Kung Bakit Praktikal Pa Rin sa Ngayon ang Payo ng Bibliya
“Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit . . . sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay.”—2 TIMOTEO 3:16, Magandang Balita Biblia.
SA LOOB ng maraming siglo, napakilos ng Bibliya ang mga tao sa maraming bansa na baguhin sa ikabubuti ang kanilang pamumuhay. Ipinaliliwanag ng tekstong nasa itaas kung bakit mabisa ang Bibliya—ang karunungan nito ay mula sa Diyos. Bagaman isinulat ito ng mga tao, ang nilalaman ng Bibliya ay kaisipan ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:21.
Narito ang dalawa sa mga dahilan kung bakit praktikal ang payo ng Bibliya. Una, nagbibigay ito ng makatotohanang pangmalas sa kung ano ang mas mabuting pamumuhay. Ikalawa, may kapangyarihan itong magpakilos sa mga tao na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago para magkaroon ng mas mabuting pamumuhay. Talakayin natin ang dalawang aspektong ito.
Ang Kaunawaan sa Praktikal na mga Tunguhin
Sa Bibliya, nangangako ang Diyos: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8) Pansinin na hindi lamang payo ang ibinibigay ng Diyos kundi pati kaunawaan, ang kakayahan na lubusang maintindihan ang isang situwasyon at makita ang mga bagay na nasa likod nito. Kung may kaunawaan tayo sa kung anong mga tunguhin ang tunay na kapaki-pakinabang, maiiwasan nating masayang ang ating buhay sa walang-kabuluhang mga tunguhin.
Halimbawa, tunguhin ng maraming tao ang yumaman o maging tanyag. Maraming self-help na aklat ang tumatalakay kung paano malalamangan ang iba para yumaman o maging tanyag. Pero ganito naman ang sinasabi sa atin ng Bibliya: ‘Ang pagpapaligsahan sa isa’t isa ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.’ “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak.” (Eclesiastes 4:4; 5:10) Praktikal pa ba sa ngayon ang payong iyan?
Para ipakita na praktikal ang payo ng Bibliya, tingnan natin ang nangyari kay Akinori ng Hapon. Sa kabila ng matinding kompetisyon, nakapagtapos si Akinori sa isang kilaláng unibersidad at nakapagtrabaho sa isang malaking kompanya. Parang maganda naman ang nangyayari sa kaniyang buhay. Pero hindi siya naging masaya gaya ng inaasahan niya. Sa halip, dahil sa stress at pagod, naapektuhan ang kaniyang kalusugan. Hindi man lamang nakatulong sa kaniya ang mga kaibigan niya sa trabaho. Palibhasa’y depres, naging alkoholiko siya at nagtangka pa ngang magpakamatay. Pagkatapos, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Dahil sa kaniyang natutuhan, nagbago ang pananaw niya sa kung ano ang mahalaga sa buhay. Di-nagtagal, bumuti ang kaniyang kalusugan. Sa halip na magpadala sa kaniyang pride at ambisyon, naranasan mismo ni Akinori ang sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang mapayapang puso ay nagbibigay ng buhay sa katawan.”—Kawikaan 14:30, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Para sa iyo, ano ang pinakapraktikal na tunguhin sa buhay? Ano ang talagang magpapasaya sa iyo? Isang matagumpay na pag-aasawa? Mapalaki nang maayos ang iyong mga anak? O magkaroon ng maraming kaibigan? Lahat ng ito’y makabuluhang mga tunguhin. Sa katunayan, sang-ayon naman ang Bibliya sa mga tunguhing iyan, pero hindi ito ang dapat na maging pangunahin sa ating buhay. Palibhasa ang Bibliya’y naglalaman ng praktikal na kaunawaan, ipinakikita nito kung ano ang dapat nating gawin para maging kasiya-siya ang buhay nang sabihin nito: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Kung hindi natin ito gagawin, ang buhay ay magiging malungkot, walang layunin, at walang saysay. Sa kabilang panig, tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Maligaya siya na nagtitiwala kay Jehova.”—Kawikaan 16:20.
Kung Paano Binabago ng Bibliya ang mga Tao
Isinulat ni apostol Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” Gaya ng isang tabak na matalas at may dalawang talim, maaari itong tumagos sa pinakamalalalim na kaisipan at mga intensiyon ng tao. (Hebreo 4:12) Ang Bibliya ay may lakas na baguhin ang pamumuhay ng mga tao dahil tinutulungan sila nito na makilala ang kanilang tunay na pagkatao at hindi kung ano lamang ang iniisip nila tungkol sa kanilang sarili. Kaya napag-iisip-isip ng mga taong may matuwid na puso na baka kailangan nilang magbago. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Pablo hinggil sa mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano sa sinaunang Corinto na dating mga magnanakaw, lasenggo, mangangalunya, at mga tulad nito: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis . . . sa espiritu ng ating Diyos.” (1 Corinto 6:9-11) Aktibo pa rin at may lakas ang banal na espiritu ni Jehova, at maaari nitong mapakilos ang mga tao na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.
Si Mario na nakatira sa Europa ay isang taong marahas, humihitit at nagbebenta ng marijuana. Noong minsang kumpiskahin ng pulis ang kaniyang droga, galít na galít siya kaya ginulpi niya ito at sinira ang kotse nito. Isa pa, walang trabaho si Mario at lubog siya sa utang. Alam niyang hindi niya kayang lutasin ang kaniyang mga problema kaya pumayag siyang mag-aral ng Bibliya. Habang lumalago ang kaalaman ni Mario sa Bibliya, inayos niya ang kaniyang hitsura, hindi na siya gumamit at nagbenta ng droga, at hindi na rin siya naging marahas. Nagulat ang marami na nakakakilala sa kaniya. Tinatanong nila siya, “Mario, ikaw nga ba iyan?”
Ano ang nagpapakilos sa mga taong gaya nina Akinori at Mario na baguhin ang kanilang buhay at magkaroon ng tunay na kasiyahan at kagalakan sa buhay? Maliwanag, ito’y dahil sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos mula sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Ang Diyos lamang ang makapagbibigay ng instruksiyon na kailangan natin upang magtagumpay sa buhay ngayon at magkaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan sa hinaharap. Gaya ng isang Ama, nakikipag-usap sa atin ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng Bibliya: “Dinggin mo, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga pananalita. At ang mga taon ng buhay ay darami para sa iyo. . . . Kapag lumalakad ka, ang iyong hakbang ay hindi magigipit; at kung tatakbo ka, hindi ka matitisod. Humawak ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo ito, sapagkat ito mismo ang iyong buhay.” (Kawikaan 4:10-13) May hihigit pa ba sa payo na ibinibigay ng ating Maylalang?
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Praktikal na Payo sa Ngayon
Ang Bibliya ay nagbibigay ng mahalaga at praktikal na mga simulain na papatnubay sa bawat aspekto ng ating buhay sa ngayon. Narito ang ilang halimbawa:
• Pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa iba
“Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—Mateo 7:12.
“Siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.”—Lucas 9:48.
“Sundan ninyo ang landasin ng pagkamapagpatuloy.”—Roma 12:13.
• Paghinto sa nakasásamâng bisyo
“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
“Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak.”—Kawikaan 23:20.
“Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit.”—Kawikaan 22:24.
• Pagkakaroon ng matagumpay na pag-aasawa
“Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—Efeso 5:33.
“Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.”—Colosas 3:12, 13.
• Pagtulong sa mga anak
“Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”—Kawikaan 22:6.
“Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
• Pag-iwas sa mga away
“Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.”—Kawikaan 15:1.
“Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—Roma 12:10.
Kahit sa magkakaibigan, kadalasang naiiwasan ang mga di-pagkakasundo sa negosyo kapag may nasusulat na mga kasunduan. Kaya isinulat ng lingkod ng Diyos na si Jeremias: “Sumulat ako ng isang kasulatan at inilakip ko ang tatak at kumuha ako ng mga saksi habang tinitimbang ko sa timbangan ang salapi.”—Jeremias 32:10.
• Paglinang ng positibong saloobin
“Anumang bagay na totoo, . . . kaibig-ibig, . . . may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”—Filipos 4:8.
Sinasabi ng Bibliya na huwag tayong magtuon ng pansin sa mga bagay na negatibo, at hindi nito sinasang-ayunan ang “mga reklamador tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay.” Sinasabi nito: “Magsaya kayo sa pag-asa.”—Judas 4, 16; Roma 12:12.
Kung susundin natin ang maiinam na simulaing ito, hindi lamang tayo magkakaroon ng kapayapaan at kasiyahan sa ngayon kundi tutulong din ito sa atin na maabot ang mga kahilingan ng Diyos at makamit ang kaniyang pagpapala. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
[Mga larawan sa pahina 5]
Si Akinori nang siya’y negosyante pa (kaliwa) at ngayon kasama ang kaniyang asawa na masayang nangangaral ng katotohanan sa Bibliya