Tanong ng mga Mambabasa
Magiging Kabagut-bagot ba ang Buhay na Walang Hanggan sa Paraiso?
▪ Inaalok tayo ng Bibliya ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Awit 37:29; Lucas 23:43) Magiging kabagut-bagot ba ang buhay na walang hanggan sa isang perpektong kapaligiran?
Magandang tanong iyan. Sinasabi ng mga mananaliksik na dahil sa matinding pagkabagot, ang isang tao ay maaaring mabalisa, ma-depress, at magsapanganib ng kaniyang buhay. Maaaring madaig ng pagkabagot ang mga taong walang layunin sa buhay at sawang-sawa na sa kanilang pang-araw-araw na rutin. Magiging walang layunin ba ang buhay ng mga maninirahan sa Paraiso? Magiging nakasasawa ba ang kanilang pang-araw-araw na rutin?
Una, tandaan na ang Diyos na Jehova, na siyang Awtor ng Bibliya, ang nag-aalok ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16; 2 Timoteo 3:16) Pag-ibig ang pangunahing katangian ng Diyos. (1 Juan 4:8) Kaya naman mahal na mahal tayo ni Jehova, at mula sa kaniya ang lahat ng mabubuting bagay na taglay natin ngayon.—Santiago 1:17.
Alam ng ating Maylalang na para maging maligaya, kailangan nating gumawa nang may layunin. (Awit 139:14-16; Eclesiastes 3:12) Hindi madarama ng mga nagtatrabaho sa Paraiso na sila ay parang mga tau-tauhan lamang. Sila at ang kanilang mga minamahal ang mismong makikinabang sa mga ginagawa nila. (Isaias 65:22-24) Mababagot ka ba kung maghapon kang gagawa ng kawili-wiling gawain?
Tandaan din na hindi hahayaan ng Diyos na Jehova ang basta sinuman na manirahan sa Paraiso. Ang regalong buhay na walang hanggan ay iniaalok niya tanging sa mga nagnanais tumulad sa kaniyang Anak, si Jesus. (Juan 17:3) Noong nasa lupa si Jesus, tuwang-tuwa siyang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. Sa salita at gawa, itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod na ang walang-hanggang kaligayahan ay higit na nagmumula sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. (Gawa 20:35) Sa isinauling Paraiso, ang lahat ay mamumuhay ayon sa dalawang pinakadakilang utos—ibigin ang Diyos at ibigin ang kapuwa. (Mateo 22:36-40) Isip-isipin na ang lahat ng kasa-kasama mo ay mga taong bukas-palad na nagmamahal sa iyo at nasisiyahan sa kanilang ginagawa! Mababagot ka kaya?
Ano pa ang magiging buhay sa Paraiso? Araw-araw, matututo tayo ng bagong bagay tungkol sa ating Maylalang. Marami nang kamangha-manghang bagay ang natuklasan ng mga mananaliksik tungkol sa mga paglalang ni Jehova. (Roma 1:20) Pero kakatiting pa rin ang nauunawaan natin sa mga ito. Libu-libong taon na ang nakalipas, binulay-bulay ng tapat na lalaking si Job ang mga nalalaman niya tungkol sa mga paglalang ng Diyos, at ang sinabi niya ay totoo pa rin sa ngayon. ‘Ito ang mga gilid ng mga daan ng Diyos,’ ang sabi ni Job, “at bulong lamang ng isang bagay ang narinig tungkol sa kaniya! Ngunit tungkol sa kaniyang malakas na kulog ay sino ang makapagpapakita ng unawa?”—Job 26:14.
Mabuhay man tayo nang walang hanggan, hindi natin kailanman malalaman ang lahat ng tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga gawa. Sinasabi ng Bibliya na inilagay ng Diyos sa ating puso ang pagnanais na mabuhay magpakailanman. Pero sinasabi rin nito na ‘hindi natin kailanman matutuklasan ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.’ (Eclesiastes 3:10, 11) Mababagot ka kaya habang natututo ng mga bagong bagay tungkol sa iyong Maylalang?
Maging sa ngayon, ang mga taong abala sa pagtulong sa iba at pagluwalhati sa Diyos ay bihirang mabagot. Kung ganito ang ginagawa natin, makatitiyak tayo na hindi tayo mababagot—mabuhay man tayo nang walang hanggan.
[Picture Credit Lines sa pahina 27]
Earth: Image Science and Analysis Laboratory, NASA-Johnson Space Center; Galaxy: The Hubble Heritage Team (AURA/STScI/NASA)