Tanong ng mga Mambabasa
Nagsasagawa ba ng Faith Healing ang mga Saksi ni Jehova?
▪ Hindi sila kailanman nagsagawa nito. Tulad ni Jesus, ang pangunahing gawain nila ay ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Naniniwala rin sila na ang tunay na mga Kristiyano ay makikilala, hindi dahil sa faith healing, kundi dahil sa isang bagay na mas mahalaga.
Siyempre pa, napakahalaga sa ating lahat ng mahabaging pagpapagaling ni Jesus-Kristo noong unang siglo C.E. Sa paggawa nito, naglaan siya ng garantiya na sa ilalim ng kaniyang pamamahala bilang Hari sa Kaharian ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
Kumusta naman sa ngayon? Ang mga faith healer ng Sangkakristiyanuhan at ng ilang relihiyong di-Kristiyano ay nag-aangking makahimalang nakapagpapagaling. Pero mahigpit na nagbabala si Jesus laban sa mga nagsasabi na sila ay “gumawa ng mga himala” sa kaniyang pangalan. Sasabihin niya sa kanila: “Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.” (Mateo 7:22, 23, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Kaya talaga bang nagpapahiwatig ng pagsang-ayon o pagpapala ng Diyos ang diumano’y mga himala ng mga faith healer sa ngayon?
Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagpapagaling na ginawa ni Jesus. Kung ihahambing natin sa ulat na ito ng Kasulatan ang ginagawa ng mga faith healer, makikita natin kung talaga ngang nagmula sa Diyos ang faith healing sa ngayon.
Hindi kailanman ginamit ni Jesus ang pagpapagaling upang makahikayat ng mga tagasunod o ng maraming tagapakinig. Sa katunayan, ilang beses siyang nagpagaling nang hindi nakikita ng maraming tao. Sa maraming pagkakataon, sinabihan niya ang kaniyang mga pinagaling na huwag sabihin kaninuman ang naganap na himala.—Lucas 5:13, 14.
Hinding-hindi nagpabayad si Jesus para sa kaniyang mga himala. (Mateo 10:8) Lagi ring matagumpay ang mga himalang isinagawa niya. Lahat ng maysakit na lumapit sa kaniya ay lubusang gumaling, at ang paggaling ay hindi nakadepende sa pananampalataya ng isa. (Lucas 6:19; Juan 5:5-9, 13) Aba, bumuhay pa nga si Jesus ng mga patay!—Lucas 7:11-17; 8:40-56; Juan 11:38-44.
Bagaman nagsagawa si Jesus ng mga himala, ang pokus ng kaniyang ministeryo ay hindi ang pagpaparami ng mga tagasunod sa pamamagitan ng madamdaming mga sesyon ng paghihimala. Sa halip, ang pangunahing gawain niya ay ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Inorganisa ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod para gumawa ng mga alagad, na nagtuturo sa iba hinggil sa pag-asang magtamo ng sakdal na kalusugan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 28:19, 20.
Totoo, ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo ay may pantanging mga kaloob ng pagpapagaling, subalit ayon sa Bibliya, ang mga ito ay aalisin. (1 Corinto 12:29, 30; 13:8, 13) Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay nakikilala, hindi dahil sa pagpapagaling, kundi dahil sa buklod ng mapagsakripisyong pag-ibig. (Juan 13:35) Ang gayong uri ng pag-ibig ay nakapagbuklod ng isang tunay na pamilya ng mga Kristiyano na mula sa iba’t ibang lahi at pinagmulan. Hindi iyan nagawa ng faith healing sa ngayon.
May isang grupo ng mga Kristiyano na pinagkakaisa ng buklod ng matinding pag-ibig anupat tumatanggi silang saktan ang isa’t isa—o ang sinuman—kahit sa panahon ng pinakamatinding digmaan ng tao. Sino sila? Ang mga Saksi ni Jehova. Kilalang-kilala sila sa buong daigdig sa pagpapakita ng tulad-Kristong pag-ibig. Isa ngang himala na mapagkaisa ang mga tao mula sa iba’t ibang lahi, bansa, kultura, at etnikong pinagmulan, at naging posible lamang ito dahil sa banal na espiritu ng Diyos. Bakit hindi subukang dumalo sa kanilang pagpupulong at makita mismo ito?
[Larawan sa pahina 13]
Talaga bang sinusuportahan ng Diyos ang mga “faith healer” sa ngayon? (Nasa kanan)