Determinadong Sundin ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay
Napakaraming iniaalok ng “Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Kombensiyon sa mga nagnanais maglingkod sa Diyos! Inilarawan ng isang delegado ang kombensiyon na “isang kamangha-manghang panahon ng pagtuturo, pampatibay-loob, at pagbibigay-liwanag.”
SINABI naman ng isa pang delegado na “napakaraming tatamasahin, pag-iisipan, tatanggapin.” Isaalang-alang natin ngayon ang programa mismo.
Si Jesu-Kristo—Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay
Ito ang tema ng unang araw ng kombensiyon. (Juan 14:6) Binabanggit ng unang pahayag ang layunin ng ating pagtitipong sama-sama sa kombensiyon: upang maturuan pa hinggil sa posibleng pinakamainam na daan ng buhay, ang daan ng Diyos ukol sa buhay. Tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan kung paano lumakad sa kaniyang mga daan. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng Bibliya, ng “tapat at maingat na alipin,” at ng banal na espiritu. (Mateo 24:45-47; Lucas 4:1; 2 Timoteo 3:16) Anong laking pribilehiyo na maturuan ng Soberano ng sansinukob!
Kasuwato ng tema para sa araw na ito, ang pinakatemang pahayag ay “Pantubos ni Kristo—Daan ng Diyos sa Kaligtasan.” Upang makasunod sa daan ng Diyos ukol sa buhay, mahalagang kilalanin ang papel ni Jesu-Kristo sa layunin ni Jehova. Sinabi ng tagapagsalita: “Kung wala ang haing pantubos ni Jesu-Kristo, walang tao, anuman ang kaniyang paniniwala o gawa, ang maaaring tumanggap ng buhay na walang hanggan mula sa Diyos.” Pagkatapos ay sinipi niya ang Juan 3:16, na nagsasabi: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Ang pagsasagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo ay humihiling na tayo’y sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan. Nangangahulugan din ito ng pag-aalay ng ating buhay kay Jehova, na sinasagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at pamumuhay ayon sa halimbawa na ibinigay ni Jesu-Kristo.—1 Pedro 2:21.
Ang sesyon noong hapon ay nagsimula sa pamamagitan ng isang pahayag na pinamagatang “Ang Daan ng Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo.” Kalakip dito ang talata-por-talatang pagtalakay sa nakaaantig na paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig, na nakatala sa 1 Corinto 13:4-8. Ang mga tagapakinig ay pinaalalahanan na ang mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig ang pagkakakilanlang katangian ng Kristiyanismo at na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay mahahalagang bahagi ng pagsambang sinasang-ayunan ni Jehova.
Kasunod nito ang tatlong-bahaging simposyum na pinamagatang “Mga Magulang—Ikintal ang Daan ng Diyos sa Inyong mga Anak.” Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa sa pagbabasa at pag-aaral ng kaniyang Salita. Maikikintal nila ang katotohanan sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng regular na pampamilyang pag-aaral, na iniaangkop upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Mahalaga rin na tulungan ang mga bata na makibahagi sa mga gawain ng kongregasyon at sa ministeryo sa larangan. Bagaman isang hamon ang pagpapalaki ng may-takot sa Diyos na mga anak sa balakyot na sanlibutang ito, ang paggawa niyaon ay nagdudulot ng maraming gantimpala.
Kasunod ng simposyum na ito ang pahayag na “Hayaang Hubugin Kayo ni Jehova Para Magamit sa Marangal na Paraan.” Kung paano hinuhubog ng isang magpapalayok ang isang sisidlang luwad, gayon hinuhubog ng Diyos yaong mga nagnanais na maglingkod sa kaniya. (Roma 9:20, 21) Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng payo sa kaniyang Salita at sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Tutulungan tayo ni Jehova na gamitin ang ating mga kakayahan nang lubusan kung handa tayong gamitin ang ating buhay, tumugon sa mga pagkakataon, at handa tayong patnubayan niya ang ating mga hakbang.
Isang kapana-panabik na bahagi ng programa ang sumunod ngayon—“Paglilingkod sa Larangang Pangmisyonero.” Kasalukuyang naglilingkod sa buong lupa sa 148 na mga bansa ang 2,390 ministrong Kristiyano na itinuturing bilang mga misyonero. Nagpapakita sila ng magandang halimbawa ng pagkamatapat at sigasig at taos-pusong nagpapasalamat sa kanilang pribilehiyo ng paglilingkod sa banyagang mga lupain. Sa bahaging ito ng programa sa mga internasyonal na kombensiyon, binanggit ng mga misyonero ang mga hamon at mga kagalakan ng buhay misyonero.
Ang huling pahayag noong unang araw ay pinamagatang “May Buhay ba Pagkatapos ng Kamatayan?” Ang katanungang ito ay nakagulo sa isip ng sangkatauhan sa loob ng mga milenyo. Sinikap lutasin ng mga tao sa lahat ng lipunan ang paksang ito. Napakaraming ipinalalagay na mga kasagutan. Kasindami ito ng mga kaugalian at relihiyon niyaong mga nagpapaliwanag nito. Subalit, kailangang malaman ng mga tao ang katotohanan.
Dahil dito, ipinatalastas ng tagapagsalita ang paglalabas ng makulay at bagong 32-pahinang brosyur na Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay? Ipinaliliwanag ng brosyur na ito ang pinagmulan ng turo tungkol sa imortalidad ng kaluluwa at ipinakikita nito kung paanong ang ideyang ito ay naging mahalaga sa halos lahat ng relihiyon sa daigdig ngayon. Sa maliwanag at kawili-wiling paraan, sinusuri nito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kaluluwa, kung bakit tayo namamatay, at kung ano ang nangyayari sa atin sa kamatayan. Ipinaliliwanag din ng brosyur kung anong pag-asa mayroon para sa mga patay at para sa mga buháy. Anong laking pagpapala nga ang publikasyong ito sa mga naghahanap ng katotohanan sa lahat ng dako!
Manatiling Mahigpit na Nagbabantay Kung Paano Kayo Lumalakad
Anong pagkaangkup-angkop na tema ito para sa ikalawang araw ng kombensiyon! (Efeso 5:15) Ang programa noong umaga ay nagtuon ng pansin sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. Kasunod ng pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto, ang programa ay nagpatuloy sa pamamagitan ng pahayag na “Pagtulong sa mga Tao na Lumakad sa Daan Patungo sa Buhay.” Sa pagsasagawa ng apurahang gawaing ito, mahalagang magkaroon ng isang positibong saloobin, anupat kinikilala na ang pagbahagi ng katotohanan sa iba ay kapuwa isang pribilehiyo at isang tungkulin. Noong unang siglo C.E., tinanggihan ng karamihan ng mga tao ang Salita ng Diyos. Subalit, sa kabila ng pagsalansang, may mga ‘wastong nakaayon para sa buhay na walang hanggan at naging mga mananampalataya.’ (Gawa 13:48, 50; 14:1-5) Gayundin ang kalagayan sa ngayon. Bagaman marami ang tumatanggi sa katotohanan ng Bibliya, patuloy nating hinahanap ang mga tumutugon nang mabuti.—Mateo 10:11-13.
Tinalakay ng sumunod na pahayag ang hamon ng pag-abot sa iba pa sa pamamagitan ng mensahe ukol sa buhay. Yamang mas mahirap ngayon matagpuan ang mga tao sa bahay, kailangan nating gawin ang lahat ng ating magagawa at lahat ng paraan kung nais nating mapaabutan ng mensahe ng Kaharian ang pinakamarami hangga’t maaari. Sa maraming lupain, ang mga mamamahayag ng mabuting balita ay nagtamo ng maiinam na resulta sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa telepono at sa pangangaral sa mga lugar ng negosyo, sa gayon ay naaabot yaong mga mahirap maparatingan ng mensahe.
Ang pahayag na pinamagatang “Pagtuturo sa mga Alagad ng Lahat ng Ipinag-utos ni Kristo” ay nagtuon ng pansin sa kahalagahan ng pagiging bihasa sa ating ministeryo. Ang ating mga kakayahan sa pagtuturo ay napatatalas habang natututo tayo mula sa iba at nagkakapit ng mahuhusay na pagsasanay na tinatanggap sa mga pulong sa kongregasyon. Habang tayo’y nagiging bihasa sa ating pagtuturo, nakasusumpong tayo ng higit na kagalakan at kasiyahan sa ating gawain na pagtulong sa iba na matuto ng katotohanan sa Bibliya.
Ang sesyon sa umaga ay nagtapos sa pamamagitan ng isang pahayag tungkol sa kahulugan ng pag-aalay at bautismo. Ang isa sa mga puntong binanggit ng tagapagsalita ay na kung lubusan tayong magtitiwala sa Diyos at buong sigasig na magsisikap tayong gawin ang kaniyang kalooban, pagpapalain at aalalayan niya tayo. Ang pantas na tao ay sumulat: “Alalahanin mo siya [ang Diyos] sa lahat ng iyong daan, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:6) Ang nakagagalak na bautismo mismo ay isang tampok na bahagi ng kombensiyon na nagpapakita na marami ang nagsimula nang sumunod sa daan ng Diyos ukol sa buhay.
Pagkatapos ng tanghalian, ang sesyon sa hapon ay nagsimula sa pamamagitan ng pahayag na “Paglilingkod na Taglay sa Isipan ang Buhay na Walang Hanggan.” Matutupad ang layunin ng Diyos na siya’y paglingkuran ng masunuring tao magpakailanman sa lupa. Anong pagkaangkup-angkop nga, kung gayon, na ituon natin ang ating isip, mga plano, at pag-asa na paglingkuran si Jehova taglay sa isipan ang kawalang-hanggan! Samantalang nais nating ingatan sa isipan “ang araw ni Jehova,” mahalagang tandaan na ang layunin natin ay maglingkod hanggang sa walang hanggan. (2 Pedro 3:12) Ang hindi pagkaalam sa eksaktong oras ng pagsasagawa ni Jesus ng paghihiganti ng Diyos ay tumutulong sa atin na manatiling mapagbantay at nagbibigay sa atin ng mga pagkakataon sa araw-araw na patunayang tayo’y naglilingkod kay Jehova nang walang mapag-imbot na mga motibo.
Sinuri ng dalawang sumunod na pahayag ang ika-4 na kabanata ng sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso. Kabilang sa mga bagay na isinaalang-alang ang pagpapalang taglay natin sa “mga kaloob na mga tao,” ang espirituwal na mga kuwalipikadong lalaki na hinirang ng banal na espiritu. Ang matatandang ito ay nagbibigay ng payo at patnubay para sa ating espirituwal na kapakanan. Hinihimok din ng kinasihang sulat ni Pablo ang mga Kristiyano na magbihis ng “bagong personalidad.” (Efeso 4:8, 24) Kasali sa makadiyos na personalidad ang mga katangiang gaya ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng isip, kahinahunan, mahabang-pagtitiis, at pag-ibig.—Colosas 3:12-14.
Ang pananatiling mahigpit na nagbabantay kung paano tayo lumalakad ay nangangahulugan na ingatan ang ating sarili na walang batik mula sa sanlibutan—ang paksa ng sumunod na pahayag. Kailangang maging timbang sa pagpili ng libangan, sosyal na mga gawain, at materyal na mga tunguhin. Sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo sa Santiago 1:27 na manatiling walang batik mula sa sanlibutan, tayo’y magtatamasa ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos at isang mabuting budhi. Maaari rin tayong mamuhay nang makabuluhang buhay at pagpapalain ng kapayapaan, espirituwal na kasaganaan, at mabubuting kasamahan.
Sumunod ang tatlong-bahaging simposyum na pinamagatang “Mga Kabataan—Sundin ang Daan ng Diyos.” Ang pagkaalam na minamahal sila ng Diyos at pinahahalagahan ang kanilang mga pagsisikap na itaguyod ang dalisay na pagsamba, dapat sanayin ng mga kabataan ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na paglingkuran siya nang buong katapatan. Ang isang paraan upang magkaroon ng kakayahan sa pang-unawa ay sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw at pagbubulay-bulay rito. Kung gagawin natin ito, malalaman natin ang mga daan ni Jehova. (Awit 119:9-11) Ang mga kakayahan sa pang-unawa ay napauunlad din sa pamamagitan ng pagtanggap ng maygulang na payo mula sa mga magulang, matatanda, at sa mga publikasyon ng Samahan. Sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang mga kakayahan sa pang-unawa sa tamang paraan, napaglalabanan ng mga kabataan ang pagiging abala sa materyal na mga ari-arian, maruruming pananalita, at labis-labis na paglilibang na katangian ng sanlibutang ito na hiwalay sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagsunod sa daan ng Diyos ukol sa buhay, ang mga bata’t matanda ay maaaring magtamasa ng tunay na tagumpay.
Ang huling pahayag nang araw na ito ay “Ang Maylalang—Ang Kaniyang Personalidad at ang Kaniyang mga Daan.” Pagkatapos banggitin na bilyun-bilyong tao ang hindi nakakakilala sa Maylalang, sinabi ng tagapagsalita: “Ang tunay na kahulugan ng buhay ay nauugnay sa pagkilala sa Maylalang, ang ating personal na Diyos; ang pagkilala sa kaniyang personalidad; at pakikipagtulungan sa kaniyang mga daan. . . . May mga bagay tungkol sa ating daigdig at tungkol sa atin na magagamit mo upang tulungan ang mga tao na tanggapin ang Maylalang at makasumpong ng kabuluhan may kaugnayan sa kaniya.” Saka tinalakay ng tagapagsalita ang katibayan na itinuturo ang pag-iral ng isang matalino at maibiging Maylalang. Ang kasukdulan ng pahayag ay ang paglalabas ng isang bagong aklat—Is There a Creator Who Cares About You?
“Ito ang Daan. Lakaran Ninyo Ito”
Ito ang tema ng ikatlong araw ng kombensiyon. (Isaias 30:21) Ang programa ay nagsimula sa pamamagitan ng isang kapana-panabik na simposyum ng tatlong pahayag, na nakatuon sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa templo. Ang pangitaing ito ay may malaking kahulugan sa bayan ng Diyos sa ngayon, yamang nauugnay ito sa dalisay na pagsamba sa ating panahon. Ang susi sa pag-unawa sa pangitain ay ito: Ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova ay kumakatawan sa kaniyang kaayusan para sa dalisay na pagsamba. Habang tinatalakay ang mga bahagi ng pangitain, pinag-isipang mainam ng mga tagapakinig ang kanilang gawain bilang pagsuporta sa gawaing ginagawa ng maibiging mga tagapangasiwa ng pinahirang nalabi at ng magiging mga miyembro ng uring pinuno.
Noong bandang huli ng umaga, may makulay na drama mula sa Bibliya na ang mga nagsiganap ay nakakostiyum. Ang drama ay pinamagatang “Mga Pamilya—Ugaliin ang Pagbabasa ng Bibliya Araw-Araw!” Inilarawan nito ang pananampalataya at tibay ng loob ng tatlong Hebreo na tumangging yumukod sa gintong imahen na ipinatayo ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya. Ang layunin ng drama ay upang ipakita na ang Bibliya ay hindi lamang isang aklat ng sinaunang kasaysayan kundi ang mga payo nito ay talagang kapaki-pakinabang kapuwa sa mga kabataan at sa mga adulto ngayon.
Ang sesyon noong hapon ay siyang panahon para sa pahayag pangmadla na “Ang Tanging Daan Tungo sa Buhay na Walang Hanggan.” Pagkatapos tuntunin ang kasaysayan ng pagkahulog ng sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan, ang tagapagsalita ay nagtapos sa pamamagitan ng pumupukaw-kaisipan na pananalitang ito: “Ang temang teksto sa Bibliya para sa araw na ito ng kombensiyon ay ang Isaias kabanata 30, talata 21, na nagsasabi: ‘Ang iyong sariling mga pakinig ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,” sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.’ Paano natin naririnig ang tinig na ito? Ito’y sa pamamagitan ng pakikinig sa Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, at sa pamamagitan ng pagsunod sa patnubay na inilalaan ng ating Dakilang Instruktor, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan nito at sa pamamagitan ng kaniyang makabagong-panahong Kristiyanong organisasyon. Oo, ang paggawa nito ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan.”
Pagkatapos ng sumaryo ng artikulo sa pag-aaral sa Bantayan para sa linggong iyon ay ang panghuling pahayag, na pinamagatang “Patuloy na Lumakad sa Daan ni Jehova.” Sa bahagi, nirepaso nito ang pangunahing mga punto ng programa. Pagkatapos ay iniharap ng tagapagsalita ang isang resolusyon na nagpapahayag ng determinasyon na patuloy na mamuhay sa daan ng Diyos.
Ganito ang nakapagpapakilos na pananalita ng pagtatapos ng resolusyon: “Kumbinsido tayo na ang pamumuhay sa pamamagitan ng mga simulain, payo, at paalaala ng Kasulatan ang pinakamainam na daan ng buhay ngayon at naglalatag ng mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang tayo’y manghawakang mahigpit sa tunay na buhay. Higit sa lahat, ginagawa natin ang resolusyong ito sapagkat iniibig natin ang Diyos na Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas!” Lahat ng naroroon ay sumang-ayon sa pamamagitan ng umaalingawngaw na oo!
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Is There a Creator Who Cares About You?
Ang bagong aklat na may ganitong pamagat ay naghaharap ng nakakukumbinsing katibayan sa pag-iral ng Maylalang, si Jehova, at tinatalakay ang kaniyang mga katangian. Ito’y dinisenyo lalo na sa mga may pinag-aralan sa makasanlibutang mga bagay subalit hindi naniniwala sa Diyos. Ang 192-pahinang aklat na ito ay magpapatibay rin sa pananampalataya ng mga indibiduwal na naniniwala na sa Diyos, anupat pinatitibay ang pagpapahalaga sa kaniyang personalidad at mga daan.
Hindi ipinalalagay ng Is There a Creator Who Cares About You? na ang mambabasa ay naniniwala sa Diyos. Bagkus, tinatalakay nito kung paano pinatutunayan ng makasiyentipikong mga tuklas at mga ideya kamakailan ang pag-iral ng Maylalang. Kabilang sa mga kabanata ay yaong may pamagat na “What Can Add Meaning to Your Life?,” “How Did Our Universe Get Here?—The Controversy,” at “How Unique You Are!” Isinasaalang-alang ng iba pang kabanata kung bakit tayo makatitiyak na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. Ang bagong aklat ay nagbibigay rin ng kabuuang pangmalas ng Bibliya, na nagsisiwalat sa personalidad at mga daan ng Maylalang. Hindi lamang tinatalakay ng aklat kung bakit ipinahintulot ng Diyos ang labis na paghihirap kundi ipinaliliwanag din nito kung paano niya ito wawakasan magpakailanman.
[Mga larawan sa pahina 7]
Marami ang nabautismuhan
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang bagong brosyur ay inilabas ni A. D. Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Isang kapana-panabik na drama na nagpapasigla sa pang-araw-araw na pagbabasa ng Bibliya