Pangunahin sa Akin ang Paluguran si Jehova
GAYA NG INILAHAD NI THEODOROS NEROS
Bumukas ang pintuan ng aking selda, at isang opisyal ang tumawag: “Sino si Neros?” Nang ipinakilala ko ang aking sarili, nag-utos siya: “Tumayo ka. Papatayin ka na namin.” Nangyari iyon sa isang kampong militar sa Corinto, Gresya, noong 1952. Bakit nanganib ang aking buhay? Bago ko ipaliwanag iyan, hayaan mong ilahad ko ang ilang bagay hinggil sa aking nakaraan.
NOONG bandang 1925, natagpuan ng mga Estudyante ng Bibliya (na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) ang aking ama. Di-nagtagal, naging isa siya sa kanila at kaniyang ibinahagi ang mga paniniwala niya sa walo niyang kapatid na lalaki at babae, na pawang tumanggap ng katotohanan sa Bibliya. Tumanggap din ng katotohanan ang kaniyang mga magulang. Pagkatapos, siya ay nag-asawa, at ipinanganak ako noong 1929 sa Agrinio, Gresya.
Talagang kakila-kilabot na mga taon iyon para sa Gresya! Una, umiral ang malupit na diktadura ni Heneral Metaxas. Sumunod, noong 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, at di-nagtagal ay nasakop ng mga Nazi ang bansa. Ang sakit at gutom ay palasak. Isinasakay sa maliliit na karetilya ang mga bangkay na namamaga. Kitang-kita ang kasamaan ng sanlibutan, at na kailangan nito ang Kaharian ng Diyos.
Isang Buhay ng Buong-Pusong Paglilingkuran
Noong Agosto 20, 1942, samantalang ang grupo namin ay nagtitipon para sa isang pulong sa labas ng Tesalonica, itinuro ng aming punong tagapangasiwa ang mga eroplano ng Britanya na naghuhulog ng mga bomba sa lunsod at kaniyang idiniin kung paanong kami ay naingatan dahil sa pagsunod sa payo na huwag ‘pabayaan ang ating pagtitipon.’ (Hebreo 10:25) Sa pagkakataong iyon, nagtipon kami sa dalampasigan, at isa ako sa mga nagprisinta upang pabautismo. Nang umahon kami mula sa tubig, pumila kami, at inawit ng aming mga Kristiyanong kapatid na lalaki at babae ang isang awit na nagbibigay ng komendasyon sa amin dahil sa pagpapasiyang ginawa namin. Isa iyong araw na hindi ko malilimutan!
Di-nagtagal pagkatapos nito, habang ako at ang isang batang lalaki ay nagbabahay-bahay, hinuli kami ng mga pulis at dinala kami sa presinto. Upang idiin na itinuring kami bilang mga Komunista at bawal ang aming gawaing pangangaral, kami ay binugbog at sinabihan: “Si Jehova at si Stalin ay iisa lamang, mga tanga!”
May gera sibil noon sa Gresya, at mainit ang pagkontra sa mga Komunista. Nang sumunod na araw, pinagmartsa kami nang nakaposas sa harapan ng aming mga bahay, na para bang kami’y mga kriminal. Ngunit hindi lamang iyon ang mga pagsubok na aking naranasan.
Mga Pagsubok ng Pananampalataya sa Paaralan
Maaga noong 1944, nag-aaral pa ako noon, at patuloy na nasasakop ng mga Nazi ang Tesalonica. Isang araw sa paaralan, ang propesor namin sa relihiyon na isang pari ng Griegong Ortodokso ay nagsabi sa akin na susubukin ako hinggil sa leksiyon para sa araw na iyon. “Hindi siya isang Kristiyanong Ortodokso,” ang sabi ng ibang mga bata.
“Ano siya kung gayon?” ang tanong ng propesor.
“Isa po ako sa mga Saksi ni Jehova,” ang aking tugon.
“Isang lobo sa gitna ng mga tupa,” ang sigaw niya, nang sunggaban niya ako at sampalin.
‘Paano kaya mangyayari,’ ang sabi ko sa aking sarili, ‘na ang isang lobo ay makakagat ng isang tupa?’
Ilang araw pagkalipas nito, may mga 350 kami na nakaupo sa mesa para sa pananghalian. Sinabi ng superbisor: “Si Neros ang mananalangin.” Inulit ko ang tinatawag na ‘Ama Namin,’ ang panalanging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, gaya ng iniulat sa Mateo 6:9-13. Hindi ito nagustuhan ng superbisor, kaya pagalit niya akong tinanong mula sa kaniyang kinauupuan: “Bakit mo sinambit ang panalangin sa gayong paraan?”
“Dahil isa po ako sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ko. Nang sinabi ko iyon, kaniya ring sinunggaban ako at sinampal. Nang pahapon na noong araw ring iyon, tinawag ako ng isa pang guro sa kaniyang opisina at kaniyang sinabi sa akin: “Mahusay, Neros, manghawakan ka sa iyong pinaniniwalaan, at huwag kang magpapadala.” Nang gabing iyon, pinatibay-loob ako ng aking ama sa pamamagitan ng mga salitang ito ni apostol Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may maka-Diyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”—2 Timoteo 3:12.
Nang matapos ko ang haiskul, kinailangan kong pumili ng karera na aking kukunin. Dahil sa labanang sibil sa Gresya, kinailangan ko ring harapin ang isyu ng Kristiyanong neutralidad. (Isaias 2:4; Mateo 26:52) Nang maglaon, maaga noong 1952, sinentensiyahan ako ng 20 taon sa bilangguan dahil sa pagtanggi ko na humawak ng armas noong kritikal na panahong iyon sa kasaysayan ng Gresya.
Sinubok ang Aking Kristiyanong Neutralidad
Samantalang nakakulong ako sa mga kampong militar sa Mesolóngion at Corinto, nagkaroon ako ng pagkakataong ipaliwanag sa mga komandante na hindi ako pinahihintulutan ng aking sinanay-sa-Bibliyang budhi na maging sundalo na sumusuporta sa pulitika. “Isa na akong sundalo ni Jesus,” ang aking paliwanag habang itinuturo ang 2 Timoteo 2:3. Nang himukin akong pag-isipan itong muli, sinabi kong hindi ako nagpadalus-dalos sa aking pagpapasiya kundi nagpasiya ako matapos ang seryosong pagsasaalang-alang at dahil sa pag-aalay ko sa Diyos na gawin ang kaniyang kalooban.
Bilang resulta, kinailangan kong magtrabaho nang sapilitan, magtiis na kumain tuwing makalawang araw lamang sa loob ng 20 araw, at matulog sa sementadong sahig ng selda na may sukat na wala pang isang metro ang lapad at dalawang metro ang haba. At kasama ko sa selda ang dalawa pang Saksi! Iyon ang panahon, samantalang nasa kampo sa Corinto, nang tawagin ako mula sa aking selda para bitayin.
Habang papunta kami sa dako ng pagbibitayan, nagtanong ang opisyal, “Wala ka bang anumang sasabihin?”
“Wala,” ang aking tugon.
“Hindi ka ba susulat sa iyong pamilya?”
“Hindi,” ang aking isinagot. “Alam na nilang maaari akong patayin dito.”
Nakarating na kami sa looban, at inutusan akong tumayo sa may pader. Pagkatapos, sa halip na utusang bumaril ang mga sundalo, nag-utos ang opisyal, “Dalhin siya sa loob.” Iyon pala ay isa lamang pakunwaring pagbitay, na isinaayos upang subukin ang aking determinasyon.
Nang maglaon, dinala ako sa isla ng Makrónisos, kung saan pinagbawalan akong magkaroon ng anumang literatura maliban sa isang Bibliya. Labintatlong Saksi ang inilagay sa isang maliit na bahay na hiwalay sa halos 500 kriminal na nakabilanggo. Magkagayon man, kahit paano ay naipuslit pa rin sa amin ang mga literatura. Halimbawa, isang araw ay pinadalhan ako ng isang kahon ng loukoúmia (isang popular na kendi). Sa pananabik ng mga inspektor na tikman ang loukoúmia, hindi na nila napansin ang magasing Bantayan na nakatago sa ilalim nito. “Kinain ng mga sundalo ang loukoúmia, subalit ‘kinain’ naman namin Ang Bantayan!” ang binanggit ng isang Saksi.
Isang kopya ng aklat na What Has Religion Done for Mankind? na kalalabas pa lamang noon ang nakaabot sa amin, at isinalin ito ng isang bilanggong Saksi na marunong ng Ingles. Sama-sama rin kaming nag-aaral ng Ang Bantayan at nagpupulong nang patago. Minalas namin ang bilangguan bilang isang paaralan, bilang isang pagkakataon upang palakasin ang aming espirituwalidad. Higit sa lahat, maligaya kami sapagkat alam naming kalugud-lugod kay Jehova ang aming pagtatapat.
Nasa Týrintha sa silangang Pelopónnisos ang huling bilangguan kung saan ako’y nakulong. Doon, napansin ko ang isang guwardiyang matamang nagmamasid habang pinagdarausan ko ng pag-aaral sa Bibliya ang isa kong kasamang bilanggo. Gayon na lamang ang aking pagkagulat nang pagkaraan ng ilang taon ay muli kaming magkita nang guwardiyang iyon sa Tesalonica! Isa na siyang Saksi. Nang maglaon, isa sa kaniyang anak ang napunta sa bilangguan, hindi upang maging isang guwardiya kundi upang maging isang bilanggo. Ibinilanggo siya sa parehong kadahilanan ng pagkabilanggo ko noon.
Pinag-ibayong Gawain Pagkatapos Mapalaya
Tatlong taon lamang ang aking ginugol sa orihinal na 20-taong sentensiya sa akin. Pagkatapos kong makalaya, ipinasiya kong manirahan sa Atenas. Gayunman, di-nagtagal ay nagkasakit ako ng isang uri ng pleurisy at napilitan akong bumalik sa Tesalonica. Dalawang buwan akong nakaratay. Nang maglaon, nakilala ko ang isang nakabibighaning babae na nagngangalang Koula, at ikinasal kami noong Disyembre 1959. Noong 1962, nagpasimula siyang maglingkod bilang isang payunir, na siyang tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Tatlong taon pagkaraan, nakisama ako sa kaniya sa gawaing pagpapayunir.
Noong Enero ng 1965, naatasan kami sa pansirkitong gawain, na dumadalaw sa mga kongregasyon upang palakasin sila sa espirituwal na paraan. Noong tag-init ng taon ding iyon, nagkapribilehiyo kaming dumalo sa aming unang malaking pandistritong kombensiyon sa Vienna, Austria. Kakaiba ito sa mga idinaos sa Gresya kung saan kailangang patago kaming magtagpo sa kakahuyan dahilan sa bawal ang aming gawain. Sa pagtatapos ng 1965, inanyayahan kaming maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Atenas. Gayunman, dahil sa mga karamdaman ng ilan sa aking mga kamag-anak, kinailangan naming bumalik sa Tesalonica noong 1967.
Samantalang ginagampanan ang aming mga pananagutan sa pamilya, patuloy kaming naging abala sa gawaing pag-eebanghelyo. Minsan, nang nakikipag-usap ako sa aking pinsan na si Kostas, inilarawan ko sa kaniya ang kagandahan ng organisasyon ng Diyos at ang pag-ibig, pagkakaisa, at pagsunod sa Diyos na umiiral doon. “Napakaganda ng mga bagay na ito kung umiiral lang sana ang Diyos,” ang kaniyang sinabi. Tinanggap niya ang aking paanyayang suriin kung ang Diyos ba ay umiiral o hindi. Nabanggit ko na sa Agosto 1969 ay dadalo kami sa isang pang-internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Nuremberg, Alemanya. Kaniyang itinanong kung maaari ba siyang sumama, at pati ang kaniyang kaibigang si Alekos, na nakikipag-aral din sa amin ng Bibliya, ay nagnanais ding sumama.
Pambihirang tanawin ang kombensiyong iyon sa Nuremberg! Ang kombensiyon ay idinaos sa malaking istadyum kung saan ipinagdiwang ni Hitler ang kaniyang militar na mga tagumpay. Ang nagsidalo ay umabot sa peak na mahigit sa 150,000, at ang espiritu ni Jehova ay mahahalata sa lahat ng gawain doon. Di-natagalan pagkatapos nito, sina Kostas at Alekos ay kapuwa nabautismuhan. Pareho silang naglilingkod ngayon bilang Kristiyanong matatanda, at ang kanilang mga pamilya ay mga Saksi rin.
Nakapagpasimula ako ng pag-aaral sa isang interesadong babae. Ipinahayag ng kaniyang asawa na nais niyang imbestigahan ang ating mga paniniwala, at di-nagtagal pagkaraan nito, kaniyang ipinaalam sa akin na inanyayahan niya ang isang G. Sakkos, isang teologo ng Griegong Ortodokso, para sa isang debate. Nais ng asawang lalaki na magharap ng mga katanungan para sa aming dalawa. Dumating si G. Sakkos kasama ang isang pari. Ang lalaking aming dinadalaw ay nagpasimula sa pagsasabing, “Una, nais kong sagutin ni G. Sakkos ang tatlong katanungan.”
Samantalang hawak ang salin ng Bibliya na aming ginagamit sa talakayan, itinanong ng lalaki, “Unang tanong: Ito ba ay isang tunay na Bibliya, o Bibliya ng mga Saksi?” Sinabi ni G. Sakkos na isa iyong mapagkakatiwalaang salin, at inilarawan din niya ang mga Saksi bilang “mga umiibig sa Bibliya.”
Sa pagpapatuloy, itinanong ng lalaki, “Ikalawang tanong: Mahusay ba ang asal ng mga Saksi ni Jehova?” Ang totoo, nais niyang malaman kung anong uri ng mga tao ang pinakikisamahan ng kaniyang asawa. Ang teologo ay sumagot nang may-katiyakan na sila ay may mahusay na asal.
“Ang ikatlong tanong,” ang patuloy ng lalaki. “Ang mga Saksi ni Jehova ba ay binabayaran?” “Hindi,” ang sagot ng teologo.
“Nasagot na ang aking mga katanungan, at ako’y nakabuo na ng aking pasiya,” ang huling sinabi ng lalaki. Pagkatapos noon, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya at di-nagtagal ay nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova.
Isang Kapana-panabik at Nakasisiyang Buhay
Muli akong naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito noong Enero 1976. Mga anim na taon pagkaraan, nagkaroon ako ng pribilehiyo na makibahagi sa pagpapasimula ng isang bagong paraan ng pangangaral sa Gresya—ang pagpapatotoo sa lansangan. Pagkatapos, noong Oktubre 1991, kami ng aking asawa ay nagpasimulang maglingkod bilang mga special pioneer. Pagkalipas ng ilang buwan, kinailangan kong sumailalim sa quadruple bypass na operasyon sa puso, na mabuti na lamang at naging matagumpay. Mahusay na ngayon ang aking kalusugan, at naipagpatuloy ko na ang pambuong-panahong gawaing pangangaral. Ako ay naglilingkod din bilang isang matanda sa isa sa mga kongregasyon sa Tesalonica, at gumagawang kasama ng lokal na Hospital Liaison Committee upang tulungan ang mga may medikal na pangangailangan.
Habang binabalik-tanaw ko ang aking buhay, natatanto ko kung gaano kasiya-siyang gawain ang gawin ang nakalulugod sa ating makalangit na Ama. Nagagalak ako na pinaunlakan ko noon pa man ang kaniyang nakaaakit na paanyaya: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang may maisagot ako sa isa na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Tunay na nakagagalak sa aking puso na makita ang pagdami sa buong daigdig ng tapat-pusong mga tao na pumapasok sa organisasyon ni Jehova. Totoong isang pribilehiyo ang makibahagi sa pagpapalaya sa mga tao sa pamamagitan ng katotohanan sa Bibliya at sa gayo’y mabuksan sa kanila ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa isang matuwid na bagong sanlibutan!—Juan 8:32; 2 Pedro 3:13.
Lagi naming pinasisigla ang mga kabataang lingkod ni Jehova na gawing tunguhin ang pambuong-panahong ministeryo, na ibigay ang kanilang panahon at kalakasan sa kaniya. Tunay, ang pagtitiwala kay Jehova at ang lubusang kaligayahan sa pagpapagalak sa kaniyang puso ang pinakamakabuluhang buhay na maaaring tamasahin ng isa!—Kawikaan 3:5; Eclesiastes 12:1.
[Mga larawan sa pahina 21]
(Mula sa kaliwa pakanan)
Paglilingkod sa kusina ng Bethel noong 1965
Pagbibigay ng isang pahayag noong 1970 nang ang ating pangangaral ay ipinagbawal
Kasama ang aking asawa noong 1959
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ang aking asawa, si Koula