Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 6/15 p. 3-5
  • Nakatakda Na Bang Magunaw ang Planetang Lupa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakatakda Na Bang Magunaw ang Planetang Lupa?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Maliwanag na Paglalarawan ng “Pagkagunaw ng Mundo”
  • Itinuwid ang Maling Pamamalakad ng Tao
  • Magagawa Ito
  • Ang mga Asteroid, Kometa, at ang Lupa—Magbabanggaan Kaya?
    Gumising!—1999
  • Ilog Thames—Pambihirang Pamana ng Inglatera
    Gumising!—2006
  • Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ipinangako ng Diyos na Mananatili ang Planeta Natin
    Gumising!—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 6/15 p. 3-5

Nakatakda Na Bang Magunaw ang Planetang Lupa?

MALAPIT nang magwakas ang ika-20 siglo, at magsisimula naman ang ika-21 siglo. Sa eksenang ito, ang dumaraming bilang ng tao na karaniwan nang bahagya lamang o kaya’y di-nagbibigay-pansin sa mga hula hinggil sa nakatakdang kapahamakan ay nagtatanong kung may magaganap nga kayang mahalagang pangyayari na gigimbal sa daigdig.

Marahil ay napansin mo ang mga artikulo sa pahayagan at magasin tungkol dito​—mga buong aklat pa nga hinggil sa paksang ito. Kung ano man ang mangyayari sa pasimula ng ika-21 siglo, maghintay tayo. Sinasabi ng ilang tao na ang pagsapit ng katapusan ng taóng 2000 ay may pagitan na isang taon lamang (o isang minuto, mula 2000 hanggang 2001) at malamang na walang gaanong halaga. Ang mas ikinababahala ng marami ay ang pangmatagalang kinabukasan ng ating planeta.

Ang isang hula na karaniwang bumabangon sa ngayon ay na sa isang takdang panahon​—sa malapit man o sa malayong hinaharap​—ang planetang Lupa mismo ay nakatakdang magunaw. Isaalang-alang natin ang dalawa lamang sa gayong nakalulungkot na mga hula.

Sa kaniyang aklat na The End of the World​—The Science and Ethics of Human Extinction, na unang inilathala noong 1996, ang awtor at pilosopong si John Leslie ay nagbigay ng tatlong posibilidad kung paano maaaring magwakas ang buhay ng tao sa lupa. Nagtanong muna siya: “Maaari kayang mangahulugan ng wakas ng lahi ng tao ang walang-patumanggang digmaang nuklear?” Saka idinagdag niya: “Ang malamang na magiging tanawin . . . ay ang pagkalipol dahil sa epekto ng radyasyon: kanser, paghina ng sistema ng imyunidad anupat laganap ang mga nakahahawang sakit, o pagkakaroon ng napakaraming depekto sa mga ipinanganganak. Maaari ring magkamatay ang pagkaliliit na mga organismo na mahalaga sa mabuting kapaligiran.” Ang ikatlong posibilidad na iniharap ni Mr. Leslie ay na baka raw tamaan ng kometa o asteroid ang lupa: “Sa mga kometa at asteroid na sa pag-ikot ay posibleng tumama sa Lupa balang araw, mga dalawang libo rito ang may diyametro na nasa pagitan ng isa at sampung kilometro. Mayroon ding mas maliit na bilang (hindi ito kayang matantiya) ng mas malalaki pang kometa at asteroid, at mas malaking bilang ng maliliit.”

Isang Maliwanag na Paglalarawan ng “Pagkagunaw ng Mundo”

O isaalang-alang natin ang isa pang siyentipiko, si Paul Davies, propesor sa University of Adelaide, Australia. Inilarawan siya ng Washington Times bilang “ang pinakamahusay na manunulat ng siyensiya sa magkabilang panig ng Atlantiko.” Isinulat niya noong 1994 ang The Last Three Minutes, na tinaguriang “ang ina ng lahat ng aklat tungkol sa pagkagunaw ng mundo.” Ang unang kabanata ng aklat na ito ay tinatawag na “Pagkagunaw ng Mundo,” at inilalarawan nito ang likhang-isip na senaryo ng maaaring mangyari kung sakaling tamaan ng kometa ang planetang Lupa. Basahin natin ang bahagi ng kaniyang nakapangingilabot na paglalarawan:

“Ang planeta ay niyanig ng puwersang katumbas ng sampung libong lindol. Isang malakas na buga ng hangin ang humahaginit sa sangkalupaan, anupat pinapatag ang mga gusali at pinupulbos ang lahat ng daanan nito. Ang patag na lupa sa palibot ng pinagbagsakan ay umangat sa taas na ilang milya at bumuo ng mga likidong bundok sa palibot, anupat humantad ang ilalim ng Lupa sa hukay na may 150 kilometro ang lawak. . . . Isang napakalaking haligi ng maalikabok na labi ang kumalat sa atmospera, anupat natakpan nito ang araw sa kabuuan ng planeta. Ang sikat ng araw ngayon ay napalitan ng nakatatakot at kukuti-kutitap na liwanag ng isang bilyong bulalakaw, na dumadarang sa lupa sa ibaba dahil sa nakapapasong init, habang nagbabagsakan naman ang mga sumabog na bagay pabalik sa atmospera.”

Patuloy na iniugnay ni Propesor Davies ang likhang-isip na senaryong ito sa prediksiyon na ang kometang Swift-Tuttle ay tatama sa lupa. Idinagdag niya ang babala na bagaman ang ganitong kaganapan ay maaaring hindi naman mangyari sa malapit na hinaharap, ipinalalagay niya na “sa malao’t madali ang Swift-Tuttel, o ang isang bagay na gaya nito, ay tatama sa Lupa.” Ang konklusyong ito ay ibinatay niya sa mga pagtantiya na nagpapahiwatig na 10,000 bagay na may diyametrong kalahating kilometro o higit pa ang bumabagtas sa orbito ng Lupa.

Naniniwala ka bang magkakatotoo ang ganitong nakatatakot na hula? Nakagugulat ang dami ng mga taong naniniwala rito. Subalit hindi sila nababahala sapagkat tinitiyak nila sa kanilang sarili na hindi naman ito magaganap sa kanilang panahon. Gayunman, bakit naman kaya kailangang mawasak ang Lupa​—alinman sa malapit na o pagkalipas pa ng mga milenyo mula ngayon? Ang totoo, hindi naman ang lupa mismo ang pangunahing nagdudulot ng suliranin sa mga naninirahan dito na mga tao at hayop. Sa halip, hindi ba ang tao mismo ang may pananagutan sa karamihan ng mga problema nitong ika-20 siglo, lakip na ang posibilidad ng lubusang ‘pagsira sa lupa’?​—Apocalipsis 11:18.

Itinuwid ang Maling Pamamalakad ng Tao

Kumusta naman ang mas malamang na posibilidad na maaaring ang tao mismo ang lubusang sumisira o pumipinsala sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang maling pamamalakad at kasakiman? Maliwanag na nagaganap na ang napakalaking pagwasak sa mga bahagi ng lupa sa pamamagitan ng malawakang pagkalbo sa gubat, di-makontrol na polusyon sa atmospera, at pagpinsala sa mga daluyan ng tubig. Ito’y angkop na binuod mga 25 taon na ang nakalilipas ng mga awtor na sina Barbara Ward at René Dubos sa kanilang aklat na Only One Earth: “Ang tatlong mahahalagang bahagi na apektado ng polusyon na dapat nating suriin​—hangin, tubig, at lupa​—mangyari pa, ang siyang bumubuo ng tatlong pangunahing pinanggagalingan ng mga elemento ng ating buhay sa planeta.” At ang kalagayan ay talaga namang hindi na bumuti mula noon, hindi ba?

Kapag isinasaalang-alang natin ang posibilidad ng pagsira o pagwasak ng tao sa lupa dahil na rin sa kaniyang kapabayaan, napatitibay tayo sa pagsasaalang-alang sa kahanga-hangang kakayahan ng planetang Lupa na makabawi at makapanauli. Bilang paglalarawan sa kakayahang ito ng kahanga-hangang pananauli, ganito ang nakapagpapatibay-loob na obserbasyon ni René Dubos na binanggit sa isa pang aklat, ang The Resilience of Ecosystems:

“Nangangamba ang mga tao na huling-huli na ang pagbibigay-pansin sa pagkasira ng paligid sapagkat hindi na kayang ituwid pa ang pinsalang naidulot na sa ekosistema. Sa aking palagay, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sapagkat ang ekosistema ay may pambihirang kakayahan na makapanauli mula sa nakababagbag na karanasan nito.

“Taglay ng ekosistema ang ilang mekanismo para mapagaling ang sarili. . . . Pinapangyayari ng mga ito na mapaglabanan ng ekosistema ang epekto ng pambubulabog sa pamamagitan lamang ng unti-unting pagsasauli sa dating timbang na kalagayan ng ekolohiya.”

Magagawa Ito

Ang isang litaw na halimbawa nito sa kalilipas na mga taon ay ang unti-unting paglilinis ng bantog na ilog Thames ng London. Iniulat ng aklat na The Thames Transformed, nina Jeffery Harrison at Peter Grant, ang pambihirang tagumpay na ito na nagpapakita ng maaaring maging resulta kapag nagkaisa ang mga tao para sa kapakinabangan ng lahat. Ganito ang isinulat ng Duke ng Edinburgh ng Britanya sa kaniyang paunang-salita sa aklat: “Narito na sa wakas ang isang kuwento ng tagumpay na nararapat ilathala sa kabila ng panganib na baka akalain ng ilang tao na ang suliranin ng konserbasyon ay hindi naman talagang malubha na gaya ng nais ipaunawa sa kanila. . . . Lahat sila’y maaaring mabuhayan ng loob dahil sa nagawa sa Thames. Ang magandang balita ay na maaari itong magawa at maaari ring magtagumpay ang kanilang mga panukala.”

Sa kabanatang “The Great Clean-Up (Ang Malawakang Paglilinis),” buong-siglang isinulat nina Harrison at Grant ang nagawa sa nakalipas na 50 taon: “Sa kauna-unahang pagkakataon sa daigdig, ang isang napakarumi at industriyalisadong ilog ay naisauli sa isang antas anupat muling dumami ang mga ibong pantubig at mga isda. Ang mabilis na kaganapang iyan ng gayong pagbabago, sa isang kalagayan na sa pasimula’y waring wala nang pag-asa, ay nagpatibay-loob maging sa pinakawala-nang-pag-asang tagapag-ingat ng buhay-ilang.”

Pagkatapos ay inilarawan nila ang pagbabago: “Patuloy sa pagkasira ang ilog sa paglipas ng mga taon hanggang sa sumapit ang marahil ay pinakahuling dagok noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang masira o mawasak ang mga pangunahing kanal at mga imburnal. Napakasama na ng kalagayan ng Thames noong mga taon ng 1940 at 1950. Ang ilog ay mistula nang nakalantad na imburnal; kulay itim ang tubig, walang oksiheno, at kung mga buwan ng tag-araw ay umaabot hanggang sa malayo ang alingasaw ng mabahong amoy mula sa Thames. . . . Itinaboy ang dating namumutiktik na mga isda, maliban sa ilang igat na nakaligtas dahil sa kanilang kakayahan na huminga sa ibabaw ng tubig. Ang mga ibon sa dakong loob ng kahabaang punô ng mga gusali sa pagitan ng London at Woolwich ay umunti na sa halos ilan na lamang na mga pato at di-maingay na mga sisne, at utang ng mga ito ang kanilang buhay sa nahuhulog na mga butil sa daungan sa halip na sa likas na pinanggagalingan ng pagkain. . . . Sino ang makapaniniwala noon na magaganap ang isang malaking pagbabago? Sa loob ng sampung taon ay nabago ang mga kahabaan ding iyon ng ilog mula sa literal na kawalan ng mga ibon tungo sa pagiging kanlungan ng maraming uri ng mga ibon sa tubig, lakip na yaong mga nagpapalipas ng taglamig na umaabot sa 10,000 ibong ligaw at 12,000 ibong pandalampasigan.”

Mangyari pa, isang pagbabago lamang iyan sa isang maliit na sulok ng globo. Magkagayunman, may makukuha pa rin tayong aral mula sa halimbawang ito. Ipinakikita nito na ang planetang Lupa ay hindi pa rin maituturing na nakatakdang magunaw dahil sa maling pamamalakad, kasakiman, at kapabayaan ng tao. Ang tamang edukasyon at nagkakaisang pagsisikap para sa kabutihan ng sangkatauhan ay makatutulong na mapanauli ang lupa kahit napakalaki na ng pinsala nito sa ekolohiya, kapaligiran, at lupain. Ngunit kumusta naman ang posibleng pagkawasak nito dahil sa mga puwersa mula sa labas, gaya ng gumagalang kometa o asteroid?

Taglay ng susunod na artikulo ang susi upang matamo ang nakasisiyang sagot sa ganitong nakalilitong tanong.

[Blurb sa pahina 5]

Ang edukasyon at nagkakaisang pagsisikap ay makatutulong na mapanauli ang lupa kahit napakalaki na ng pinsala nito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share