Ang Pagkabagot ay Maaaring Magdulot ng Kaigtingan at Panlulumo
“ISA sa nakalulupig, nakadudurog na kaigtingang nararanasan ng tao ay ang pagkabagot.” Ganiyan ang ulat ni Dr. Jay Shurley, propesor emeritus ng saykayatri at mga siyensiya ng paggawi sa University of Oklahoma, sa isang artikulo sa magasing Elle. “Ang pagkabagot,” aniya, “ay ang hindi komportable, medyo hindi kanais-nais na damdaming mayroong hindi wasto sa ating mga buhay. Ito’y isang kahilingan para sa pampasigla ng isang uri, isang palatandaan na ang ating mga pangangailangan ay hindi natutustusan, isang pagkadama ng pagkasukol. Ito’y labis na nagdudulot ng kaigtingan, at maaari itong humantong sa iba’t ibang suliranin—panlulumo, pag-abuso ng droga, mga sakit saykosomatiko, o maging isang bagay na sing-payak ng labis na pagtulog upang matakasan ang pagkabagot.”
Ang pananaliksik ni Dr. Shurley sa mga sanhi at epekto ng pagkabagot ay bahagi ng limang-taóng proyekto sa Antarktika. Isa sa kaniyang nakagigitlang mga obserbasyon ay na ang pagkabagot ay maaaring magpasimula ng isang mapanganib na siklo. Maaari nitong ibangon ang malaking kaigtingan sa isang tao. Ang kaigtingan, pagkatapos, ay maaaring magdulot ng pagkabagot na lumilikha ng higit pang panloob na kaigtingan.
Ang mga epekto ng siklong ito ng pagkabagot at kaigtingan ay nakasisira. Pag-aangkin ni Dr. Shurley: “Maraming mga diborsiyo ang bunga ng isang asawang lalaki o babae na nababagot sa trabaho, nababagot ngayong wala na ang mga bata, nababagot sa kanilang walang-siglang buhay-sosyal, subalit hindi kaya o ayaw harapin ang katotohanang ang suliranin ay pangunahin nang personal.” Kaya ang nababagot na asawa ay nagdidiborsiyo at nakakasumpong ng panibago, at pansamantala nalulutas niyan ang problema. Pansamantala. Pagkatapos ay gaya uli ng dati.” Oo, muling ibinubulusok ng pagkabagot ang isa sa kawalang-sigla.
“Ang isip ng tao,” sabi ni Dr. Shurley, “ay gutom para sa pagbabago, hamon, pagkatuto, at mga bagong karanasan. Ang pagkakaiba-iba ay hindi ang pampalasa ng buhay. Ito ang laman ng buhay.” Dahil dito, ipinaliwanag ni Dr. Shurley kung bakit ang mga mayayaman ay may mga pantanging suliranin sa pagkabagot. “Taglay na nila ang lahat halos ng kanilang naisin. Subalit para ang isang bagay ay tunay na nakasisiya, kailangan itong pagsumikapan, pagpagalan. Kung walang bagay na tunay na nakakahamon, maging ang pinakaglamoroso, pinagpalang pamumuhay ay nakababagot—isang dahilan kung bakit ang mga tao sa ganitong kalagayan ay bumabaling sa pag-abuso ng droga.”