Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Ang Bayan Mo ay Kusang Maghahandog ng Kanilang Sarili”
MAY ketong ang puno ng makapangyarihang hukbo ng Sirya na si Naaman. Kung hindi gagamutin, hahantong sa pagkaagnas ng katawan at kamatayan ang nakapandidiring sakit na ito. Ano ang gagawin ni Naaman? Kabilang sa sambahayan ni Naaman ang isang munting batang babae, na “nabihag nila mula sa lupain ng Israel.” Siya’y tahasang nagsalita at nagpakilala na si propeta Eliseo ang siyang makapagpapagaling kay Naaman.—2 Hari 5:1-3.
Dahil sa lakas ng loob ng batang babae, hinanap ni Naaman si Eliseo at siya’y napagaling. Bukod dito, si Naaman ay naging isang mananamba ni Jehova! Ang karanasang ito, na nakaulat sa Bibliya, ay naganap noong ikasampung siglo B.C.E. (2 Hari 5:4-15) Sa ngayon, maraming kabataan ang nagpapakita ng gayunding lakas ng loob sa pagsasalita tungkol sa mga kapakanan ng Kaharian. Pinatutunayan ito ng sumusunod na karanasan mula sa Mozambique.
Ang anim-na-taong-gulang na si Nuno ay isang di-bautisadong mamamahayag ng mabuting balita. Bago pa man siya naging isang di-bautisadong mamamahayag, tinitipon na ni Nuno ang mga bata sa kanilang lugar, siya’y nananalangin, at nagtuturo sa kanila ng Bibliya, na ginagamit ang publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.
Maraming beses na gumigising nang maaga si Nuno kapag Sabado ng umaga at ipinaaalaala sa kaniyang pamilya: “Lalabas po tayo sa ministeryo sa larangan sa araw na ito.” Nakikita sa iba pang paraan ang kaniyang sigasig sa ministeryo. Samantalang sinasamahan ang kaniyang mga magulang sa ministeryo sa lansangan sa Maputo, madalas na mag-isang lumalapit si Nuno sa mga tao. Minsan, isang negosyante ang lumapit sa kaniya at nagtanong: “Bakit ka nagtitinda ng mga magasing ito?” Sabi ni Nuno: “Hindi po ako nagtitinda ng mga magasin, ngunit tumatanggap po ako ng mga abuloy upang makatulong sa pagtustos sa gawaing pangangaral.” Tumugon ang negosyante: “Bagaman hindi ako interesado, hanga ako sa iyong saloobin at kakayahan. Gusto kong mag-abuloy sa gawaing ito.”
Sa isa pang pagkakataon, nilapitan ni Nuno ang isang lalaki sa lansangan at inalukan ito ng aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan? Nagtanong ang lalaki: “Hindi ba doon ka pumapasok sa paaralang iyon?” “Opo,” sagot ni Nuno, “pumapasok po ako sa paaralang iyon, ngunit sa araw na ito ay naghaharap po ako ng isang mahalagang mensahe mula sa aklat na ito. Ipakikita nito sa inyo na maaari kayong mabuhay sa bagong sanlibutan na pangyayarihin ng Diyos, gaya ng ipinakikita ng larawan sa aklat na ito.” Hindi natanto ni Nuno na ang lalaking kausap niya ay isa palang guro sa kanilang paaralan. Hindi lamang tinanggap ng guro ang aklat kundi ngayon ay regular din siyang tumatanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising! kay Nuno.
Kapag tinatanong si Nuno kung bakit gusto niyang makibahagi sa pangangaral, sinasabi niya: “Gusto ko pong makausap ang mga tao at maturuan sila tungkol kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.” Sinasabi pa niya: “At kung ayaw makinig ng mga tao, walang dahilan para mabalisa.”
Sa buong daigdig, libu-libong kabataang tulad ni Nuno ang ‘kusang naghahandog ng kanilang sarili’ upang magturo at mangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Awit 110:3) Ngunit hindi ito nangyayari nang basta na lamang. Ang mga magulang na nagtuturo ng tungkol kay Jehova sa kanilang mga anak mula sa pagkasanggol, nagpapakita ng mabuting halimbawa sa ministeryo, at masigasig na nagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian ay saganang gagantimpalaan.