Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 1/22 p. 3-4
  • Ang Iyong Buhay ba ay Nakababagot? Mababago Mo Ito!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Iyong Buhay ba ay Nakababagot? Mababago Mo Ito!
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinalilipas Mo ba ang Panahon?
  • Negatibong mga Resulta ng Pagkabagot
  • Isang Madaling Lunas sa Pagkabagot?
    Gumising!—1995
  • Ang Pagkabagot ay Maaaring Magdulot ng Kaigtingan at Panlulumo
    Gumising!—1989
  • Ano ang Gagawin Ko Kapag Naiinip ang Anak Ko?
    Tulong Para sa Pamilya
  • Paano Kung Nababagot Ako?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 1/22 p. 3-4

Ang Iyong Buhay ba ay Nakababagot? Mababago Mo Ito!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA

SINA Margaret at Brian ay nasa kanilang kalagitnaang edad na 50 nang bumangon ang isang ginintuang pagkakataon: maagang pagreretiro na may malaking pensiyon. Saka sila nagpasiyang magtungo sa timog para sa sikat ng araw at mga dalampasigan ng Mediteraneo. Wala nang mga intindihin, wala nang mga alalahanin​—isang maginhawang buhay ang naghihintay sa kanila sa kanilang tsalét sa tabing-dagat.

Pagkaraan ng dalawang taon ang pangarap na kalagayan ay naging nakababagot. Sabi ni Brian: “Wari bang ang lahat ay walang kabuluhan​—wala kang ginagawa sa araw-araw. Mangyari pa lalangoy ako, bahagyang maglalaro ng golf o tenis, at walang-katapusang makikipag-usap sa sinuman na makikinig. Tungkol sa ano? Mga bagay na walang halaga.”

Si Gisela, isang ina sa kaniyang maagang mga edad 20, ay may isang magandang anak na babae. Sa hapon ang mag-ina, gaya ng dati, ay nagtutungo sa parke, kung saan ang anak na babae ay naglalaro sa buhanginan, abalang-abala, maligayang gumagawa ng mga pastel at kastilyong buhangin. Samantala, ang ina ay nakaupo sa kalapit na bangkô ng parke at magiliw na minamasdan ang kaniyang hahakbang-hakbang na sanggol. O talaga bang magiliw na minamasdan niya ang kaniyang sanggol? Siya’y nakaupo roon, matamang nakikinig sa kaniyang nabibitbit na radyo. Sa usok ng kaniyang sigarilyo, halos hindi na niya makita ang kaniyang munting sanggol. Siya’y halos maiyak sa pagkabagot.

Si Peter, isang 17-anyos na estudyante sa high school, ay nauupo sa kaniyang silid, napaliligiran ng pinakabagong elektronikong mga produkto. Binuksan niya ang isa sa kaniyang mga laro sa video, upang matuklasan lamang na hindi na ito kawili-wili sa kaniya. Nalaro na niya ito nang daan-daang ulit, at alam na niya kung paano tatalunin ang computer. Dapat ba siyang makinig sa ilang musika? Gayunman, lahat ng plaka na mayroon siya ay maraming ulit na niyang napakinggan. Bagot na bagot, himutok niya: “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.”

Pinalilipas Mo ba ang Panahon?

Isang bagay ang tiyak, hindi naman lahat ng tao’y walang sigla at malungkot ang araw. Marami pa rin ang namumuhay nang maligaya at makabuluhang buhay, nakasusumpong ng kasiyahan sa pag-alam ng bagong mga bagay, sa pagtugon sa kanilang mapanlikhang mga talino, at sa paglinang ng mabuting mga kaugnayan sa ibang tao​—at higit na mahalaga, sa Diyos.

Gayunman, ang pagkabagot ay nakaaapekto sa mga tao ng lahat ng uri ng pamumuhay​—1 sa bawat 3 Aleman, ayon sa isang surbey kamakailan. Ang ambisyosong nakaririwasang kabataan na madalas magtungo sa lahat ng popular na mga dakong libangan sa bayan, ang kabataang walang trabaho na nagpapalipas ng oras sa pakikinig ng malalakas na musika at mumurahing beer, ang nasa kalagitnaang-gulang na obrero na inuubos ang dulo ng sanlinggo sa panonood ng telebisyon, ang manedyer na walang magawa pag-alis niya sa kaniyang opisina​—lahat ay may iisang reklamo: pagkabagot.

Tinawag ito ng sinaunang mga pilosopo na taedium vitae (Latin para sa pagkabagot sa buhay). Sa Aleman ito ay Langeweile (isang mahabang panahon). Mabagal na panahon, trabaho na tila ba walang kabuluhan, ang pagnanais na “tumakas tungo sa isang dakong ganap na kakaiba sa dako ng tirahan o trabaho” ay karaniwang palatandaan ng pagkabagot.

Kahit na ang mayayaman ay nakararanas nito. Pagkatapos ilarawan ang maluhong istilo ng buhay ng mayayamang malakas gumastos, ganito ang sabi ni Roger Rosenblatt ng magasing Time: “Pagkatapos magkaroon ng malaking bahay at malaking hardin at malalaking hayop, dumalo sa malalaking parti at makilala ang importanteng mga tao, ano ang sinasabi ng karamihan ng mayayamang tao ng daigdig na malakas gumastos? Na sila’y nababagot. Nababagot.”

Inaakala noon na ang higit na paglilibang ay gamot sa pagkabagot. Ang palagay na ang makataong mga kalagayan sa trabaho, na siyang magwawakas sa nakasasawa’t nakababagot na gawain noon, at ang maraming oras ng paglilibang ay gagawa sa buhay na kapaki-pakinabang para sa karaniwang tao. Nakalulungkot naman, hindi ganiyan kasimple. Ang pagpapasiya kung ano ang gagawin sa lahat ng malayang panahong ito ay napatunayang mas mahirap kaysa inaakala. Pinananabikan ng marami sa buong sanlinggo ang isang kasiya-siyang dulo ng sanlinggo, upang matuklasan lamang na pagdating nito ay hindi ito kasiya-siya na gaya ng inaasahan.

Negatibong mga Resulta ng Pagkabagot

Ang ilan ay nagsisikap na takasan ang pagkabagot sa pamamagitan ng paglulubog ng kanilang sarili sa sobrang gawain. Ang ilan ay naging mga sugapa sa trabaho (workaholic) sapagkat hindi nila alam kung ano ang gagawin nila sa kanilang panahon kapag wala sila sa opisina. Nilulunod naman ng iba ang kanilang pagkabagot sa alak o sa paghahanap ng katuwaan sa pag-eeksperimento sa mga droga. Marami sa mga bituin sa daigdig ng paglilibang na namumuhay nang abala at imoral na buhay ay hinaharap ang damdamin ng kawalang-kabuluhan, kapag natapos na ang pagtatanghal, sa pamamagitan ng mga droga na gaya ng cocaine. Ang pagkabagot ay nakilala bilang isa sa mga dahilan kung bakit dumarami ang bilang ng tin-edyer na mga dalagang-ina, marami sa kanila ay maaaring nag-akala na ang isang sanggol ay magbibigay ng kabuluhan sa kanilang buhay.

Ang pagkabagot ay iniuugnay pa nga sa dumaraming krimen. Napansin ng magasing Time na maraming kabataan ang hindi na pumapasok sa paaralan sa gulang na 16 at walang magawa at na ang mga walang trabaho sa Kanlurang Europa, kung ihahambing sa kanilang mga kaedad na nagtatrabaho, ay “mas malamang na magpakamatay, mas malamang na mag-abuso sa droga, mas malamang na magbuntis nang walang asawa at mas malamang na lumabag sa batas.” Waring pinatutunayan nitong muli ang dating kasabihang “si Satanas ay nakasusumpong pa rin ng ilang kapilyuhan para gawin ng isang taong walang ginagawa.”​—Ihambing ang Efeso 4:28.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share