Mga Alipin ng Tao o mga Lingkod ng Diyos?
“ANG mga Saksi ni Jehova sa paano man ay dapat hangaan.” Ganito ang sabi ng Alemang aklat na Seher, Grübler, Enthusiasten (Mga Bisyonaryo, mga Palaisip, Masusugid). Bagaman medyo mapunahin sa mga Saksi, inamin nito: “Sa pangkalahatan, sila’y namumuhay nang walang-kapintasan at katamtaman. Sila’y masisipag at dibdiban sa kanilang trabaho, tahimik na mga mamamayan at tapat magbayad ng buwis. Umiiwas sila sa labis na pagsusumakit ukol sa kayamanan. . . . Kapuri-puri ang kanilang disiplina sa mga kombensiyon. Ang kanilang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili ay katumbas niyaong sa alinmang iba pang relihiyosong grupo; kung tungkol sa pagmiministeryo ay nakahihigit sila sa lahat ng iba pa. Ngunit nakahihigit sila sa lahat ng iba pang iglesya at grupong Kristiyano sa ating panahon dahil sa totoong di-matitinag na determinasyon na sa pamamagitan nito’y ipinangangaral ng karamihan sa kanila ang kanilang mga doktrina sa ilalim ng lahat ng kalagayan at sa kabila ng lahat ng panganib.”a
Sa kabila ng gayong positibong opinyon, sinisikap na ipakilala ng ilan ang mga Saksi ni Jehova sa isang totoong naiibang pangmalas. Sa maraming bansa sa buong daigdig, hayagang isinasagawa ng mga Saksi ang kanilang relihiyosong paglilingkuran sa loob ng mga dekada nang walang nakikialam. Milyun-milyong tao ang nakakakilala sa kanila, gumagalang sa kanila, at sumasang-ayon na sila’y may karapatang magsagawa ng kanilang relihiyon. Bakit, kung gayon, nagkakaroon ng anumang pag-aalinlangan tungkol sa kung sino nga ba ang mga Saksi ni Jehova?
Marahil ang isang dahilan sa pag-aalinlangan ay sapagkat kamakailan may ilang iba pang relihiyosong grupo na nasangkot sa pang-aabuso sa mga bata, lansakang pagpapatiwakal, at pagsalakay ng mga terorista. Sabihin pa, ang lihis na mga gawang tulad nito ay laganap, hindi lamang doon sa gitna ng mga relihiyoso. Kaya naman, kung tungkol sa relihiyon, maraming tao ang naging mapaghinala, anupat ang ilan ay napopoot pa nga.
Mga Panganib sa Pagsunod sa mga Tao
Ang isang “sekta” ay binigyang katuturan bilang “isang grupo na sumusunod sa isang naiibang doktrina o sa isang lider.” Sa katulad na paraan, yaong mga kabilang sa isang “kulto” ay may “matinding debosyon sa isang tao, ideya, o bagay.” Ang totoo, ang mga miyembro ng anumang relihiyosong grupo na mahigpit na sumusunod sa mga lider na tao at sa kanilang mga ideya, ay nanganganib na maging mga alipin ng tao. Ang isang matibay na ugnayang nakatutok sa isang lider ay maaaring humantong sa pagiging sunud-sunuran sa emosyonal at espirituwal na paraan, anupat ito’y nakasasama. Maaaring tumindi ang panganib kapag ang isang tao ay pinalaki sa makasektang kapaligiran mula pa sa pagkabata.
Yaong may gayong pagkabahala tungkol sa isang relihiyon ay nangangailangan ng mapanghahawakang impormasyon. Ang ilan ay maaaring sinabihan na ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa isang relihiyosong organisasyon na umaalipin sa mga miyembro nito, lubusang kumokontrol sa kanila, labis na sumusupil sa kanilang kalayaan, at ginagawa silang salungat sa lipunan sa kabuuan.
Batid ng mga Saksi ni Jehova na ang mga pagkabahalang ito ay walang saligan. Kaya naman, sila ay nag-aanyaya na ikaw mismo ang magsuri. Pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang, gumawa ka ng sarili mong konklusyon. Ang mga Saksi ba ay mga lingkod ng Diyos, gaya ng sabi nila, o sa totoo’y mga alipin ng tao? Ano ang pinagmumulan ng kanilang lakas? Ang dalawang artikulo sa mga pahina 12-23 ay maglalaan ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong na ito.
[Talababa]
a Ang orihinal na edisyon noong 1950 ay hindi naglalaman ng nabanggit na pahayag. Kaya ang paglitaw nito sa nirebisang edisyon noong 1982 ay nagsisiwalat ng isang pagbabago tungo sa mas mabuting pagkaunawa sa mga Saksi ni Jehova.