Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Isang Ama na Handang Magpatawad
TINAWAG itong pinakatanyag na maikling kuwento na naisulat kailanman—may mabuting dahilan. Ang talinghaga ni Jesus tungkol sa pag-ibig ng isang ama sa kaniyang nawalang anak ay gaya ng isang bintana na doo’y makikita natin sa kahanga-hangang paraan ang pagkamadamayin ng Diyos sa mga nagsisising nagkasala.
Nawala at Nasumpungan
May dalawang anak na lalaki ang isang tao. Sinabi sa kaniya ng nakababata: ‘Gusto ko nang matanggap ang mana ko ngayon, sa halip na maghintay hanggang sa mamatay kayo.’ Sumang-ayon ang ama, malamang na ibinigay sa kaniya ang ikatlong bahagi ng lahat ng kaniyang pag-aari—ang legal na bahagi para sa nakababata sa dalawang anak. (Deuteronomio 21:17) Nagmamadaling tinipon ng kabataan ang kaniyang mga pag-aari at naglakbay sa isang malayong lupain anupat nilustay doon ang lahat ng kaniyang salapi sa pagtataguyod ng buktot na pamumuhay.—Lucas 15:11-13.
Pagkatapos ay nagkaroon ng matinding taggutom. Dahil sa kawalang-pag-asa, tinanggap ng kabataang lalaki ang trabaho bilang tagapag-alaga ng mga baboy—isang kasuklam-suklam na trabaho para sa isang Judio. (Levitico 11:7, 8) Kapos na kapos ang pagkain anupat nagsimula siyang maghangad ng mga bunga ng algarroba na nagsisilbing pagkain ng mga baboy! Sa wakas, natauhan ang kabataang lalaki. ‘Mas sagana pa sa pagkain ang mga alipin ng aking ama kaysa sa akin!’ ang sabi niya sa kaniyang sarili. ‘Uuwi ako, aaminin ang aking mga kasalanan, at magmamakaawa na maging isang upahang tao ng aking ama.’a—Lucas 15:14-19.
Naglakad pauwi ang kabataang lalaki. Tiyak na malaki ang ipinagbago ng kaniyang hitsura. Gayunman, nakilala siya ng kaniyang ama “habang siya ay malayo pa.” Palibhasa’y nahabag, tumakbo siya sa kaniyang anak, niyakap ito, at “magiliw na hinalikan siya.”—Lucas 15:20.
Ang mainit na pagtanggap na ito ay nagpadali sa kabataang lalaki na alisin ang pasanin sa kaniyang sarili. “Ama,” ang sabi niya, “nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo. Gawin mo akong gaya ng isa sa iyong mga upahang tao.” Ipinatawag ng ama ang kaniyang mga alipin. “Madali!” ang utos niya. “Maglabas kayo ng isang mahabang damit, ang pinakamainam, at damtan ninyo siya niyaon, at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay at ng mga sandalyas ang kaniyang mga paa. At dalhin ninyo ang pinatabang batang toro, patayin ninyo iyon at kumain tayo at magpakasaya, sapagkat ang anak kong ito ay patay na at muling nabuhay; siya ay nawala at nasumpungan.”—Lucas 15:21-24.
Naganap ang marangyang kapistahan, na may musika at sayawan. Narinig ng nakatatandang anak ang ingay samantalang pauwi galing sa bukid. Nang malaman niya na umuwi ang kaniyang kapatid at iyon ang dahilan ng pagsasaya, nagalit siya. ‘Nagpaalipin ako sa iyo nang maraming taon, at hindi ako sumuway sa iyo kailanman, subalit hindi mo ako binigyan kailanman ng isang batang kambing upang ako ay magpakasaya kasama ng aking mga kaibigan,’ ang reklamo niya sa kaniyang ama. ‘Subalit ngayon nang sandaling magbalik ang iyong anak na lumustay sa iyong kayamanan, nagpapista ka para sa kaniya.’ ‘Anak,’ ang magiliw na tugon ng kaniyang ama, ‘lagi na kitang kasama, at lahat ng bagay na akin ay sa iyo. Ngunit kailangang magsaya tayo sapagkat ang kapatid mo ay patay na at nabuhay. Siya ay nawala at pagkatapos ay nasumpungan.’—Lucas 15:25-32.
Mga Aral Para sa Atin
Ang ama sa talinghaga ni Jesus ay lumalarawan sa ating maawaing Diyos, si Jehova. Tulad ng nawalang anak, may panahon na iniwan ng ilang tao ang katiwasayan sa sambahayan ng Diyos subalit sa dakong huli ay nagbalik. Paano minamalas ni Jehova ang gayong mga tao? Yaong nanunumbalik kay Jehova na taimtim na nagsisisi ay makatitiyak na “hindi sa habang panahon ay patuloy siyang maghahanap ng pagkakamali, ni hanggang sa panahong walang-takda ay patuloy siyang maghihinanakit.” (Awit 103:9) Sa talinghaga, ang ama ay tumakbo upang malugod na tanggaping-muli ang kaniyang anak. Gayundin naman, si Jehova ay hindi lamang handa kundi sabik na magpatawad sa mga nagsisising nagkasala. Siya ay “handang magpatawad,” at ginagawa niya ito nang “sagana.”—Awit 86:5; Isaias 55:7; Zacarias 1:3.
Sa talinghaga ni Jesus, ang tunay na pag-ibig ng ama ay nagpadali sa anak na magkaroon ng lakas ng loob upang magbalik. Subalit pag-isipan ito: Ano kaya ang mangyayari kung itinakwil ng ama ang bata o pagalit na sinabihan siya na huwag nang bumalik kailanman? Ang gayong asal ay malamang na permanenteng maglalayo sa binatilyo.—Ihambing ang 2 Corinto 2:6, 7.
Kaya sa diwa, binuksan ng ama ang daan para sa pagbabalik ng kaniyang anak nang panahon na umalis siya. Kung minsan, kailangang alisin ng Kristiyanong matatanda sa ngayon ang di-nagsisising nagkasala buhat sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11, 13) Sa paggawa nito, maaari nilang simulan na buksan ang daan para sa pagbabalik ng nagkasala sa pamamagitan ng maibiging pagtuturo sa mga hakbangin na maaari niyang gawin sa panunumbalik sa hinaharap. Ang alaala sa gayong taos-pusong pamamanhik ay nakaantig nang dakong huli sa marami na nawala sa espirituwal na paraan upang magsisi at nagpakilos sa kanila na manumbalik sa sambahayan ng Diyos.—2 Timoteo 4:2.
Nagpakita rin ng pagdamay ang ama nang magbalik ang kaniyang anak. Agad niyang nahalata ang taimtim na pagsisisi ng bata. Pagkatapos, sa halip na igiit na alalahaning-muli ang bawat detalye ng pagkakasala ng kaniyang anak, pinag-ukulan niya ng pansin ang malugod na pagtanggap sa kaniya, at ipinakita niya ang malaking katuwaan sa paggawa ng gayon. Maaaring tularan ng mga Kristiyano ang ganitong halimbawa. Dapat silang magalak na natagpuan ang isang nawala.—Lucas 15:10.
Ang paggawi ng ama ay malinaw na nagpapakita na matagal na niyang pinanabikan ang pagbabalik ng kaniyang suwail na anak. Sabihin pa, iyon ay anino lamang ng mithiin ni Jehova para sa lahat ng lumisan sa kaniyang sambahayan. “Hindi [niya] nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Yaong mga nagsisisi sa kanilang mga pagkakasala ay makatitiyak kung gayon na sila’y pagpapalain ng “mga kapanahunan ng pagpapanariwa . . . mula sa persona ni Jehova.”—Gawa 3:19.
[Talababa]
a Samantalang ang alipin ay minamalas na kabilang sa sambahayan, ang isang upahang alipin ay isang arawang manggagawa na maaaring palayasin anumang oras. Nangatuwiran ang kabataang lalaki na handa niyang tanggapin maging ang pinakamababang puwesto sa sambahayan ng kaniyang ama.