyon at sa kinahapunan ay nagdaraos ako ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang pamilya sa Spiez. Sa katapusan ng maghapon, ako ang konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan sa Thun.
Samantalang medyo lumalalim na ang gabi, ngayong tapos na ang lahat ng aking aktibidad, ako’y umaawit at sumisipol sa pagbabalik ko sa Bern, na totoong nasisiyahan. Kakaunti ang mga kotse at hindi ako nakakasalubong ng maraming auto. Ang maburol na tanawin, na mistulang nalalambungan ng kadiliman ng digmaan, ay tahimik at walang gumagambala, manakanakang aandap-andap sa liwanag ng buwan. Ang mga dulo ng sanlinggong iyon ay tunay ngang nagpayaman sa aking buhay at nagpanumbalik ng aking lakas!
Isang Pagdalaw na Nagdulot ng Di-Inaasahang mga Resulta
Noong taglagas ng 1945, si Brother Knorr ay dumalaw sa amin. Isang araw siya’y pumasok sa pabrika samantalang ako’y nakatayo sa rotary press. “Halika, bumaba ka riyan!” ang tawag niya. “Gusto mo bang mag-aral sa Paaralang Gilead?” Namangha ako. “Kung inaakala po ninyong ako’y may kakayahang gumawa niyan, matutuwa po ako,” ang tugon ko. Ang mga paanyaya para kay Brother Fred Borys, Sister Alice Berner, at sa akin ay dumating noong tagsibol ng 1946. Subalit dahilan sa ako’y sa Saarland isinilang, wala akong estado at kung gayon ay kailangang mag-aplay sa Washington, D.C., E.U.A., para magkaroon ng isang special visa.
Samantalang yaong ibang mga kasama ko ay lumisan na nang nasa panahon, ako’y kinailangang maghintay ng kasagutan sa aking aplikasyon. Nang magsimula ang paaralan noong Setyembre 4, ako’y naroon pa sa Switzerland, unti-unting nawawalan ng pag-asa. At tumawag ang U.S. Consulate, ipinabatid sa akin na ang aking visa ay dumating na. Agad-agad na nagsikap akong gumawa ng mga kaayusan sa paglalakbay at sa wakas ay nakakuha ng lugar sa isang barkong sinasakyan ng mga tropa na naglalayag galing sa Marseilles patungo sa New York. Anong pambihirang karanasan! Ang Athos II ay labis-labis ang mga sakay. Ako’y binigyan ng isang higaan sa isang bukás na silid. Noong ikalawang araw ng pagbibiyahe, dahil sa isang pagsabog sa lugar na kinaroroonan ng makina ang barko ay biglang huminto. Ang mga pasahero at pati ang mga tripulante ay hindi mapakali, natatakot na baka kami lumubog. Ito’y nagbigay sa akin ng kahanga-hangang pagkakataon na magpatotoo tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli.
Dalawang araw na kinumpuni ang barko, at pagkatapos ay nagpatuloy kami sa pagbibiyahe na di-gaanong mabilis. Kami’y dumating sa New York makalipas ang 18 araw, ngunit hindi kami nakababa ng barko dahilan sa welga sa daungan. Pagkatapos ng pakikipag-areglo, kami sa wakas ay nakaalis sa barko. Ako’y tumelegrama sa Samahan tungkol sa sitwasyon, at samantalang ako’y paalis sa adwana at sa imigrasyon, isang tao ang nagtanong: “Ikaw ba si Mr. Diehl?” Siya’y isa sa mga assistant ni Brother Knorr, at ako’y isinakay niya sa panggabing tren patungo sa Ithaca, malapit sa Paaralang Gilead, na kung saan ako’y dumating makalampas ang ikawalo kinaumagahan. Anong laki ng aking katuwaan nang ako’y dumating doon sa wakas, at ako’y nakasali sa mga mag-aaral sa unang international na klase ng Gilead!
Pagtitiis sa Kabila ng mga Kahirapan
Ang gradwasyon ng ikawalong klase ng Gilead ay Pebrero 9, 1947, at lahat ay totoong nananabik. Saan kaya kami ididestino? Para sa akin, “ang mga pising panukat” ay nahulog sa bagong kabubukas na palimbagan ng Samahan sa Wiesbaden, Alemanya. (Awit 16:6) Ako’y bumalik sa Bern upang mag-aplay para sa kinakailangang mga papeles, ngunit ang pinapayagan ng hukbong militar doon ng E.U. na makapasok ay yaon lamang mga tao na nakapanirahan na roon bago nagkagiyera. Yamang hindi pa ako nakapaninirahan doon, kailangan ko ang isang bagong atas buhat sa punong-tanggapan sa Brooklyn. Ang resulta ay ang pagkaatas sa akin sa gawaing pansirkito sa Switzerland, na tinanggap ko naman na taglay ang buong pagtitiwala kay Jehova. Subalit samantalang hinihintay ang atas na ito, isang araw ay hiniling sa akin na ipasyal ko sa looban ng Bethel ang tatlong bisitang mga sister. Isa sa kanila ay isang pioneer na nagngangalang Marthe Mehl.
Noong Mayo 1949, ipinatalastas ko sa tanggapang sangay sa Bern na may plano akong magpakasal kay Marthe at hangad naming manatiling nasa buong-panahong paglilingkod. Ang reaksiyon? Walang pribilehiyong bukas maliban sa regular na pagpapioneer. Ito’y pinasimulan namin sa Biel, pagkatapos na makasal kami noong Hunyo 1949. Ako’y hindi pinayagan na magbigay ng mga pahayag, ni maaari man kaming humanap ng akomodasyon para sa mga delegado sa dumarating na asamblea, kahit na kami inirekomenda ng aming tagapangasiwa ng sirkito para sa pribilehiyong ito. Marami ang hindi bumabati sa amin, at ang trato sa amin ay tulad sa mga taong tiwalag, kahit na kami ay mga pioneer.
Gayunman, batid namin na ang pag-aasawa ay hindi naman labag sa Kasulatan, kaya ang naging pinakakanlungan namin ay ang panalangin at naglagak kami ng tiwala kay Jehova. Sa totoo lang, sa ganitong trato ay hindi mababanaag ang pangmalas ng Samahan. Iyon ay isa lamang resulta ng maling pagkakapit ng mga alintuntuning pang-organisasyon.
Nagbalik si Brother Knorr
Noong 1951, si Brother Knorr ay minsang pang dumalaw sa Switzerland. Pagkatapos na siya’y makapagbigay ng isang pahayag, ipinaalam sa akin na ibig niyang ako’y makausap. Bagaman medyo nag-aalala ako, ikinatuwa ko na ibig pala niyang makita ako. Tinanong niya kung tatanggapin namin ang isang atas sa isang binabalak na tahanang misyonero sa Geneva. Natural na kami’y natuwa, bagaman ang pag-alis sa Biel ay nakalulungkot. Kinabukasan kami’y tumanggap ng isa pang kahilingan buhat kay Brother Knorr. Kami ba’y papayag na magpatuloy sa gawaing pansirkito, yamang ito’y nangangailangan ng karagdagang atensiyon sa Switzerland? Agad-agad na pumayag kami. Ang saloobin ko ay laging tanggapin ang anumang iniaalok na pribilehiyo.
Ang aming gawaing pansirkito sa silangang Switzerland ay lubhang pinagpala. Kami’y naglalakbay patungo sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng pagsakay sa tren, dala ang lahat ng aming ari-arian na nakalagay sa dalawang maleta. Nakabisikleta ang mga kapatid na malimit sumasalubong sa amin sa istasyon, sapagkat kakaunti sa kanila ang may mga kotse noong mga araw na iyon. Makalipas ang mga taon isang kapatid ang naglaan ng isang kotse para gamitin namin, anupat medyo nadali ang aming paglilingkod.
Mga Ilang Bagong Sorpresa
Anong laking kagalakan ng noong 1964 kaming mag-asawa ay inanyayahan na makabilang sa mga mag-aarál ng ika-40 klase ng Gilead, ang huling klase ng detalyadong sampung-buwang kurso, na ngayon ay ginawa na lamang walong buwan. Kinailangan ni Marthe na matutong mabilis ng Ingles, ngunit kahanga-hangang nagawa niya ito. Marami ang mga pala-palagay tungkol sa kung saan kami mapapadestino. Ang nasa isip ko ay: ‘Hindi mahalaga kung saan ako maatasan, huwag lamang sa trabahong pang-upisina!’
Ngunit ganiyang-ganiyan ang nangyari! Noong araw ng gradwasyon, Setyembre 13, 1965, ako’y hinirang na lingkod ng sangay ng Switzerland. Ang Bethel ay magiging isang bagong karanasan para kay Marthe. Para naman sa akin, iyon ay pagbabalik sa “Bahay ng Diyos,” hindi sa palimbagan, na kung saan naglingkod ako mula 1931 hanggang 1946, kundi sa opisina. Maraming mga bagong bagay ang kinailangang matutuhan ko, ngunit sa tulong ni Jehova ay nagawa ko iyon.
Pagbabalik-Tanaw
Sa loob ng 60 taon ng buong-panahong paglilingkuran, ako’y lubusang tumiwala kay Jehova, gaya ng sinabi sa akin ng aking ama na dapat kong gawin. At si Jehova ay nagbuhos ng maraming mga pagpapala. Si Marthe ay nagsilbing malaking tulong sa pagbibigay ng pampatibay-loob kung panahon ng panghihina o pagka ako’y napakaraming gawain, tunay na isang tapat na kasama na may lubusang pagtitiwala kay Jehova.
Purihin nawa si Jehova dahil sa maraming pribilehiyo ng paglilingkod na tinamasa ko! Ako pa rin ay naglilingkod bilang coordinator ng Branch Committee sa Thun, at kung ilang beses na ako’y nakapaglakbay bilang tagapangasiwa ng sona. Anuman ang ipagawa sa akin, kay Jehova lagi akong humihingi ng patnubay. Sa kabila ng aking mga pagkakamali at mga pagkukulang, taus-pusong naniniwala ako na ako’y pinatawad na ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo. Harinawang ako’y patuloy na lubusang makalugod sa kaniya. At harinawang patuloy na akayin niya ako, samantalang patuluyang umaasa ako sa kaniya bilang “aking Diyos, na aking pagtitiwalaan.”—Awit 91:2
[Larawan sa pahina 27]
Si Brother Diehl noong may pasimula ng kaniyang paglilingkod sa Bethel