Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 1/22 p. 5-7
  • Isang Madaling Lunas sa Pagkabagot?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Madaling Lunas sa Pagkabagot?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ugat na mga Sanhi ng Pagkabagot
  • Di-gaanong Pagkabagot​—Paano?
  • Ang Pagkabagot ay Maaaring Magdulot ng Kaigtingan at Panlulumo
    Gumising!—1989
  • Ang Iyong Buhay ba ay Nakababagot? Mababago Mo Ito!
    Gumising!—1995
  • Ano ang Gagawin Ko Kapag Naiinip ang Anak Ko?
    Tulong Para sa Pamilya
  • Paano Kung Nababagot Ako?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 1/22 p. 5-7

Isang Madaling Lunas sa Pagkabagot?

ANG paglalaan ng walang-katapusang panustos ng libangan para sa angaw-angaw na nababagot na mga parokyano ay naging malaking negosyo ngayon. Eksotikong mga bakasyon, makabago’t masalimuot na elektronikong mga aparato, madetalyeng mga libangan ay pawang kumikilos upang tulungan ang mga parokyano na magpalipas ng panahon. Gayunman, malaking problema pa rin ang pagkabagot. Kahit na nasa bakasyon, kailangan pa rin ng nababagot na mga bakasyunista ang panlabas na pampasigla upang panatilihin silang maligaya. At maraming masigasig na mga nagdya-jogging ang nakadarama na para bang may kulang sa kaniya kung wala ang kaniyang nabibitbit na radyo.

Walang alinlangan na ang libangan, gaya ng telebisyon, ay lumilikha ng katuwaan at pumapawi ng pagkabagot, subalit gaano katagal? Para sa ilan ito ay tulad ng isang nakasusugapang droga. Sa susunod na pagkakataon, mas matinding pampasigla at higit na katuwaan ang kinakailangan​—kung hindi ang mapanglaw na pakiramdam na nakita-ko-na-ito-noon ay muling iiral. Sa halip na maging lunas, ang gayong libangan ay maaaring maging isang salik sa pagkabagot.

Ang TV, sa ganang sarili, ay hindi nagiging sanhi ng pagkabagot, subalit hindi rin mapapawi ng labis na panonood ng telebisyon ang pagkabagot. Masahol pa nga, mientras mas marami kang panahong ginugugol sa panonood ng TV, lalo kang napapalayo sa katotohanan. Sa kaso ng mga bata, madalas itong mangyari. Sa isang pag-aaral kung saan ang mga bata na edad apat at lima ay tanungin kung sino ang pipiliin nilang iwan, ang TV o ang kanilang ama, 1 sa 3 ang nagpasiya na ang buhay ay mas matitiis nila kung wala si itay!

Hindi rin lunas ang pagpapabuyo sa bawat naisin. Maraming kabataan ngayon ang “pinalaki sa isang panahon ng materyal na kasaganaan, kung saan maaari silang magkaroon ng lahat ng laruan, lahat ng bakasyon, lahat ng bagong uso,” sabi ng isang kinatawan ng Social Democratic sa parlamentong Aleman. Mayroon pa bang bagong bagay na makapagpapasaya sa kanila? Maaari pa ngang ang mababait na magulang na pinauulanan ang kanilang mga anak ng lahat ng pinakabagong bagay sa katunayan ay umaakay sa mga bata sa isang pagkamaygulang na sinasalot ng talamak na pagkabagot.

Ang Ugat na mga Sanhi ng Pagkabagot

Ang pagtakas sa pagkabagot ay ganap na isang di-makatotohanang tunguhin. Ang buhay sa mundong ito ay hindi kailanman magiging isang buhay ng laging katuwaan at kaligayahan. Ang gayong di-makatotohanang inaasahan ay malamang na pagmulan ng di-kailangang pagkayamot. Kasabay nito, may tiyak na mga salik na nagpapalala sa bagay-bagay.

Halimbawa, sa ngayon parami nang paraming mga pamilya ang nagkakawatak-watak. Maaari kayang sina inay at itay ay abalang-abala sa kanilang sariling paglilibang anupat hindi na sila gumugugol ng sapat na panahon na kasama ng mga bata? Hindi kataka-taka, ang mga tin-edyer ay humahanap ng kanilang sariling mga paraan upang libangin ang kanilang mga sarili sa mga disco, mga lugar kung saan makapaglalaro ng mga larong video, mga shopping center, at mga katulad nito. Dahil dito, sa maraming tahanan ang mga pagliliwaliw ng pamilya at iba pang sama-samang gawain ay hindi na ginagawa.

Gayundin ang iba ay lubhang nayayamot sa kanilang nakaiinip na buhay anupat di-sinasadyang nag-iisip nang higit tungkol sa kanilang sarili kaysa iba, di-alintana ang iba. At samantalang higit at higit na ibinubukod nila ang kanilang sarili, inaasam-asam nila ang pagkakamit ng matatawag na sariling pagsasakatuparan. Subalit hindi nagkakagayon. Kung sa bagay, walang taong maaaring mabuhay nang ganap na nabubukod sa ibang tao. Kailangan natin ang pakikisama ng iba at pakikipag-usap. Kaya nga, walang pagsalang ang mga taong ibinubukod ang kanilang sarili ay nagkakalat ng pagkabagot, di-sinasadyang ginagawang nakaiinip ang buhay para sa kanilang sarili at doon sa nakapalibot sa kanila.

Gayunman, ang problema ay tila mas malalim, gaya ng sabi ni Blaise Pascal, isang pilosopong Pranses noong ika-17 siglo: “Ang pagkabagot ay [nagmumula] sa kaibuturan ng puso kung saan naroon ang likas na mga ugat nito at [pinupunô] ang isip ng lason nito.” Anong pagkatotoo nga!

Habang ang puso ay punô ng walang lubay na mga pag-aalinlangan tungkol sa tunay na layunin ng buhay, ang pagkabagot ay malamang na manatili. Kailangan ang taimtim na paniniwala na ang personal na buhay ng isa ay may layunin. Gayunman, paano mahaharap ng sinuman ang buhay taglay ang isang positibong pangmalas nang hindi nalalaman kung bakit siya umiiral, nang walang mga tunguhin, nang walang matatag na pag-asa sa hinaharap?

Dito bumabangon ang sukdulang mga katanungan: Ano ang layunin ng buhay? Ano ang layunin ng aking pag-iral? Saan ako patungo? “Ang pagsisikap na masumpungan ang layunin sa buhay ang mahalagang gumaganyak na puwersa sa tao,” sabi ni Dr. Viktor Frankl. Gayunman, saan masusumpungan ang gayong layunin? Saan makasusumpong ng kasiya-siyang kasagutan sa mga tanong na ito?

Di-gaanong Pagkabagot​—Paano?

Ang pinakamatanda sa lahat ng mga aklat ay nagbibigay ng paliwanag sa gayong sukdulang mga katanungan. Ganito ang sabi ni Heinrich Heine, makatang Aleman noong ika-19 na siglo: “Utang ko ang aking kaliwanagan sa basta pagbabasa ng isang aklat.” Aling aklat? Ang Bibliya. Si Charles Dickens ay nagsabi rin: “Ito sa tuwina ang pinakamagaling at magiging ang pinakamagaling na aklat sa buong daigdig, sapagkat ito’y nagtuturo sa iyo ng pinakamahusay na mga leksiyon na . . . maaaring pumatnubay sa kaninumang tao.”

Walang alinlangan tungkol dito. Ang Bibliya ay isang tiyak na patnubay tungo sa isang buhay na may layunin. Mula sa pasimula hanggang sa wakas, malinaw na ipinakikita nito na binigyan ng Diyos ang tao ng gawaing dapat gawin. Ang tao ang mangangalaga sa lupa, magpapaganda rito, magsasagawa ng maibiging pamamahala sa buhay-hayop, at, higit sa lahat, pumuri sa Maylikha, si Jehova. Ito’y isang malaking atas, isa na hindi magbibigay ng puwang sa pagkabagot! Natuklasan ng milyun-milyong aktibong mga Kristiyano na ang paninindigan sa panig ng Diyos tungkol sa usapin, naaalay at lubusang natatalaga sa kaniya, ay talagang nakadaragdag ng layunin sa buhay at humahadlang sa pagkabagot.

Ang malaganap na pagkabagot ay maaaring maging isang makabagong pangyayari​—karamihan ng sinaunang mga wika ay walang salita para rito. Gayunman, ang Bibliya, bukod sa pagpapakita sa atin ng layunin sa buhay, ay naglalaman ng praktikal na mga mungkahi upang paglabanan ang pagkabagot. Halimbawa, binabanggit nito na ‘ang humihiwalay ay nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.’ (Kawikaan 18:1) Sa ibang salita, huwag ibukod ang sarili!

Ang tao ay may likas na hilig na makihalubilo sa iba. Kailangan niyang makipag-ugnayan sa ibang tao, at mayroon siyang katutubong pangangailangan sa pakikisama ng iba. Ang pagsupil sa likas na naising ito na makihalubilo sa ibang tao​—ang pagiging mapag-isa, pagiging miron lamang​—ay hindi matalino. Gayundin naman, ang pagtatakda sa ating mga sarili ng panlabas na personal na mga kaugnayan lamang ay katumbas ng pagwawalang-bahala sa lahat ng praktikal na karunungan.

Mangyari pa, mas madaling basta manood ng mga sine o takdaan ang ating pakikipag-usap sa pagpapasok ng mga impormasyon sa isang computer. Ang pakikibagay sa ibang tao ay isang hamon. Gayunman, ang pagkakaroon ng isang bagay na kapaki-pakinabang na sabihin at ang pagbahagi ng mga kaisipan at mga damdamin sa iba ay kapaki-pakinabang at hindi nagbibigay ng puwang sa pagkabagot.​—Gawa 20:35.

Si Solomon, na isang mahusay na tagamasid sa kalikasan ng tao, ang gumawa ng mapuwersang mungkahing ito: “Mas maiging masiyahan sa kung ano ang nasa harap ng iyong mga mata kaysa padala sa nasà.” (Eclesiastes 6:9, The New English Bible) Sa ibang salita, magkaroon ng kasiyahan at pakinabang mula sa iyong kasalukuyang mga kalagayan. Magtuon ng pansin sa kung ano ang nakikita mo ngayon. Mas maigi iyan kaysa paghahangad na takasan ang katotohanan o ‘padala sa nasà,’ gaya ng pagkakasabi rito ni Solomon.

Ang mga araw na isinaplanong mabuti, tiyak na mga tunguhin, at isang masikap na pagnanais na patuloy na matuto ay tutulong din sa iyo na madaig ang pagkabagot. Aba, kahit na pagkatapos magretiro, ang isang tao ay maaari pa ring makagawa ng maraming bagay. Isa sa mga Saksi ni Jehova sa Balearic Islands, isang nagretirong lalaki sa kaniyang maagang mga edad 70, ay sabik na matuto ng Aleman. Ang kaniyang tunguhin? Nais niyang ipakipag-usap ang tungkol sa Salita ng Diyos sa maraming nababagot na mga bakasyunista mula sa Alemanya. Ang pagkabagot ay tiyak na hindi isang problema sa kaniya!

Sa wakas, kumusta naman ang paggawa ng isang bagay sa pamamagitan ng iyong mga kamay? Bakit hindi magkaroon ng kasanayan sa ilang gawang-kamay, sa pagpipinta, o sa pagtugtog ng isang instrumento sa musika? Ang pagpapahalaga-sa-sarili ay lumalago kapag may diwa ng tagumpay sa bagay na nagawa. Bakit hindi mag-isip tungkol sa pagtatrabahong masikap at pagtulong sa bahay? Napakaraming mumunting bagay na karaniwang kailangang ayusin sa alinmang bahay. Sa halip na magmukmok tungkol sa iyong nakababagot na buhay, tumulong ka, magtrabaho sa bahay, maging bihasa sa ilang gawain. Tiyak na ikaw ay gagantimpalaan.​—Kawikaan 22:29.

Isa pa, ang Bibliya ay nagpapayo sa atin na gumawa nang buong-kaluluwa sa anumang proyektong ating isinasagawa. (Colosas 3:23) Iyan mangyari pa ay nangangahulugan ng pagiging sangkot, maging tunay na interesado sa kung ano ang ating ginagawa. Makabubuting tandaan na ang salitang Ingles na “interest” ay galing sa Latin na interesse, na literal na nangangahulugang “malagay sa pagitan, o sa gitna,” sa ibang salita ay buhos ang isip sa trabahong ginagawa. Iyan ang gumagawa ritong kawili-wili.

Lahat ng mabuting payong ito na isinulat maraming taon na ang nakalipas, kung ikakapit, ay malaki ang magagawa para sa mga biktimang dumaranas ng panlulumo sa panahon ng paglilibang. Kaya nga, maging buhos ang isip sa kung ano ang iyong ginagawa. Makisangkot sa ibang tao. Gumawa ng mga bagay para sa iba. Patuloy na mag-aral. Malayang makipag-usap sa iba. Tuklasin ang tunay na layunin ng buhay. Sa paggawa ng lahat ng ito, hindi ka maghihimutok: ‘Bakit ba nakababagot ang buhay?’

[Kahon sa pahina 7]

Kung Paano Dadaigin ang Pagkabagot

1. Huwag pahintulutang pahinain ng gawa-nang paglilibang ang personal na pagkamapanlikha. Maging mapamili kung tungkol sa mga pang-abala at libangan.

2. Makipag-ugnayan sa mga tao.

3. Patuloy na mag-aral. Magkaroon ng personal na mga tunguhin.

4. Maging mapanlikha. Gumawa ng isang bagay sa pamamagitan ng iyong mga kamay.

5. Magkaroon ng layunin sa buhay. Isaalang-alang ang Diyos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share