Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w17 Nobyembre p. 18-19
  • Ang Taong Bukas-Palad ay Pagpapalain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Taong Bukas-Palad ay Pagpapalain
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Gawain ay Malaki”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Magpakita ng Pagpapahalaga sa Pagkabukas-Palad ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Pinunan ng Kanilang Labis ang Kakulangan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagkukusa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
w17 Nobyembre p. 18-19
Dinala ni Hana si Samuel sa tabernakulo

Ang Taong Bukas-Palad ay Pagpapalain

NOON pa man, ang paghahain ay mahalagang bahagi na ng tunay na pagsamba. Ang mga Israelita ay naghahandog ng mga haing hayop, at kilalá ang mga Kristiyano dahil sa kanilang “hain ng papuri.” Pero may iba pang mga hain na nakalulugod sa Diyos. (Heb. 13:15, 16) Ang mga ito ay nagdudulot ng kasiyahan at mga pagpapala, gaya ng makikita sa sumusunod na mga halimbawa.

Si Hana, isang tapat na lingkod noon, ay hindi magkaanak kahit gustong-gusto niya. Sa panalangin, nanata siya kay Jehova na kung magkakaroon siya ng anak na lalaki, ‘ibibigay niya ito kay Jehova sa lahat ng mga araw ng buhay nito.’ (1 Sam. 1:10, 11) Nang maglaon, nagdalang-tao si Hana, at Samuel ang ipinangalan niya dito. Nang maawat sa suso si Samuel, dinala siya ni Hana sa tabernakulo gaya ng kaniyang ipinanata. Pinagpala ni Jehova si Hana dahil sa pagsasakripisyo niya. Nagkaroon pa siya ng limang anak. Samantala, si Samuel ay naging propeta at isang manunulat ng Bibliya.—1 Sam. 2:21.

Tulad nina Hana at Samuel, ang mga Kristiyano sa ngayon ay may pribilehiyo na gamitin ang kanilang buhay sa tapat na paglilingkod sa kanilang Maylikha. Nangako si Jesus na anumang sakripisyo na ginagawa natin alang-alang sa pagsamba kay Jehova ay pagpapalain.—Mar. 10:28-30.

Noong unang siglo, si Dorcas, isang babaeng Kristiyano, ay nakilala dahil sa kaniyang “mabubuting gawa at mga kaloob ng awa”—mga sakripisyong ginawa niya para tulungan ang iba. Pero “nagkasakit siya at namatay,” na lubhang ikinalungkot ng kongregasyon. Nang malaman ng mga alagad na nasa kalapít na lunsod lang si Pedro, nagmakaawa sila sa kaniya na puntahan sila. Isip-isipin ang kanilang kagalakan nang buhaying muli ni Pedro si Dorcas—ang kauna-unahang iniulat na pagkabuhay-muli na ginawa ng isang apostol! (Gawa 9:36-41) Hindi kinalimutan ng Diyos ang mga sakripisyo ni Dorcas. (Heb. 6:10) Ang ulat ng kaniyang pagiging bukas-palad ay iningatan sa Salita ng Diyos para matularan natin.

Nagpakita rin si apostol Pablo ng mahusay na halimbawa ng pagiging bukas-palad sa pagbibigay ng panahon at atensiyon. Nang sumulat siya sa mga kapatid na Kristiyano sa Corinto, sinabi ni Pablo: “Sa ganang akin ay buong lugod akong gugugol at lubusang magpapagugol para sa inyong mga kaluluwa.” (2 Cor. 12:15) Mula sa kaniyang karanasan, natutuhan ni Pablo na ang pagsasakripisyo para sa iba ay nagdudulot ng personal na kasiyahan. Pero ang lalong mahalaga, nagdudulot ito ng pagpapala at pagsang-ayon ni Jehova.—Gawa 20:24, 35.

Maliwanag na nagagalak si Jehova kapag ginagamit natin ang ating panahon at lakas para sa interes ng Kaharian at sa pagtulong sa mga kapananampalataya. Pero may iba pa bang paraan para suportahan ang pangangaral ng Kaharian? Oo! Mapararangalan din natin ang Diyos sa pamamagitan ng ating kusang-loob na mga donasyon. Ginagamit ang mga ito para sa gawaing pangangaral sa buong daigdig, kasama na rito ang pagsuporta sa mga misyonero at sa iba pang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod. Ang paghahanda at pagsasalin ng mga literatura at video, pagtulong sa mga nakaranas ng sakuna, pati na ang pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall ay tinutustusan ng ating kusang-loob na mga donasyon. Tinitiyak sa atin na “siyang may mabait na mata [o bukas-palad] ay pagpapalain.” Kapag inihahandog natin kay Jehova ang ating mahahalagang pag-aari, napararangalan natin siya.—Kaw. 3:9; 22:9.

Kung Paano Nagbibigay ng Kontribusyon sa Pambuong-daigdig na Gawain ang Ilan

Katulad noong panahon ni apostol Pablo, marami sa ngayon ang ‘nagbubukod’ ng perang ihuhulog sa kahon ng kontribusyon na may markang “Worldwide Work.” (1 Cor. 16:2) Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang kontribusyong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa teritoryong sakop ng kanilang sangay. Puwede ka ring tuwirang magpadala ng donasyon sa legal na korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa bansang tinitirhan mo. Para malaman ang pangalan ng pangunahing legal na korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa bansang tinitirhan mo, pakisuyong makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay. Makikita sa www.jw.org/tl ang adres. Depende sa lokal na mga kalagayan, ang sumusunod ay ilan sa mga donasyon na puwede mong tuwirang ipadala:

DONASYON NA WALANG KONDISYON

  • Mga donasyon sa pamamagitan ng electronic bank transfer, debit card, o credit card. Sa ilang sangay, posible ring gawin ito gamit ang jw.org o iba pang itinalagang website.

  • Donasyong pera, alahas, o iba pang mahahalagang ari-arian. Maglakip ng liham na nagsasabing ang pera o iba pang bagay ay isang donasyon na walang kondisyon.

KAAYUSAN SA KONDISYONAL NA DONASYON

  • Donasyong pera na may kalakip na kondisyon.

  • Maglakip ng liham na nagsasabing ang donasyon ay ibabalik sa nagbigay sakaling kailanganin niya ito.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod sa tuwirang mga kaloob na pera at mahahalagang ari-arian, may iba pang mga paraan para masuportahan ang gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig. Nakatala sa ibaba ang mga ito. Pakisuyong makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa teritoryong sakop ng inyong sangay para malaman kung anong pamamaraan ang puwedeng gamitin. Yamang magkakaiba ang legal na mga kahilingan at batas sa buwis ng bawat bansa, mahalagang kumonsulta muna sa abogado at tagapayo sa buwis.

Insurance at Retirement Plan: Maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy, isang retirement account, o isang retirement/pension plan, ang isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova.

Deposito sa Bangko: Mga deposito sa bangko na ibibigay sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova kapag namatay ang isa. Sundin ang mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Stock at Bond: Mga stock at bond na iniabuloy sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o sa pamamagitan ng nasusulat na kasunduan na ililipat ang mga ito kapag namatay ang nag-abuloy.

Lupa’t Bahay: Maibebentang lupa’t bahay na ibinigay bilang donasyon sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob. Kung nakatira pa roon ang nagkaloob, puwedeng magkaroon ng kasunduan na maninirahan siya roon hangga’t nabubuhay siya.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o pera ay maaaring ipamana sa isang korporasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isang legal na testamento o pagpapangalan sa korporasyong iyon bilang benepisyaryo ng isang trust agreement. Sa kaayusang ito, maaaring mabawasan ang ilang bayarin sa buwis.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano ng nagkakaloob. Para matulungan ang mga gustong sumuporta sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur na ito ay naglalaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob, ito man ay ibibigay na ngayon o sa hinaharap, halimbawa ay kapag namatay ang nagbigay ng donasyon. Baka may mga impormasyon sa brosyur na ito na hindi kapit sa sitwasyon mo dahil sa mga batas sa buwis o iba pang batas sa bansang tinitirhan mo. Sa pamamagitan ng mga paraang ito ng pag-aabuloy, marami ang tumulong sa pagsuporta sa ating relihiyosong mga gawain at pagkakawanggawa sa buong daigdig at nakakuha ng malaking diskuwento sa buwis. Kung available ang brosyur na ito sa bansang tinitirhan mo, maaari kang humiling ng kopya sa kalihim ng inyong kongregasyon.

Para sa higit pang impormasyon, i-click ang link na “Donasyon Para sa Aming Pambuong-Daigdig na Gawain” sa ibabang bahagi ng alinmang page ng jw.org, o makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share