Bethel—Isang Lunsod ng Mabuti at Masama
ANG ilang lunsod ay napabantog—o nakilala sa kasamaan—dahil sa mga pangyayaring naganap sa mga ito. Gayunman, di-pangkaraniwan ang Bethel dahil sa ito’y nakilala kapuwa sa kabutihan at kasamaan. Pinanganlan ng patriyarkang si Jacob ang lunsod na ito na Bethel, na nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” Ngunit pagkaraan ng isang libong taon, tinawag ni propeta Oseas ang lunsod na ito na “Bahay ng Pananakit.” Paano nagbago ang lunsod na ito mula sa pagiging mabuti tungo sa masama? At ano ang matututuhan natin sa kasaysayan nito?
Ang kaugnayan ng Bethel sa bayan ng Diyos ay nagsimula noong 1943 B.C.E. nang nabubuhay pa si Abraham. Noon, ang lunsod ay kilala bilang Luz, ang orihinal na Canaanitang pangalan nito. Matatagpuan iyon sa maburol na lalawigan, mga 17 kilometro sa gawing hilaga ng Jerusalem. Gunigunihin si Abraham at ang kaniyang pamangking si Lot na nanununghay sa mabungang kapatagan ng mas mababang Libis ng Jordan mula sa isang magandang puwesto sa itaas ng mga bundok sa palibot ng Bethel. Sa mataktikang paraan, itinawag-pansin ni Abraham kay Lot ang suliranin ng pagtatalaga ng mga lugar para mapanginainan ng kanilang malalaking kawan: “Pakisuyo, huwag magpatuloy ang anumang awayan sa pagitan natin at sa pagitan ng aking mga tagapag-alaga ng kawan at ng iyong mga tagapag-alaga ng kawan, sapagkat tayong mga lalaki ay magkakapatid. Hindi ba ang buong lupain ay nakalaan sa iyo? Pakisuyo, humiwalay ka sa akin. Kung paroroon ka sa kaliwa, kung gayon ay paroroon ako sa kanan; ngunit kung paroroon ka sa kanan, kung gayon ay paroroon ako sa kaliwa.”—Genesis 13:3-11.
Hindi iginiit ni Abraham ang kaniyang karapatan na unang pumili. Sa halip, hinayaan niya ang nakababatang lalaki na pumili ng pinakamainam na lugar. Maaari nating tularan ang magandang saloobin ni Abraham. Mapahuhupa natin ang maiinit na pagtatalo sa pamamagitan ng mahinahong pagsasalita at walang-imbot na pagkilos.—Roma 12:18.
Makalipas ang ilang taon nang magkampamento sa Luz ang apo ni Abraham na si Jacob, nagkaroon siya ng pambihirang panaginip. Nakakita siya ng “isang hagdan na nakalagay sa ibabaw ng lupa at ang dulo nito ay umaabot hanggang sa langit; at, narito! may mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog doon. At, narito! si Jehova ay nakatayo sa itaas niyaon.” (Genesis 28:11-19; ihambing ang Juan 1:51.) Mahalaga ang kahulugan ng panaginip na iyon. Ang mga anghel na nakita ni Jacob ay maglilingkod sa kaniya bilang pagtupad sa pangako ng Diyos sa kaniya hinggil sa kaniyang binhi. Ang matayog na posisyon ni Jehova sa itaas ng hagdan ay nagpapakitang papatnubayan niya ang mga anghel sa gawaing ito.
Lubhang naantig si Jacob sa ganitong katiyakan ng pag-alalay ng Diyos. Nang magising mula sa kaniyang panaginip, tinawag niya ang dakong iyon na Bethel, na nangangahulugang “Bahay ng Diyos,” at bumigkas ng panata kay Jehova: “Kung tungkol sa lahat ng bagay na ibibigay mo sa akin ay walang pagsalang ibibigay ko ang ikasampu niyaon sa iyo.”a (Genesis 28:20-22) Palibhasa’y kinikilala na lahat ng taglay niya ay galing sa Diyos, nais niyang ibalik ang isang malaking bahagi bilang tanda ng kaniyang pasasalamat.
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay pinaglilingkuran din ng mga anghel. (Awit 91:11; Hebreo 1:14) Sila rin naman ay makapagpapakita ng kanilang pagpapahalaga sa lahat ng pagpapala sa kanila sa pamamagitan ng pagiging ‘mayaman sa maraming kapahayagan ng pasasalamat sa Diyos.’—2 Corinto 9:11, 12.
Nang maglaon, ang mga inapo ni Jacob ay naging isang bansa. Nagapi ng kanilang lider na si Josue ang paganong hari ng Bethel sa maagang bahagi ng pagsakop sa Canaan. (Josue 12:16) Noong panahon ng mga Hukom, ang propetisang si Debora ay nanirahan malapit sa Bethel at itinatawid niya sa mga tao ang salita ni Jehova. Si Samuel din naman ay regular na dumadalaw sa Bethel nang siya’y nagsilbing hukom sa bansang Israel.—Hukom 4:4, 5; 1 Samuel 7:15, 16.
Naging Sentro ng Apostasya ang Bethel
Subalit ang kaugnayan ng Bethel sa dalisay na pagsamba ay naputol matapos mahati ang Kaharian noong 997 B.C.E. Itinalaga ni Haring Jeroboam ang Bethel bilang sentro ng pagsamba sa guya, anupat ang guya ay ipinagpalagay na kumakatawan kay Jehova. (1 Hari 12:25-29) Kaya naman nang inihuhula ang pagkapuksa ng Bethel, tinukoy ito ni Oseas bilang “Beth-aven,” na nangangahulugang “Bahay ng Pananakit.”—Oseas 10:5, 8.
Bagaman ang Bethel ay naging isang sentro ng espirituwal na pananakit, ang mga pangyayaring may kaugnayan dito ay patuloy na naglaan ng mahahalagang aral. (Roma 15:4) Ang isa sa gayong aral ay may kinalaman sa isang di-pinanganlang propeta na isinugo sa Bethel mula sa Juda upang ihula ang paglipol sa mga altar at mga saserdote nito. Sinabihan din siya ni Jehova na bumalik sa Juda—mga ilang kilometro lamang sa gawing timog—nang hindi kumakain o umiinom. Buong-tapang na binigkas ng propetang ito ang hula sa harap ni Jeroboam, ang hari ng Israel, anupat isinumpa ang altar ng Bethel. Ngunit pagkatapos nito ay sinuway niya ang Diyos sa pamamagitan ng pagkain sa bahay ng isang matandang propeta sa Bethel. Bakit? Buong-kasinungalingang sinabi ng matandang propeta na isang anghel ni Jehova ang nag-utos sa kaniya na patuluyin ang isang kapuwa propeta. Ang pagsuway ng propeta mula sa Juda ay humantong sa kaniyang maagang kamatayan.—1 Hari 13:1-25.
Kung magmungkahi ang isang kapananampalataya na gumawa tayo ng isang bagay na waring kahina-hinala, paano tayo dapat na tumugon? Tandaan na maging ang isang payo na may mabuting layunin ay maaaring maging nakapipinsala kapag ito ay mali. (Ihambing ang Mateo 16:21-23.) Sa pamamagitan ng paghingi ng patnubay ni Jehova sa panalangin at pag-aaral ng kaniyang Salita, maiiwasan natin ang kalunus-lunos na pagkakamali ng di-pinanganlang propeta.—Kawikaan 19:21; 1 Juan 4:1.
Pagkaraan ng mga 150 taon, naglakbay rin si propeta Amos patungong hilaga upang humula laban sa Bethel. Mariing tinuligsa ni Amos ang kaniyang napopoot na mga tagapakinig, pati na ang saserdoteng si Amazias, na buong-kahambugang pinagsabihan si Amos na ‘tumakas tungo sa lupain ng Juda.’ Ngunit walang-takot na sinabi ni Amos kay Amazias ang tungkol sa mga kalamidad na sasapit sa sariling sambahayan ng saserdote. (Amos 5:4-6; 7:10-17) Ipinaaalaala sa atin ng kaniyang halimbawa na maaaring patapangin ni Jehova ang kaniyang mapagpakumbabang mga ministro.—1 Corinto 1:26, 27.
Nang dakong huli, giniba ng tapat na si Haring Josias ng Juda ‘ang altar na nasa Bethel, sinunog ang mataas na dako, dinurog iyon hanggang sa maging alabok, at sinunog ang sagradong poste.’ (2 Hari 23:15, 16) Maaaring tularan ng matatanda sa ngayon ang kaniyang mainam na halimbawa sa pamamagitan ng masigasig na pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos at pangunguna para mapanatiling malinis ang kongregasyon.
Maliwanag na inilalarawan ng mga pangyayaring ito sa kasaysayan ng Bethel ang mga resulta ng katuwiran at ng kabalakyutan, ng pagsunod at ng pagsuway kay Jehova. Mga taon bago nito, pinapili ni Moises ang bansang Israel: “Inilalagay ko sa harap mo ngayon ang buhay at ang mabuti, at ang kamatayan at ang masama.” (Deuteronomio 30:15, 16) Ang pagbubulay-bulay sa kasaysayan ng Bethel ay magpapasigla sa atin na iugnay ang ating sarili sa “Bahay ng Diyos,” isang dako ng tunay na pagsamba, sa halip na sa “Bahay ng Pananakit.”
[Talababa]
a Sina Jacob at Abraham ay kapuwa kusang-loob na naghandog ng ikapu.
[Larawan sa pahina 23]
Ang kaguhuan sa kinaroroonan ng Bethel, kung saan itinatag ni Jeroboam ang sentro ng pagsamba sa guya