Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 3/1 p. 25
  • Ang Diyos ang Nagpapalago Nito sa Alaska

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Diyos ang Nagpapalago Nito sa Alaska
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Mabisang Paggamit sa Gumising!
    Gumising!—2002
  • Nagdulot sa Amin ng Maraming Pagpapala ang Kaunting Sakripisyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Naimpluwensiyahan Niya ang Buhay ng Marami
    Gumising!—1995
  • Saganang Pinagpala sa Pagpapanatili ng Espiritu ng Pagmimisyonero
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 3/1 p. 25

Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian

Ang Diyos ang Nagpapalago Nito sa Alaska

SA ILALIM ng nakalatag na niyebe at yelo, isang munting binhi ang naghihintay ng pagkakataong umusbong at gumulang. Sa loob ng tatlong maikling buwan ng tag-araw sa Alaska, ang isang binhi ng repolyo na tatlong milimetro ang diyametro ay maaaring lumaki hanggang sa timbang na halos 40 kilo! Oo, ang lupaing ito na minsa’y inakala ng marami na isang ilang at napakalamig na tiwangwang na lupa ay makapagbubunga ng sagana.

Ito ay lalo nang totoo kung tungkol sa espirituwal na bukirin sa Alaska. Doon, sa lupain ng mahahabang taglamig, patuloy na naghahasik ng binhi ng Kaharian ang mga Saksi ni Jehova. Gaya sa ibang bahagi ng lupa, pinalalago ng Diyos ang binhi sa matatabang puso.​—1 Corinto 3:6, 7.

● Habang sakay ng isang school bus, napansin ng isang kabataang Saksi na nagngangalang Vanessa ang isang kapuwa estudyante, si Ann, na laging nag-iisa sa upuan. Mukhang malungkot si Ann, kaya niyaya siya ni Vanessa na umupo sa kaniyang tabi. Hindi nakapagtataka na malungkot si Ann! Namatay ang kaniyang ina dahil sa atake sa puso, at di-nagtagal pagkaraan nito, namatay naman ang kaniyang ama dahil sa kanser. Kaya si Ann ay nakikitira sa mga kamag-anak sa Alaska.

Isang Sabado ay dumalaw si Vanessa sa tahanan ng kaniyang bagong kakilala samantalang naglilingkod sa larangan at iniwan sa kaniya ang brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? Nang sumunod na Lunes sa paaralan, hinanap ni Ann ang kabataang Saksi. Maraming tanong si Ann tungkol sa Bibliya, na nasagot naman ni Vanessa. “Saan kayo nagpupulong upang sumamba?” ang tanong niya. Nang gabing iyon ay dinaluhan ni Ann ang kaniyang unang pulong sa Kingdom Hall.

Hindi nagtagal at ang 17-taong-gulang na ulilang ito ay nakasumpong ng maraming ‘ama’ at ‘ina,’ gaya ng ipinangako ni Jesus. (Mateo 19:29) At tunay na isang masayang okasyon na makita ang isang maligaya at nakangiting si Ann na sinasagisagan ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon!

● Sa malalayong lugar sa napakalawak na Artikong rehiyon ng Alaska​—kung saan magkakalayo nang daan-daang kilometro ng iláng ang mga nayon​—ginagamit ang dalawang-makinang eroplano ng Samahang Watch Tower upang ihasik ang binhi ng Kaharian sa mahigit na 150 pamayanan. Subalit ang espirituwal na paglago sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya ay nakasalalay sa pagsusulatan. Yamang ang pagsulat ng liham ay isang hamon para sa marami, ang isang guro sa Bibliya ay kailangang maging malikhain upang mapanatiling buháy ang interes ng estudyante. Paano ito magagawa?

Si Kathy ay nagdaraos ng isang masulong na pag-aaral ng Bibliya kay Edna, bagaman mahigit sa 600 kilometro ang layo nila sa isa’t isa! Sa halip na kopyahin na lamang ang mga tanong mula sa pantulong sa pag-aaral, gumagawa si Kathy ng isang hiwalay na pilyego ng papel na may mga tanong at naglalaan ng espasyo para sa pagsulat ng mga sagot. Pagkatapos na ito’y sagutan ni Edna, si Kathy ay tumutugon at nagsisingit ng mga komento kung kailangan upang liwanagin ang isang punto. Ganito ang sabi ni Kathy: “Inilalaan ko ang gabi ng Miyerkules para sa aming ‘pag-aaral,’ at sinisikap kong panatilihin iyon gaya ng ginagawa ko sa iba pang iskedyul sa pag-aaral ng Bibliya. Pinadadalhan ko rin si Edna ng isang sobre na may direksiyon ng aking tirahan at selyo. Yamang gumugugol ng dalawang linggo ang paghahatid ng sulat, waring medyo mabagal ang pag-aaral sa pamamagitan ng pagsusulatan.”

Gunigunihin ang pananabik nang magkita nang personal sina Kathy at Edna sa pandistritong kombensiyon sa Anchorage pagkaraan ng sampung buwan ng pag-aaral sa pamamagitan ng koreo! Tuwang-tuwa rin ang mga Saksi dahil nakadalo ang mga estudyante ng Bibliya at iba pang interesado mula sa ilang malalayong nayon sa Alaska.

Bagaman kung minsan ay waring mabagal ang paglago, ang ilang “punla” ay mabilis na tumutubo kapag nalantad sa liwanag ng katotohanan. Sa katamtaman, mahigit na isang daang bagong tagapuri ni Jehova ang nababautismuhan taun-taon sa Alaska! Sinasabi namin, “Salamat sa iyo, Jehova,” sa pagpapalago nito!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share