Pasko—Sekular na Kapistahan o Relihiyosong Banal na Araw?
SA Tsina ay tinatawag siyang Christmas Old Man (Matandang Lalaki ng Pasko). Sa United Kingdom, kilala siya bilang Father Christmas (Amang Pasko). Ginagamit ng mga tao sa Russia ang pangalang Grandfather Frost (Lolong Yelo), at sa Estados Unidos, tinagurian siyang Santa Claus.
Minamalas ng marami ang masayahing matandang lalaking ito na may malaking tiyan at simputi-ng-niyebeng balbas bilang ang mismong personipikasyon ng Pasko. Subalit hindi rin lingid sa kaalaman na si Santa Claus ay isang katha, isang alamat batay sa mga tradisyong iniuugnay sa isang ikaapat-na-siglong obispo ng Myra (sa makabagong-panahong Turkey).
Ang mga kaugalian at tradisyon ay lagi nang may malakas na impluwensiya sa mga pagdiriwang, at hindi naiiba ang Pasko. Ang alamat tungkol kay Santa ay isa lamang halimbawa ng kuwentong iniuugnay sa isang popular na kapistahan. Bagaman inaangkin ng ilang tao na ang mga kaugalian kung Pasko ay batay sa mga pangyayaring nakaulat sa Bibliya, ang totoo ay galing sa mga pagano ang karamihan sa mga kaugaliang ito.
Ang isa pang halimbawa ay ang Christmas tree. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pagsamba sa punungkahoy, na pangkaraniwan sa mga paganong Europeo, ay nanatili pagkatapos na makumberte sila sa Kristiyanismo sa kaugalian ng mga Scandinavian na palamutian ng mga evergreen ang bahay at ang kamalig kapag Bagong Taon upang itaboy ang diyablo at maghanda ng isang punungkahoy para sa mga ibon sa Kapaskuhan.”
Ang paggawa ng mga putong na yari sa holly o iba pang evergreen ay isa pang popular na tradisyon kung Pasko. Ito rin naman ay malalim na nakaugat sa paganong pagsamba. Gumamit ang sinaunang mga Romano ng mga sanga ng holly upang palamutian ang mga templo sa panahon ng Saturnalia, isang pitong-araw na kapistahan sa kalagitnaan ng taglamig na iniuukol kay Saturno, ang diyos ng agrikultura. Ang paganong kapistahang ito ay lalo nang kilala dahil sa walang-habas na maingay na pagsasaya at kahalayan.
Maaaring para sa ilan ay tila romantiko ang pamaskong kaugalian na paghahalikan sa ilalim ng munting sanga ng mistletoe (nakalarawan dito), ngunit ito ay isang paggunita sa Edad Medya. Ang mga Druid ng sinaunang Britanya ay naniniwala na may makahimalang kapangyarihan ang mistletoe; kaya naman, ginamit ito bilang proteksiyon laban sa mga demonyo, gayuma, at iba pang uri ng kasamaan. Sa kalaunan, bumangon ang pamahiin na ang paghahalikan sa ilalim ng mistletoe ay hahantong sa pag-aasawa. Popular pa rin ang kaugaliang ito sa mga tao kapag Kapaskuhan.
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga tradisyon ng modernong Pasko na naimpluwensiyahan o tuwirang nanggaling sa paganong mga turo. Ngunit baka itanong mo kung paano nangyari ang lahat ng ito. Paanong ang isang kapistahan na sinasabing nagpaparangal sa kapanganakan ni Kristo ay lubhang nahaluan ng di-Kristiyanong mga kaugalian? Mas mahalaga, paano ba minamalas ng Diyos ang bagay na ito?
[Picture Credit Lines sa pahina 2]
Page 3: Santa Claus: Thomas Nast/Dover Publications, Inc., 1978; mistletoe on page 3 and illustration on page 4: Discovering Christmas Customs and Folklore by Margaret Baker, published by Shire Publications, 1994