Pag-aalay ng Watchtower Educational Center—Isang Kapistahan kay Jehova
MULA noong sinaunang panahon, naging bahagi na ng tunay na pagsamba ang nakagagalak na mga kapistahan. Ang ilang kapistahang idinaos sa sinaunang Israel ay tumagal nang mga araw at dinaluhan ng libu-libong mananamba ni Jehova. Ang pagpapasinaya sa templo ni Solomon ay tumagal nang pitong araw at sinundan ng isang linggo ang haba na Kapistahan ng mga Kubol. Naglaan ito ng pagkakataon sa mga Israelita na alalahanin ang kamangha-manghang pakikitungo sa kanila ni Jehova. Umuwi sila ng bahay na “nagsasaya at nagagalak ang puso sa lahat ng kabutihan na isinagawa ni Jehova.”—1 Hari 8:66.
Ang naganap sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, E.U.A., noong Mayo 17-22, 1999, ay nagpaalaala sa mga panauhin tungkol sa masasayang kapistahan noong una. Isa itong linggo ng pantanging gawain na nakasentro sa pag-aalay ng 28-magkakalapit na gusali na dinisenyo upang itaguyod ang pangglobong edukasyon sa Bibliya. Gumawa ng mga paglalaan para sa lahat ng 5,400 kawani sa punong-tanggapan sa Brooklyn, Wallkill, at Patterson upang malibot ang lahat ng mga pasilidad sa Patterson sa di-malilimot na linggong iyon. Kabilang sa mga panauhin ang mahigit na 500 dating kawani na nakibahagi sa gawain noong panahon ng pagtatayo ng sentrong pang-edukasyon, mga kinatawan mula sa 23 sangay ng Samahang Watch Tower, at iba pa mula sa kalapit na mga kongregasyon—isang kabuuang bilang ng di-kukulanging 8,100.
Nakapagtuturong mga Displey sa Paglilibot
Nagsaayos ng pantanging mga displey, nakapagtuturong mga pagtatanghal sa video, at sariling-giya sa paglilibot upang maipabatid sa mga panauhin kung ano ang sentrong pang-edukasyon. Sa main lobby, agad na nakaakit sa pansin ng mga panauhin ang isang maliit na modelo ng templo na nasa Jerusalem noong panahon ng makalupang ministeryo ni Jesus. Itinampok ng iba pang nakadispley ang maagang kasaysayan ng Watchtower Bible School of Gilead, ang makasaysayang mga kombensiyon, mga pulong sa kongregasyon, ang makabagong-panahong pasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya—na milyun-milyon ang idinaraos ngayon linggu-linggo—at ang gawaing ginagawa ng Legal Department upang mapanatiling bukás ang daan para sa gawaing ito bilang pagsunod sa utos ni Jesus.—Mateo 28:19, 20.
Sa katabing awditoryum, na maalwang nakapag-uupo ng 1,700, napanood ng mga panauhin noong panahon ng pagsasaya sa pag-aalay ang 33-minutong pagtatanghal sa video na pinamagatang “Hindi sa Pamamagitan ng Kapangyarihan—Sa Pamamagitan ng Aking Espiritu!” Ipinakita ng video na ito kung paano ginawa ang Watchtower Educational Center. Isiniwalat ng mga panayam ang mga pangyayari na maliwanag na nagpapahiwatig ng patnubay ni Jehova sa mga bagay-bagay at ang pagpapala niya sa mga pagsisikap upang matagumpay na matapos ang 15-taóng proyektong ito. Libu-libo ang nakibahagi sa aktuwal na gawaing pagtatayo. Sa isang pagkakataon noong 1994, mayroong 526 na manggagawa sa dako ng pagtatayo, kasali na ang 350 buong-panahong mga boluntaryo, 113 pansamantalang manggagawa, at 63 nagtutungo roon araw-araw upang tumulong. Marami pa ang tumangkilik sa gawain sa pamamagitan ng mga abuloy. Batid nilang lahat na hindi ito kailanman posible kung wala ang espiritu ni Jehova.—Zacarias 4:6.
Nakita niyaong mga lumibot na ang pokus ng gawain sa sentrong pang-edukasyon ay ang pagtataguyod sa makadiyos na pagtuturo. Sa may pasukan ng Paaralang Gilead, na nasa unang palapag ng gusali ng paaralan, itinampok sa displey ang saganang espirituwal na pamana at kasaysayan ng paaralan. Mula noong unang klase nito noong 1943 sa dating kampus ng paaralan sa South Lansing, New York, ang Paaralang Gilead ay nakapagsanay na ng mahigit na 7,000 estudyante para sa pagmimisyonero. Ang mga displey sa ikalawang palapag ng gusali ng paaralan ay nagpakita ng mga larawan ng Paaralan Para sa mga Miyembro ng Branch Committee at sa Paaralan Para sa mga Naglalakbay na Tagapangasiwa, na nagdaraos ng mga klase roon. Mula sa pasimula nito noong Nobyembre ng 1995, ang paaralang pansangay ay naglaan na ng mas mataas na antas ng pagtuturo para sa 360 miyembro ng Branch Committee mula sa 106 na lupain.
Habang lumilibot ang mga panauhin, agad nilang natanto na sa karamihan ng mga lugar, higit pa sa mga nakadispley na mga larawan ang kanilang nakita. Napuntahan mismo nila ang iba’t ibang departamento, nabisita nila ang mga opisina at iba pang dako ng trabaho, at nagkaroon sila ng malawak na kabatiran sa gawaing ginagawa roon. Ang isang tampok na bahagi ng paglilibot ay ang gusali ng Audio/Video Services. Anong husay na mga pasilidad ang ginagamit doon upang itaguyod ang edukasyon sa Bibliya! Sa pamamagitan ng sunud-sunod na nakapagtuturong mga displey at maiikling video, ang mga panauhin ay natulungang maunawaan kung paano ginagawa ang mga pagrerekord ng tinig at kung paano inihahanda ang mga video. Mayroon din silang natutuhan tungkol sa masusing pananaliksik na ginagawa sa paghahanda ng mga props at mga kasuutan. Nakita nila kung paano ginagawa ang mga set sa entablado sa pinakamaliit na halaga subalit kahanga-hangang binibigyang-pansin pa rin ang mga detalye. Nasaksihan nila kung paano ginagamit ang musika upang ipadama sa mga tao na sila ay aktuwal na nasa tagpo na pinanonood nila. Mula noong 1990, ang Samahan ay nakagawa na ng sampung video sa 41 wika, na itinatampok ang iba’t ibang tema sa Bibliya, bukod pa sa ibang video para sa mga gumagamit ng American Sign Language.
Marami sa lumibot ang nagtungo sa Photo Lab, sa Art Department, sa Information Services, na naglalaan ng pagsasanay at suporta sa computer, sa Service Department, na nangangasiwa sa gawain ng 11,242 kongregasyon at 572 naglalakbay na mga tagapangasiwa, at sa Writing Correspondence, kung saan pinangangasiwaan ang mga 14,000 tanong sa iba’t ibang paksa sa bawat taon. Namangha sila sa pananaliksik na ginagawa sa likod ng mga sulat na ipinadadala at sa tunay na pagmamalasakit na ipinakikita sa mga nagtatanong, na nagpapatunay sa pamamagitan ng kanilang mga katanungan na sila’y nagsisikap makitungo sa malulubhang problema.
Palaging marami ang dumadalaw sa Translation Services. Nagulat silang malaman na sa nakalipas na limang taon, 102 pang mga wika ang naidagdag sa bilang na pinaglalaanan ng Samahan ng mga literatura sa Bibliya. Sa buong daigdig, nababasa ng mga 80 porsiyento ng mga Saksi ni Jehova ang mga publikasyon ng Samahan sa mga wika na maliban pa sa Ingles. Upang mapaglaanan ang kanilang pangangailangan, may mahigit na 1,700 boluntaryong nagtatrabaho sa gawaing pagsasalin sa 100 bansa. Ipinakita sa mga displey Ang Bantayan sa mga wika ng mga bansa sa Amerika, Europa, Asia, at Aprika. Nakita ng mga panauhin ang New World Translation na Bibliya sa 31 wika na doon ito’y nailathala. Nalaman nila na ang mga publikasyon ng Watch Tower ay makukuha na ngayon sa 332 wika at ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? ay nailathala na sa 219 na wika.
Ipinakita sa mga panauhin na dumalaw sa Legal Department ang iba’t ibang larangan ng gawain na nangangailangan ng legal na pansin sa buong daigdig. Sa isang video, nakita nila ang isang aktuwal na paglilitis sa hukuman kung saan nangangatuwiran ang isang abogadong Saksi sa isang kaso na kinasasangkutan ng pagsasalin sa dugo. Nalaman din nila kung ano ang ginagawa upang mapanatiling bukás ang daan para sa pangmadlang pangangaral ng mabuting balita. (Filipos 1:7) Tinawag ang kanilang pansin sa desisyon ng isang pederal na pandistritong hukuman noong Marso ng taóng ito, na nag-uutos sa bayan ng Oradell, New Jersey, E.U.A., na baguhin ang mga batas nito upang alisin ang mga kahilingan sa permiso at badge para sa mga Saksi ni Jehova na nagnanais makibahagi sa kanilang pangmadlang ministeryo sa bahay-bahay sa pamayanang iyon.
Hindi lamang ito ang nakita ng mga panauhin. Kanilang tiningnan ang mga larawan sa pagtatayo sa Precast Shop at nilibot ang mga pasilidad may kinalaman sa Waste water Treatment, ang Planta ng Kuryente, ang Pasilidad ng Water-Softening, at ang maraming talyer sa pagmamantini, na ilan lamang sa kanilang ginawa. Isa iyong pambihirang pagkakataon.
Idiniin ng Programa sa Pag-aalay ang Makadiyos na Edukasyon
Ang aktuwal na programa sa pag-aalay ay idinaos noong Miyerkules, Mayo 19, na nagsimula noong ika-4:00 n.h. Kasama sa nagagalak na pulutong ng 6,929 ang mga kawani sa mga punong-tanggapan, mga panauhin ng Samahan, at 372 na nagkatipon sa sangay sa Canada, na nakakonekta sa pamamagitan ng elektroniks.
Totoong nalugod ang mga tagapakinig na marinig ang nakapagpapasigla-sa-puso na mga pananalita ng pagbati ni Milton G. Henschel, ang presidente ng Samahang Watch Tower. Sumunod na ipinakilala ni Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala at tsirman para sa okasyong ito, si William Malenfant. Sa paghaharap ng “Mga Tampok ng Programang Pagtatayo,” kinapanayam niya ang tatlong kapatid na lalaki na may mahalagang bahagi sa paggawa, pagdidisenyo, at pagtatayo ng Watchtower Educational Center. Sa mga panayam, binanggit na noong mga taon ng aktuwal na gawaing pagtatayo, mahigit na 8,700 pansamantalang mga manggagawa ang dumating sa pamamagitan ng kanilang sariling gastos upang magtrabaho sa proyekto. Anong inam na patotoo ng pagkakaisa at pagkabukas-palad na ginawang posible ng makadiyos na pagtuturo!
Sumunod naman ang isang simposyum na pinamagatang “Makadiyos na Edukasyon sa Pangglobong Lawak.” Iniharap ito ng apat na miyembro ng Lupong Tagapamahala. Idiniin ni John E. Barr na ang makadiyos na edukasyon ay nakasalig sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, na humihimok sa mga Kristiyano na ‘patuloy na mamunga sa bawat mabuting gawa at lumago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.’ (Colosas 1:10) Tinalakay ni Daniel Sydlik kung paano inoorganisa ang makadiyos na edukasyon sa teokratikong paraan mula sa ulo ng Kristiyanong kongregasyon, si Jesu-Kristo, hanggang sa bawat miyembro ng pambuong-daigdig na kapatiran. (1 Corinto 12:12-27) Ipinakita ng huling dalawang bahagi ng simposyum, na ipinahayag nina Gerrit Lösch at Carey Barber, kung paanong ang makadiyos na edukasyon ay gumagawa sa mga ministro na maging kuwalipikado upang abutin ang mga tao sa lahat ng dako at turuan sila upang sila rin ay makalakad sa daan ng Diyos.—Isaias 2:1-4; 2 Corinto 3:5.
Upang ipabatid sa tagapakinig ang iba’t ibang paaralan na idinaraos sa sentrong pang-eduksyon na ito, nagkaroon ng mga panayam at pagtalakay sa mga tagapagturo gayundin sa iba pa na nakasama sa pagpapatakbo nito. Ipinakita ang papel ng bawat paaralan sa pagsasagawa ng programa ng makadiyos na pagtuturo sa pangglobong lawak. Binanggit na ang Paaralang Gilead ay nagtutuon ng pansin sa pag-aaral ng bawat aklat ng Bibliya, sa modernong-panahong kasaysayan ng bayan ni Jehova, at sa paghahanda para sa pagmimisyonero. Ang paaralang pansangay ay isang kamangha-manghang masusing pag-aaral sa maraming larangan ng gawain na kinasasangkutan ng mga miyembro ng Branch Committee. Ang Paaralan Para sa mga Naglalakbay na Tagapangasiwa ay dinisenyo hindi lamang para punan ang mga pangangailangan ng naglalakbay na mga kapatid kundi upang sangkapan din sila na maglaan ng espirituwal na tulong na lalo nang pakikinabangan ng mga kongregasyon.
Bilang pagtatapos sa mainam na programa, ipinahayag ni Lloyd Barry ng Lupong Tagapamahala ang pahayag sa pag-aalay na may paksang “Pagtatayo na Kasama ng Ating Dakilang Maylalang.” Binanggit niya na ang Maylalang, si Jehova, ay nalulugod sa lahat ng kaniyang mga nilalang at inaanyayahan tayong magalak na kasama niya. (Isaias 65:18) Yamang “siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos,” sa Diyos na Jehova nauukol ang ganap na papuri sa lahat ng pagtatayong ito. (Hebreo 3:4) Pagkatapos maipahayag ang gayong kaisipan, binigkas ng tagapagsalita ang isang taos sa pusong panalangin, na iniaalay ang Watchtower Educational Center kay Jehova, ang ating Dakilang Maylalang.a
Walang alinlangang ang mga pagsasaya sa buong linggo ay hindi malilimot niyaong mga dumalo. Bakit hindi magsaayos na dumalaw sa Watchtower Educational Center? Natitiyak namin na ang pagdalaw at paglibot dito’y magiging isang pampatibay-loob sa iyo sa iyong mga pagsisikap na matuto pa tungkol sa ating maibiging Maylalang at mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan.
[Talababa]
a May katapatang natapos ni Brother Barry ang kaniyang buhay sa lupa noong Hulyo 2, 1999. Tingnan Ang Bantayan, ng Oktubre 1, 1999, pahina 16.
[Mga larawan sa pahina 10]
Isang awditoryum na punung-puno ng tao at napakarami pang tagapakinig sa silid kainan
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang paglilibot ay isang nakagagalak na tampok