Napakabigat ba ng Hinihiling ni Jehova sa Atin?
“Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—MIKAS 6:8.
1. Ano ang maaaring dahilan kung bakit ang ilan ay hindi naglilingkod kay Jehova?
MAY hinihiling si Jehova sa kaniyang bayan. Ngunit matapos mabasa ang nabanggit na mga salita gaya ng sinipi mula sa hula ni Mikas, maaaring mahinuha mo na makatuwiran naman ang mga kahilingan ng Diyos. Gayunpaman, marami ang hindi naglilingkod sa ating Dakilang Maylalang, at ang ilan na dating naglilingkod sa kaniya ay huminto na sa paggawa nito. Bakit? Sapagkat iniisip nila na napakabigat ng hinihiling ng Diyos sa atin. Ganoon nga ba? O baka ang suliranin ay ang saloobin ng isang tao may kinalaman sa hinihiling ni Jehova? Ang isang makasaysayang ulat ay nagbibigay ng kaunawaan sa bagay na ito.
2. Sino si Naaman, at ano ang hiniling sa kaniya ng propeta ni Jehova na gawin?
2 Pinahihirapan ng ketong ang puno ng hukbo ng Sirya na si Naaman, ngunit ipinabatid sa kaniya na sa Israel ay may isang propeta si Jehova na makapagpapagaling sa kaniya. Kaya si Naaman at ang kaniyang mga kasama ay naglakbay patungo sa Israel at sa wakas ay nakarating sila sa tahanan ng propeta ng Diyos na si Eliseo. Sa halip na lumabas ng kaniyang bahay upang salubungin ang kaniyang natatanging panauhin, nagsugo si Eliseo ng isang lingkod upang sabihin kay Naaman: “Maligo ka nang pitong ulit sa Jordan upang ang iyong laman ay bumalik sa iyo; at maging malinis.”—2 Hari 5:10.
3. Bakit sa simula ay tumanggi si Naaman na gawin ang hinihiling ni Jehova?
3 Kung susundin ni Naaman ang kahilingan na sinabi ng propeta ng Diyos, gagaling siya mula sa isang nakaririmarim na sakit. Samakatuwid, napakabigat ba ng hinihiling ni Jehova sa kaniya? Hindi naman. Ngunit ayaw gawin ni Naaman ang hinihiling ni Jehova. “Hindi ba ang Abana at ang Parpar, ang mga ilog ng Damasco, ay mas mabuti kaysa sa lahat ng tubig sa Israel?” ang pagtutol niya. “Hindi ba ako makapaliligo sa mga iyon at magiging malinis nga?” Sa gayon ay galit na galit na umalis si Naaman.—2 Hari 5:12.
4, 5. (a) Ano ang naging gantimpala sa pagsunod ni Naaman, at paano siya tumugon matapos na matanggap iyon? (b) Ano ngayon ang isasaalang-alang natin?
4 Ano ba talaga ang problema ni Naaman? Hindi naman sa napakahirap abutin ang kahilingan. Mataktikang sinabi ng mga lingkod ni Naaman: “Kung isang malaking bagay ang sinalita ng propeta sa iyo, hindi mo ba gagawin iyon? Kung gayon, gaano pa kaya yamang sinabi niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis’?” (2 Hari 5:13) Ang problema ay ang saloobin ni Naaman. Inakala niya na hindi siya pinakitunguhan nang may dignidad na nararapat sa kaniya at na siya’y hinilingang gawin ang isang bagay na para sa kaniya ay walang-kabuluhan at kahiya-hiya. Gayunman, pinakinggan ni Naaman ang mataktikang payo ng kaniyang mga lingkod at siya’y lumusong nang pitong ulit sa Ilog Jordan. Gunigunihin ang kaniyang tuwa nang “bumalik ang kaniyang laman tulad ng laman ng isang maliit na bata at siya ay naging malinis”! Gayon na lamang ang pasasalamat niya. Bukod dito, ipinahayag ni Naaman na mula sa oras na iyon, hindi na siya sasamba sa ibang diyos maliban kay Jehova.—2 Hari 5:14-17.
5 Sa buong kasaysayan ng tao, hiniling ni Jehova sa mga tao na sumunod sa iba’t ibang tuntunin. Inaanyayahan ka namin na isaalang-alang ang ilan sa mga ito. Habang ginagawa mo ito, tanungin ang iyong sarili kung paano ka tutugon kung sa iyo hiniling ni Jehova ang mga bagay na iyon. Sa dakong huli, susuriin natin kung ano ang hinihiling ni Jehova sa atin ngayon.
Kung Ano ang Hiniling ni Jehova Noon
6. Ano ang hiniling sa unang taong mag-asawa na gawin, at paano ka tutugon sa gayong tagubilin?
6 Tinagubilinan ni Jehova ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, na magpalaki ng mga anak, supilin ang lupa, at pamahalaan ang mga hayop. Pinagpala rin ang lalaki at ang kaniyang asawa ng isang maluwang na tulad-parkeng tahanan. (Genesis 1:27, 28; 2:9-15) Ngunit may ipinagbabawal. Hindi sila dapat kumain mula sa isang punungkahoy, na kabilang sa maraming punungkahoy na namumunga sa halamanan ng Eden. (Genesis 2:16, 17) Magaan naman ang kahilingang iyan, hindi ba? Hindi ka ba masisiyahang tuparin ang gayong atas, taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa sakdal na kalusugan? Bagaman lumitaw ang isang manunukso sa hardin, hindi mo ba tatanggihan ang kaniyang pangangatuwiran? At hindi ka ba sasang-ayon na may karapatan naman si Jehova na magtakda ng gayong simpleng pagbabawal?—Genesis 3:1-5.
7. (a) Anong atas ang ibinigay kay Noe, at anong pagsalansang ang naranasan niya? (b) Paano mo minamalas ang hiniling ni Jehova kay Noe?
7 Pagkaraan, hiniling ni Jehova kay Noe na magtayo siya ng daong upang makaligtas sa isang pangglobong baha. Dahil sa napakalaki ng daong, ang trabahong ito ay hindi madali at malamang na isinagawa sa gitna ng maraming panunuya at galit. Gayunman, anong laking pribilehiyo para kay Noe na mailigtas ang kaniyang sambahayan, bukod pa ang maraming hayop! (Genesis 6:1-8, 14-16; Hebreo 11:7; 2 Pedro 2:5) Kung mabigyan ka ng gayong atas, hindi ka ba gagawa nang puspusan upang matupad iyon? O ipalalagay mo kayang napakabigat naman ng hinihiling sa iyo ni Jehova?
8. Ano ang hiniling kay Abraham na gawin niya, at ano ang inilarawan ng kaniyang pagsunod?
8 Hiniling ng Diyos kay Abraham na gawin niya ang isang bagay na napakahirap, anupat sinabi sa kaniya: “Pakisuyo, kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at maglakbay ka patungo sa lupain ng Moria at doon ay ihandog mo siya bilang handog na sinusunog.” (Genesis 22:2) Yamang ipinangako ni Jehova na magkakaroon ng supling ang noo’y walang anak na si Isaac, nasubok ang pananampalataya ni Abraham sa kakayahan ng Diyos na buhaying-muli si Isaac. Nang tangkain ni Abraham na ihain si Isaac, iniligtas ng Diyos ang binata. Inilalarawan ng pangyayaring ito na ihahandog ng Diyos ang kaniyang sariling Anak alang-alang sa sangkatauhan at pagkaraan ay bubuhayin siyang muli.— Genesis 17:19; 22:9-18; Juan 3:16; Gawa 2:23, 24, 29-32; Hebreo 11:17-19.
9. Bakit hindi naman napakabigat ng hiniling ni Jehova kay Abraham?
9 Baka isipin ng ilan na napakabigat naman ng hiniling ng Diyos na Jehova kay Abraham. Pero gayon nga ba? Kawalang-pag-ibig ba sa bahagi ng ating Maylalang, na may kapangyarihang bumuhay ng patay, na hilingin sa atin na maging masunurin tayo sa kaniya kahit na ito ay humantong sa ating pansamantalang pagtulog sa kamatayan? Hindi ganiyan ang inisip ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga unang tagasunod. Handa silang dumanas ng pisikal na pang-aabuso, maging ng kamatayan mismo, upang magawa ang kalooban ng Diyos. (Juan 10:11, 17, 18; Gawa 5:40-42; 21:13) Kung hinihingi ng pagkakataon, handa ka bang gumawa rin ng gayon? Isaalang-alang ang ilang bagay na hinihiling ni Jehova sa mga sumasang-ayon na maging kaniyang bayan.
Ang Batas ni Jehova sa Israel
10. Sino ang nangako na gagawin ang lahat ng hinihiling ni Jehova, at ano ang ibinigay niya sa kanila?
10 Ang mga inapo ni Abraham sa kaniyang anak na si Isaac at sa apong si Jacob, o Israel, ay dumami hanggang sa maging bansang Israel. Iniligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Genesis 32:28; 46:1-3; 2 Samuel 7:23, 24) Di-nagtagal, sila’y nangako na gagawin nila ang anumang hilingin ng Diyos sa kanila. Sinabi nila: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” (Exodo 19:8) Kaayon ng hangarin ng mga Israelita na siya ang mamahala sa kanila, binigyan ni Jehova ang bansa ng mahigit sa 600 batas, kasali na ang Sampung Utos. Nang maglaon, ang mga kautusang ito ng Diyos, na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ay nakilala bilang ang Batas.— Ezra 7:6; Lucas 10:25-27; Juan 1:17.
11. Ano ang isang layunin ng Batas, at ano ang ilang tuntunin upang maisagawa ito?
11 Ang isang layunin ng Batas ay ang ingatan ang mga Israelita sa pamamagitan ng paglalaan ng kapaki-pakinabang na mga tuntunin na umuugit sa mga bagay na gaya ng kalinisang-asal sa sekso, mga transaksiyon sa negosyo, at pangangalaga sa mga bata. (Exodo 20:14; Levitico 18:6-18, 22-24; 19:35, 36; Deuteronomio 6:6-9) Naglaan ng mga tuntunin kung paano pakikitunguhan ang kapuwa tao pati na ang mga alagang hayop. (Levitico 19:18; Deuteronomio 22:4, 10) Ang mga kahilingan may kinalaman sa mga taunang kapistahan at pagtitipon ukol sa pagsamba ay nakatulong upang maingatan ang bayan sa espirituwal na paraan.— Levitico 23:1-43; Deuteronomio 31:10-13.
12. Ano ang pangunahing layunin ng Batas?
12 Ang isang pangunahing layunin ng Batas ay binanggit ni apostol Pablo, na sumulat: “Ito ay idinagdag upang ang mga paglabag ay mahayag, hanggang sa dumating ang binhi [si Kristo] na siyang pinangakuan.” (Galacia 3:19) Ipinaalaala ng Batas sa mga Israelita na sila’y di-sakdal. Kung gayon, makatuwiran na kailangan nila ng isang sakdal na hain na lubusang makapag-aalis ng kanilang mga kasalanan. (Hebreo 10:1-4) Kaya ang Batas ay nilayong ihanda ang bayan para tanggapin si Jesus, na siyang Mesiyas, o Kristo. Sumulat si Pablo: “Ang Batas ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo, upang tayo ay maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya.”—Galacia 3:24.
Nakapagpapabigat ba ang Batas ni Jehova?
13. (a) Paano itinuring ng di-sakdal na mga tao ang Batas, at bakit? (b) Talaga bang nakapagpapabigat ang Batas?
13 Bagaman ang Batas ay “banal at matuwid at mabuti,” para sa marami ay nakapagpapabigat ito. (Roma 7:12) Dahil sa ang Batas ay sakdal, hindi maaabot ng mga Israelita ang mataas na pamantayan nito. (Awit 19:7) Kaya naman tinawag ito ni apostol Pedro na “isang pamatok na kahit ang ating mga ninuno ni tayo man ay hindi makapagdala.” (Gawa 15:10) Sabihin pa, ang Batas sa ganang sarili ay hindi naman nakapagpapabigat, at nakikinabang ang bayan sa pagsunod dito.
14. Ano ang ilang halimbawa na nagpapakitang nakinabang nang malaki ang mga Israelita mula sa Batas?
14 Halimbawa, sa ilalim ng Batas, ang isang magnanakaw ay hindi ibinibilanggo bagkus ay kailangan siyang magtrabaho upang bayaran nang doble o higit pa ang kaniyang ninakaw. Kaya ang biktima ay hindi dumaranas ng pagkalugi, ni napabibigatan man ang masikap na bayan sa pamamagitan ng pagtataguyod sa isang sistema ng bilangguan. (Exodo 22:1, 3, 4, 7) Ipinagbabawal ang di-ligtas na mga pagkain. Ang karne ng baboy, kung hindi nilutong mabuti, ay maaaring magdala ng trichinosis, at ang kuneho ay maaaring magdala ng tularemia. (Levitico 11:4-12) Sa katulad na paraan, ang Batas ay isang proteksiyon dahil ipinagbabawal nito ang paghawak sa mga bangkay. Kung ang isang tao ay humipo ng isang bangkay, siya’y kailangang maghugas ng kaniyang sarili at labhan ang kaniyang mga kasuutan. (Levitico 11:31-36; Bilang 19:11-22) Dapat ibaon ang dumi ng tao, upang ipagsanggalang ang mga tao laban sa pagkalat ng mikrobyo, na natuklasan lamang ng mga siyentipiko nitong nakalipas na mga siglo.—Deuteronomio 23:13.
15. Ano ang napatunayang isang pabigat sa mga Israelita?
15 Hindi naman napakabigat ng hinihiling ng Batas sa mga tao. Ngunit hindi ganito ang masasabi tungkol sa mga tao na nag-angking tagapagbigay-kahulugan ng Batas. Hinggil sa mga alituntunin na pinairal nila, ganito ang sabi ng A Dictionary of the Bible, na pinamatnugutan ni James Hastings: “Bawat utos sa Bibliya ay napalilibutan ng masalimuot at maliliit na tuntunin. . . . Kaya naman tinangka na saklawin ng Batas ang lahat ng maiisip na kaso, at gumamit ng walang-awang pangangatuwiran upang ugitan ang buong paggawi ng tao sa pamamagitan ng mahigpit na pamamaraan batay sa karanasan at sentido kumon. . . . Pinatahimik ang tinig ng budhi; pinawalang-bisa ang kapangyarihan ng Banal na salita, at ito’y tinabunan ng napakaraming karagdagang alituntunin.”
16. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa nakapagpapabigat na mga alituntunin at tradisyon ng mga relihiyosong lider?
16 Tinuligsa ni Jesu-Kristo ang mga relihiyosong lider na nagtakda ng napakaraming alituntunin, anupat nagsabi: “Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit sila mismo ay ayaw man lamang galawin ang mga ito ng kanilang mga daliri.” (Mateo 23:2, 4) Binanggit niya na ang kanilang nakapagpapabigat na gawang-taong mga alituntunin at tradisyon, pati na ang masalimuot na mga paglilinis, ay ‘nagpawalang-bisa sa salita ng Diyos.’ (Marcos 7:1-13; Mateo 23:13, 24-26) Subalit bago pa pumarito si Jesus sa lupa, mali na ang itinuturo ng mga relihiyosong lider ng Israel tungkol sa talagang hinihiling ni Jehova.
Kung Ano Talaga ang Hinihiling ni Jehova
17. Bakit hindi nalugod si Jehova sa mga handog na sinusunog ng mga walang-pananampalatayang Israelita?
17 Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ni Jehova: “Tama na sa akin ang mga buong handog na sinusunog na mga barakong tupa at ang taba ng mga patabaing hayop; at sa dugo ng mga guyang toro at mga lalaking kordero at mga kambing na lalaki ay hindi ako nalulugod.” (Isaias 1:10, 11) Bakit hindi nalugod ang Diyos sa mga handog na kaniya mismong kahilingan ayon sa Batas? (Levitico 1:1–4:35) Dahil walang-galang ang pakikitungo sa kaniya ng bayan. Kaya naman, sila’y pinaalalahanan: “Maghugas kayo; magpakalinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawain mula sa harap ng aking mga mata; tigilan ninyo ang paggawa ng masama. Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan; ituwid ninyo ang maniniil; maggawad kayo ng kahatulan para sa batang lalaking walang ama; ipagtanggol ninyo ang usapin ng babaing balo.” (Isaias 1:16, 17) Hindi ba ito tumutulong sa atin na maunawaan kung ano ang nais ni Jehova mula sa kaniyang mga lingkod?
18. Ano ba talaga ang hinihiling ni Jehova sa mga Israelita?
18 Ipinakita ni Jesus kung ano talaga ang nais ng Diyos. Ginawa niya ito nang siya’y tanungin, “Alin ang pinakadakilang kautusan sa Batas?” Sumagot si Jesus: “ ‘Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’ Ito ang pinakadakila at unang kautusan. Ang ikalawa, na tulad nito, ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang kautusang ito ay nakasalalay ang buong Batas, at ang mga Propeta.” (Mateo 22:36-40; Levitico 19:18; Deuteronomio 6:4-6) Ganito rin ang tinukoy ni propeta Moises nang itanong niya: “Ano ang hinihiling sa iyo ni Jehova na iyong Diyos kundi ang matakot kay Jehova na iyong Diyos, upang lumakad sa lahat ng kaniyang mga daan at upang ibigin siya at upang paglingkuran si Jehova na iyong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa; upang tuparin ang mga utos ni Jehova at ang kaniyang mga batas?”—Deuteronomio 10:12, 13; 15:7, 8.
19. Paano sinikap ng mga Israelita na magtinging banal, ngunit ano ba ang sinabi ni Jehova sa kanila?
19 Sa kabila ng kanilang paggawa ng kamalian, nais ng mga Israelita na sila’y magtinging banal. Bagaman ang pag-aayuno ay kahilingan lamang ng Kautusan kapag taunang Araw ng Pagbabayad-sala, sila’y madalas na nag-aayuno. (Levitico 16:30, 31) Ngunit sinaway sila ni Jehova, na nagsabi: “Hindi ba ito ang pag-aayuno na pipiliin ko? Na kalagin ang mga pataw ng kabalakyutan, alisin ang mga panali ng pamatok, at payauning malaya ang mga nasisiil, at baliin ninyo ang bawat pamatok? Hindi ba ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutóm, at ang dalhin mo sa iyong bahay ang mga taong napipighati at walang tahanan? Na sakaling makakita ka ng sinumang hubad ay daramtan mo siya, at na hindi mo pagtataguan ang iyong sariling laman?”—Isaias 58:3-7.
20. Bakit tinuligsa ni Jesus ang mga relihiyosong mapagpaimbabaw?
20 Ang mapagmatuwid-sa-sarili na mga Israelitang iyon ay may suliranin na katulad niyaong sa mga relihiyosong mapagpaimbabaw na sa kanila’y sinabi ni Jesus: “Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino, ngunit niwalang-halaga ninyo ang mas matimbang na mga bagay ng Batas, alalaong baga, katarungan at awa at katapatan. Ang mga bagay na ito ay kinakailangang gawin, gayunma’y huwag waling-halaga ang iba pang mga bagay.” (Mateo 23:23; Levitico 27:30) Hindi ba tayo tinutulungan ng mga salita ni Jesus na maunawaan kung ano talaga ang nais ni Jehova mula sa atin?
21. Paano binuod ni propeta Mikas ang hinihiling at hindi hinihiling ni Jehova sa atin?
21 Upang linawin kung ano ang hinihiling at hindi hinihiling ni Jehova sa atin, nagtanong ang propeta ng Diyos na si Mikas: “Ano ang ihaharap ko kay Jehova? Ano ang dadalhin ko sa aking pagyukod sa harap ng Diyos na nasa kaitaasan? Ako ba ay maghaharap sa kaniya ng mga buong handog na sinusunog, ng mga guya na isang taóng gulang? Malulugod ba si Jehova sa libu-libong barakong tupa, sa sampu-sampung libong ilog ng langis? Ibibigay ko ba ang aking panganay na anak na lalaki dahil sa aking pagsalansang, ang bunga ng aking tiyan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa? Sinabi niya sa iyo, O makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mikas 6:6-8.
22. Ano ang lalo nang hiniling ni Jehova sa mga nasa ilalim ng Batas?
22 Kung gayon, ano nga ba ang lalo nang hiniling ni Jehova sa mga nasa ilalim ng Batas? Mangyari pa, na kanilang ibigin ang Diyos na Jehova. Bukod diyan, sinabi ni apostol Pablo: “Ang buong Batas ay natutupad sa isang pananalita, alalaong baga: ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ ” (Galacia 5:14) Sa katulad na paraan, sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Siya na umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na sa batas. . . . Ang pag-ibig ang katuparan ng batas.”—Roma 13:8-10.
Hindi Naman Iyon Napakabigat
23, 24. (a) Bakit hindi kailanman dapat na maging napakabigat para sa atin na gawin ang hinihiling ni Jehova? (b) Ano ang susunod nating tatalakayin?
23 Hindi ba natin hinahangaan ang pagiging maibigin, maalalahanin at maawain ng Diyos na Jehova? Ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, ay naparito sa lupa upang dakilain ang pag-ibig ng Diyos—upang malaman ng mga tao kung gaano sila kahalaga kay Jehova. Upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, sinabi ni Jesus hinggil sa hamak na maya: “Walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa na hindi nalalaman ng inyong Ama.” Kaya nagtapos siya: “Huwag kayong matakot: kayo ay nagkakahalaga nang higit kaysa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) Tiyak, hindi kailanman dapat na maging napakabigat para sa atin na gawin ang anumang hinihiling ng gayong maibiging Diyos!
24 Subalit, ano ba ang hinihiling ni Jehova sa atin ngayon? At bakit tila iniisip ng ilan na napakabigat naman ng hinihiling ng Diyos? Sa pagsusuri sa mga tanong na ito, mauunawaan natin kung bakit isang napakagandang pribilehiyo na gawin ang anumang hinihiling ni Jehova.
Masasagot Mo Ba?
◻ Bakit maaaring tumanggi ang ilan na maglingkod kay Jehova?
◻ Paano nagkakaiba-iba ang mga kahilingan ni Jehova sa paglipas ng mga taon?
◻ Anong mga layunin ang tinupad ng Batas?
◻ Bakit hindi naman napakabigat ng hinihiling ni Jehova sa atin?
[Larawan sa pahina 18]
Dahil sa gawang-taong mga alituntunin, gaya ng masalimuot na paglilinis, ang pagsamba ay naging nakapagpapabigat