Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 8/1 p. 4-6
  • Pagkadi-pantay-pantay—Nilayon ba Ito ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkadi-pantay-pantay—Nilayon ba Ito ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ugat ng Pagkadi-pantay-pantay
  • Magbabago Pa Kaya ang Kalagayan?
  • Ang Kasalukuyang Salot ng Pagkadi-pantay-pantay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Pagsugpo sa Salot ng Pagkadi-pantay-pantay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Problema sa Ekonomiya—Ano ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos Dito?
    Iba Pang Paksa
  • Posible Nga ba ang Isang Lipunang Walang Pagkakaiba ng Katayuan sa Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 8/1 p. 4-6

Pagkadi-pantay-pantay​—Nilayon ba Ito ng Diyos?

Ang sagot sa iisang salita ay hindi. Alamin natin kung bakit.

NILAYON ng Diyos na ang lahat ng tao ay magkaroon ng magkaparehong pagkakataon upang magtamasa ng buhay at kaligayahan. May kinalaman sa paglalang sa tao, mababasa natin: “Ang Diyos ay nagpatuloy na magsabi: ‘Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at magkaroon sila ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa mga maamong hayop at sa buong lupa at sa bawat gumagalang hayop na gumagala sa ibabaw ng lupa.’ ” Nang matapos ang makalupang nilalang, “nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.”​—Genesis 1:26, 31.

Masasabi ba ng Diyos na “napakabuti” ang malungkot na kalagayan ng pagkadi-pantay-pantay sa ngayon? Hindi nga, sapagkat “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Tungkol sa kaniya ay sinasabi na siya’y “hindi nakikitungo kaninuman nang may pagtatangi” at na “sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 10:17; 32:4; ihambing ang Job 34:19.) At naghinuha si apostol Pedro: “May katiyakang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

Yamang ang Diyos ay maibigin, hindi nagtatangi, makatarungan, matapat, at matuwid, paano nga niya malalalang ang mga tao na taglay ang likas na pagkadi-pantay-pantay kung tungkol sa kanilang karapatang magtamasa ng kaligayahan? Ang pagpapahintulot ng diskriminasyon sa mga tao at ang pagsadlak sa kanila sa isang sistema ng pagkadi-pantay-pantay ay tuwirang salungat sa kaniyang personalidad. Nilayon niya na silang lahat ay “isilang na malaya at magkakapantay sa dangal at karapatan.” Gayunman, maliwanag na hindi ganiyan ang mga bagay-bagay sa ngayon. Bakit hindi?

Ang Ugat ng Pagkadi-pantay-pantay

Na nilalang ng Diyos ang mga tao na pantay-pantay ay hindi nangangahulugan na nilayon niyang silang lahat ay maging magkakapareho sa lahat ng bagay. Maaari silang magkaiba sa talino, interes, at personalidad. Maaari rin silang magkaiba sa kalagayan o sa antas ng awtoridad. Halimbawa, hindi magkapareho sa lahat ng bagay ang lalaki’t babae, kundi nilalang ng Diyos ang babae “bilang kapupunan” ng lalaki. (Genesis 2:18) Maliwanag na magkaiba ang awtoridad ng mga magulang at ng mga anak. Gayunman, sa kabila ng mga pagkakaibang ito, ang lahat​—mga lalaki, babae, at mga bata​—ay dapat na magtamasa ng bigay-Diyos na karapatan sa magkaparehong pagkakataon upang masapatan ang pangunahing mga pangangailangan sa kaligayahan. Tatamasahin nilang lahat ang magkaparehong dangal at katayuan sa harap ng Diyos.

Sa katulad na paraan, ang mga espiritung anak ng Diyos, na nilalang bago pa ang mga tao, ay binigyan ng ibang mga atas at pananagutan. (Genesis 3:24; 16:7-11; Isaias 6:6; Judas 9) Gayunman, sa loob ng hangganan na ibinigay sa kanila, silang lahat ay pantay-pantay na nagtatamasa ng mga paglalaan ng Diyos para sa buhay at kaligayahan. Sa gayo’y ipinaaaninag nila ang kawalang-pagtatangi ng Diyos sa kamangha-manghang paraan.

Nakalulungkot sabihin, hindi nakontento ang isang espiritung nilalang sa walang pagtatanging kaayusan ng Diyos. Gusto niya nang higit pa kaysa ibinigay sa kaniya ng Diyos, anupat naghangad ng isang mas mataas at mas nakaaangat na katungkulan. Palibhasa’y pinagyaman ang maling pagnanasang ito, ginawa niya ang kaniyang sarili na karibal ni Jehova, na siyang makatuwirang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat bilang ang Maylalang. Nang maglaon ay hinikayat ng mapaghimagsik na espiritung anak ng Diyos na ito ang mga tao na humiling sa Diyos nang higit kaysa ibinigay Niya sa kanila. (Genesis 3:1-6; ihambing ang Isaias 14:12-14.) Sa gayon, ang paglalaan ni Jehova upang ang mga tao’y magtamasa ng buhay at kaligayahan ay waring naging di-timbang. Ang rebeldeng espiritu na ito, na ipinakilala sa Apocalipsis 20:2 bilang “ang Diyablo at Satanas,” ang masamang tagasulsol ng pagkadi-pantay-pantay ng tao.

Magbabago Pa Kaya ang Kalagayan?

Ang sagot sa iisang salita ay oo!

Subalit sino ang magpapangyari ng hinahangad na mga pagbabago? Nakipagpunyagi ang mga taong lider, na ang ilan ay walang alinlangang taglay ang buong kataimtiman, sa loob ng mga dantaon upang gawin ito. Limitado lamang ang kanilang tagumpay, anupat naghinuha ang maraming tao na hindi makatotohanang umasa na kailanma’y malulutas ang problema hinggil sa pagkadi-pantay-pantay ng tao. Gayunman, ang pangmalas ng Diyos ay nakatala sa Isaias 55:10, 11: “Kung paanong ang bumubuhos na ulan ay lumalagpak, at ang niyebe, na mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, kundi dinidilig nga nito ang lupa at pinatutubuan iyon at pinasisibulan, at nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi iyon babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at iyon ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”

Anong laking kaaliwang malaman na ipinaulat ng Diyos na Jehova na tutuparin niya ang kaniyang orihinal na layunin na bigyan ang lahat ng tao ng pare-parehong pagkakataon para sa buhay at kaligayahan! Bilang Diyos ng katotohanan, inobliga niya ang kaniyang sarili na tuparin ang kaniyang ipinangako. Mabuti naman, taglay niya kapuwa ang kalooban at kapangyarihan na gawin ito. Paano niya gagawin ito?

Ang sagot ay nakasalalay sa Kaharian na itinuro ni Jesu-Kristo sa lahat ng kaniyang mga tagasunod na ipanalangin: “Ama namin na nasa mga langit, . . . Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Oo, gagamitin ni Jehova ang Kaharian ng Diyos upang ‘durugin at wakasan ang lahat ng mga kahariang ito [na umiiral sa ngayon], at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.’​—Daniel 2:44.

Sa ilalim ng pamamahala ng makalangit na Kaharian, lilitaw ang isang bagong lipunan ng tao. Sa bagay na ito, si apostol Juan ay sumulat sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:1) Mawawala na ang lahat ng pangit na mukha ng pagkadi-pantay-pantay​—karalitaan, sakit, kawalang-alam, diskriminasyon, at iba pang kahapisan ng tao.a

Sa loob ng mahigit na isang dantaon, itinutuon ng mga Saksi ni Jehova ang pansin ng mga tao sa Kahariang ito. (Mateo 24:14) Sa pamamagitan ng mga babasahin at ng personal na tulong, puspos ang pagtulong nila sa mga tao upang magkamit ng kaalaman tungkol sa layunin ng Diyos na nakatala sa Bibliya. Gayunman, ang kanilang gawaing pagtuturo sa buong daigdig ay hindi lamang nagbigay sa mga tao ng pag-asang mabuhay nang pantay-pantay at maligaya sa hinaharap kundi nagdulot din ng mga pakinabang ngayon sa pagsugpo sa salot ng pagkadi-pantay-pantay. Tingnan natin kung paano.

[Talababa]

a Para sa higit pang pagtalakay tungkol sa kung paano malapit nang pasapitin ng Kaharian ng Diyos ang pagkakapantay-pantay para sa lahat, pakisuyong tingnan ang mga kabanatang 10 at 11 ng aklat na Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 5]

Nilayon ng Diyos na ang lahat ng tao ay magkaroon ng magkakaparehong pagkakataon sa buhay at kaligayahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share