Isang Maligayang Okasyon—Ang Pagtatapos ng Ika-104 na Klase ng Gilead
“ITO ay isang maligayang araw, at nagagalak tayong lahat.” Sa pamamagitan ng mga salitang ito, pinasimulan ni Carey Barber, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang masayang programa sa pagtatapos ng ika-104 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead noong Marso 14, 1998. Ang mga tagapakinig na may bilang na 4,945 ay inanyayahang pasimulan ang okasyon sa pamamagitan ng pag-awit ng awiting pang-Kaharian bilang 208, na pinamagatang “Isang Awit ng Kagalakan.”
Praktikal na Payo Upang Manatiling Maligaya
Ang panimulang bahagi ng programa, isang serye ng limang maiikling diskursong salig sa Bibliya, ay naglaan ng ilang praktikal na payo kung paano mapananatili ang maligayang espiritu na nangingibabaw sa araw ng pagtatapos.
Ipinahayag ni Joseph Eames ng Writing Department ang unang pahayag. Nagsalita siya sa temang “Tularan ang Espiritu ng mga Matapat,” salig sa salaysay ng Bibliya sa 2 Samuel kabanatang 15 at 17, na doo’y nakipagsabuwatan ang anak ni David na si Absalom upang kunin ang bigay-Diyos na kaharian ng kaniyang ama sa pamamagitan ng pagsusulsol ng paghihimagsik. Gayunman, may mga nanatiling matapat kay Haring David na pinahiran ni Jehova. Anong aral ang matututuhan ng mga bagong misyonero mula rito? “Saanman kayo pumaroon sa inyong atas pangmisyonero, matapat na itaguyod ninyo ang espiritu ng pagtutulungan at paggalang sa teokratikong awtoridad. Tulungan ang iba na gawin din ang gayon,” pagtatapos ni Brother Eames.
Ang sumunod sa programa ay si David Sinclair, na bumalangkas sa sampung kahilingan, na binanggit sa Awit 15, upang maging mga panauhin sa ‘tolda ni Jehova.’ Pinasigla ng kaniyang pahayag, na pinamagatang “Magpatuloy Bilang mga Panauhin sa Inyong Toldang Pangmisyonero,” ang nagtapos na mga estudyante na ikapit ang awit na ito sa kanilang atas pangmisyonero, kung saan sila ay magiging mga panauhin. Itinampok ni Brother Sinclair ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa makadiyos na mga pamantayan sa lahat ng panahon. Ang resulta? Sinasabi ng Awit 15:5: “Siya na gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi kailanman hahapay.”
Si John Barr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang sumunod at tumawag ng pansin sa nakapagpapalakas na epekto ng pag-awit sa mga pulong Kristiyano. Ngunit ano ba ang pinakamaligayang awit na inaawit sa buong lupa ngayon? Iyon ang mabuting balita ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Ano ang ibinubunga ng lahat ng pag-awit na ito, o pangangaral tungkol sa Kaharian? Payak ngunit malinaw na sinasabi iyon ng ikalawang taludtod ng awit bilang 208: “Sa pangangaral at pag-aaral, marami ang sa Diyos makikinig. Sa kagalakan nag-aawitan, nagbabalita sa buong daigdig!” Oo, mga 1,000 bagong alagad bawat araw ang nababautismuhan. Nagtapos si Brother Barr: “Hindi ba kahanga-hangang isipin, mga kapatid, na kayo ay isinusugo sa mga teritoryo upang matagpuan ang mga uri ng tao na naghihintay lamang na marinig ang inyong awit ng papuri?”
“Pakinggan ang Tinig ng mga Makaranasan” ang siyang titulo ng diskurso na sumunod ay binigkas ni James Mantz ng Writing Department. Binanggit niya na ang ilang bagay ay matututuhan lamang sa pamamagitan ng personal na karanasan. (Hebreo 5:8) Gayunpaman, pinasisigla tayo ng Kawikaan 22:17 na ‘ikiling ang ating pakinig at dinggin ang mga salita ng pantas,’ o niyaong mga nagtamo ng karanasan. Maraming matututuhan ang mga nagtapos na estudyante mula sa mga nauna sa kanila. “Alam nila kung paano makikipagtawaran sa mga lokal na nagtitinda. Alam nila kung aling mga lugar sa lunsod ang dapat iwasan dahil sa panganib sa moral o pisikal. Alam nila kung ano ang mga ikinagagalit ng mga tao sa kanilang lugar. Alam ng matatagal nang misyonero kung ano ang kailangan ninyo upang maging maligaya at matagumpay sa inyong atas,” sabi ni Brother Mantz.
Sa pagsasalita sa temang “Pahalagahan ang Inyong Teokratikong Atas,” ipinaliwanag ni Wallace Liverance, tagapagrehistro sa Paaralang Gilead, na samantalang tinanggap ng ilang misyonero, gaya nina apostol Pablo, Timoteo, at Bernabe, ang kanilang atas mula sa Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu o ng isang makahimalang paghahayag, ang mga misyonerong sinanay sa Gilead ay inaatasan ng isang dako sa larangan sa buong daigdig sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Inihambing niya ang mga atas ng mga misyonero sa mga lugar na iniatas ni Gideon sa kaniyang mga tauhan na makikipaglaban noon sa mga Midianita. (Hukom 7:16-21) “Pahalagahan ang inyong teokratikong atas pangmisyonero. Kung paanong ang mga kawal ni Gideon ay ‘nanatiling nakatayo bawat isa sa kaniyang dako,’ malasin ang inyong atas bilang dakong dapat ninyong kalagyan. Manampalataya na maaari kayong gamitin ni Jehova kung paanong ginamit niya ang tatlong daan ni Gideon,” ang payo ni Brother Liverance.
Nagbubunga ng Kaligayahan ang Pagiging Palaisip sa mga Tao
Nagkomento minsan Ang Bantayan: “Sa halip na ituon ang ating interes at buhay sa mga niyaring bagay at mga kasangkapan ng kasalukuyang kaayusan, mga bagay na hindi tiyak na mananatili, lalo ngang mabuti at matalino na maging totoong interesado sa mga tao at matutong makasumpong ng tunay na kagalakan sa paggawa ng mga bagay para sa iba.” Kasuwato nito, tinalakay ni Brother Mark Noumair, isa sa mga instruktor sa Paaralang Gilead, sa isang grupo ng mga estudyante ang kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan at nagkomento: “Ang pagpapakita ng personal na interes sa iba ang siyang magpapangyaring kayo’y maging mabubuting misyonero.”
Mga Susi sa Kaligayahan sa Larangan sa Ibang Bansa
Ano ang ilang susi sa tagumpay at kaligayahan sa gawaing pagmimisyonero? Kinapanayam nina Brother Charles Woody ng Service Department at Harold Jackson, isang dating misyonero sa Latin Amerika at isang katulong sa Teaching Committee, ang mga miyembro ng iba’t ibang Komiteng Pansangay na dumadalo sa ikasiyam na klase ng paaralan para sa mga tauhan ng sangay. Narito ang isang halimbawa ng payong maibibigay ng mga ito:
Sinabi ni Albert Musonda mula sa Zambia: “Kapag nagkusa ang misyonero na lapitan at batiin ang mga kapatid, nagbubunga ito ng napakabuting espiritu dahil mapapalapit ang mga kapatid sa misyonero, at mapapalapit sa kanila ang misyonero.”
Iminungkahi ni Rolando Morales ng Guatemala na kapag inalok ng anumang maiinom ng palakaibigang mga tao ang mga bagong misyonero, maaari silang tumugon nang may kabaitan at mataktika: “Bago lamang ako sa bansang ito. Gusto ko sanang inumin iyan, pero hindi pa taglay ng katawan ko ang likas na mga panlabang taglay ng inyong katawan. Sana’y mainom ko rin iyan balang araw, at gustung-gusto kong gawin iyon.” Ano ang mga pakinabang sa ganitong uri ng sagot? “Hindi magdaramdam ang mga tao, at nagiging mabait sa iba ang mga misyonero.”
Ano ang makatutulong sa mga misyonero upang makapagtiis sa kanilang atas? Ganito ang sabi ni Brother Paul Crudass, nagtapos sa ika-79 na klase ng Gilead, na 12 taon nang naglilingkod sa Liberia: “Alam kong totoong nangungulila ang mga magulang sa kanilang mga anak. Ngunit may mga panahon na sinisikap ng misyonero na makasanayan ang bansa, ang kapaligiran, ang kultura, ang mga tao. Baka parang gusto na niyang umalis. Kapag nakatanggap siya ng liham mula sa sariling bayan na nagsasabing, ‘Labis kaming nangungulila sa iyo; hindi namin alam kung ano ang gagawin ngayong wala ka,’ baka iyan lamang ang kailangan para mag-impake siya at umuwi na. Napakahalaga na tandaan ito ng mga kamag-anak na naririto ngayon.”
Pagkatapos ng mga panayam, ang huling pahayag sa programa ay iniharap ni Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Ang kaniyang tema: “Gawing Pinakamahalaga ang Kaharian sa Inyong Buhay.” Paano makapananatiling nakapako ang pag-iisip ng mga misyonero at hindi magambala sa kanilang gawain? Pinasigla niya sila na magkaroon ng iskedyul sa personal na pag-aaral ng Bibliya, na tutulong sa kanila na gawing pinakamahalaga sa kanilang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. At narito ang isang napapanahong paalaala: “Nakaliligtaan ng ilang misyonero ang personal na pag-aaral dahil sa labis nilang pagbubuhos ng pansin sa mga elektronikang kagamitan, E-mail, at sa computer. Dapat na magkaroon tayo ng katinuan na maging timbang sa paggamit ng anumang kasangkapan at huwag gumugol ng labis-labis na panahon sa isang bagay na maaaring umagaw ng panahon para sa ating personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos.”
Kasunod ng diskurso ni Brother Jaracz ang pagbibigay ng mga diploma at pagbasa ng isang liham ng pasasalamat mula sa klase. Ipinahayag ng kinatawan ng klase ang damdamin ng bawat isa sa ganitong paraan: “Nakita namin ang matibay na ebidensiya ng pag-ibig na sinabi ni Jesus na siyang pagkakakilanlan ng kaniyang mga alagad, at tiniyak nito sa amin na saanman kami naroroon, may isang magiliw, maibigin at tulad-inang organisasyon na umaalalay sa amin. Taglay ang gayong suporta, handa na kaming pumaroon sa mga dulo ng lupa.” Iyan ay isang nakaaantig na konklusyon sa isang maligayang araw ng pagtatapos para sa ika-104 na klase ng Gilead.
[Kahon sa pahina 24]
Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 9
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 16
Bilang ng mga estudyante: 48
Bilang ng mga mag-asawa: 24
Katamtamang edad: 33
Katamtamang taon sa katotohanan: 16
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12
[Larawan sa pahina 25]
Ika-104 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay
(1) Romero, M.; Howarth, J.; Blackburne-Kane, D.; Hohengasser, E.; West, S.; Thom, S. (2) Colon, W.; Glancy, J.; Kono, Y.; Drews, P.; Tam, S.; Kono, T. (3) Tam, D.; Zechmeister, S.; Gerdel, S.; Elwell, J.; Dunec, P.; Tibaudo, H. (4) Taylor, E.; Hildred, L.; Sanches, M.; Anderson, C.; Bucknor, T.; Hohengasser, E. (5) Howarth, D.; Ward, C.; Hinch, P.; McDonald, Y.; Sanches, T.; Thom, O. (6) Drews, T.; Tibaudo, E.; Elwell, D.; Dunec, W.; Blackburne-Kane, D.; Ward, W. (7) Anderson, M.; Zechmeister, R.; McDonald, R.; Bucknor, R.; Glancy, S.; Gerdel, G. (8) Romero, D.; Hinch, R.; Hildred, S.; Taylor, J.; Colon, A.; West, W.
[Larawan sa pahina 26]
Mga kapatid na nakibahagi sa pagtuturo sa ika-104 klase: (mula sa kaliwa) W. Liverance, U. Glass, K. Adams, M. Noumair