Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 4/15 p. 3-4
  • Patiuna Na Bang Nakaguhit ang Ating Kinabukasan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patiuna Na Bang Nakaguhit ang Ating Kinabukasan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Naitakda Na ba ng Diyos ang Ating Tadhana?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Talaga Bang “Basta Kapalaran”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Paghahanap sa Tadhana ng Tao
    Gumising!—1999
  • Ang Paniniwala ba sa Tadhana ang Naghahari sa Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 4/15 p. 3-4

Patiuna Na Bang Nakaguhit ang Ating Kinabukasan?

ANG mga Kristiyano, Muslim, Judio, Hindu, o mananampalataya ng ibang relihiyon​—mga tao na may iba’t ibang pananampalataya ay dumaranas ng trahedya at namimighati dahil dito.

Halimbawa, noong Disyembre 6, 1997, isang kakila-kilabot na trahedya ang naganap sa lunsod ng Irkutsk sa Siberia. Kaaangat pa lamang ng isang napakalaking AN-124 na panghakot na eroplano nang mamatay ang dalawa sa mga makina nito. Ang eroplano, na punô ng gasolina, ay bumagsak sa lugar ng mga kabahayan. Tinupok ng apoy ang ilang bahay, na naging dahilan ng kamatayan at pinsala ng maraming kaawa-awang nakatira roon, lakip na ang walang-malay na mga bata.

Sa lugar na iyon ng Siberia na pinangyarihan ng aksidente, malamang na iba’t iba ang relihiyosong pananaw ng mga tao. Ang ilan ay maaaring naniniwala sa Kristiyanismo, ngunit maaari pa rin nilang isipin na ang trahedya ay resulta ng kapalaran. Maaaring isipin nila at ng iba pa na, ‘Kalooban iyan ng Diyos, at kung hindi namatay sa paraang ito yaong mga namatay, sila’y mamamatay sa ibang paraan​—iyon ang kanilang kapalaran.’

Ang gayong pag-iisip, sabihin man o hindi, ay nagpapaaninag ng isang konsepto na palasak sa maraming relihiyon sa buong globo​—kapalaran. Maraming tao ang naniniwala na ang ating kinabukasan, mula sa ating pagsilang hanggang sa araw ng ating kamatayan, ay patiuna nang nakaguhit sa paano man.

Ang paniniwala sa kapalaran ay may sari-saring anyo, anupat pinahihirap ang pangkalahatang kahulugan nito. Ang kapalaran ay karaniwan nang nangangahulugan na anumang bagay na nangyayari, bawat kilos, bawat pangyayari​—mabuti man o masama​—ay di-maiiwasan; ito’y nakatadhanang mangyari sapagkat patiuna na itong itinakda ng isang nakatataas na puwersa, na di-kayang kontrolin ng tao. Ang ganiyang konsepto ay masusumpungan sa astrolohiya, sa karma ng Hinduismo at Budismo, gayundin sa doktrina ng predestinasyon ng Sangkakristiyanuhan. Sa Babilonya noon, naniniwala ang mga tao na ang kumokontrol sa kapalaran at sa kinabukasan ay ang mga diyos sa pamamagitan ng isang nasusulat na dokumento. Di-umano, sinumang diyos na may kontrol sa “mga tableta[ng ito] ng tadhana” ay makapagpapasiya sa kapalaran ng mga tao, ng mga kaharian, at maging ng mga diyos mismo.

Marami ang naniniwala na sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Diyos bago ipanganak ang mga tao, itinakda na ng Diyos ang lahat ng mangyayari sa mga tao, kasali na ang haba ng kanilang buhay, kung sila’y magiging lalaki o babae, mayaman o mahirap, malungkot o maligaya. Lahat ng ito ay sinasabing nasa isip na ng Diyos o nakasulat na sa isang aklat bago ito maganap. Kaya nga karaniwan na para sa isang mananampalataya na sabihin kapag nagkaroon ng kalamidad, “mektoub,”​—nasusulat! Ipinangangatuwiran na palibhasa’y alam na antimano ng Diyos ang lahat ng bagay, dapat na alam na rin niya kung sino ang tatalima sa kaniya at kung sino naman ang susuway. Maraming tagasunod ang naniniwala kung gayon na bago pa man ipanganak ang isang tao, itinakda na ng Diyos kung ito’y nakatadhana para sa walang-hanggang kaligayahan sa Paraiso o ito’y tatanggap ng walang-hanggang pagkapuksa.

Maaaring madama mo na katulad na katulad ito ng doktrina ng predestinasyon na itinuturo sa ilang simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Ang pinakamasugid na Protestanteng tagapagtaguyod ng predestinasyon ay ang ika-16-na-siglong Repormador na Pranses na si John Calvin. Binigyang-katuturan niya ang predestinasyon bilang “ang walang-hanggang dekreto ng Diyos, na dito’y itinatakda niya kung ano ang nais niyang gawin sa bawat tao. Hindi lahat ay nilalang na magkakatulad ang kalagayan, kundi ang walang-hanggang buhay ay itinadhana na para sa ilan at walang-hanggang kapahamakan naman para sa iba.” Tiniyak din ni Calvin: “Hindi lamang patiunang nakita ng Diyos ang pagkakasala ng unang tao, at ang pagkawasak ng angkan nito; kundi para sa kaniyang sariling kaluguran ay isinaayos na niya ito.”

Gayunman, hindi lahat ng miyembro ng mga relihiyon na nagtuturo ng predestinasyon o tadhana ay personal na naniniwala rito. Makatuwirang sinasabi ng ilan na binabanggit ng mga relihiyosong kasulatan ang malayang kalooban ng tao. Sa katunayan, nagkaroon na ng malawakang kontrobersiya sa mga paggawi ng tao, kung ito nga’y bunga ng isang malayang pagpili ng tao o ito’y itinadhana na ng Diyos. Halimbawa, ang ilan ay nangangatuwiran na ang tao’y dapat na malayang makapili o makagawa, yamang pinapanagot ng makatarungang Diyos ang tao ayon sa kaniyang gawa. Ang iba naman ay nagsabing nilikha ng Diyos ang mga paggawi ng tao ngunit sa paano man ay “natamo” ng tao ang mga ito at nagkaroon ng pananagutan sa mga ito. Gayunman, sa pangkalahatan, marami ang naniniwala na ang bawat pangyayari, malaki man o maliit, sa ating pang-araw-araw na buhay ay itinalaga na ng Diyos.

Ano ang iyong paniwala? Itinakda na nga ba ng Diyos ang iyong kinabukasan? Ang mga tao ba’y talagang may malayang kalooban, ang kakayahang gumawa ng praktikal na pagpili tungkol sa kanilang kinabukasan? Hanggang saan nakasalalay sa ating sariling paggawi ang ating kapalaran? Sisikapin ng susunod na artikulo na masagot ang mga tanong na ito.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

SEL/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share