Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w19 Marso p. 2-7
  • Ano ang Nakakapigil sa Akin na Magpabautismo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Nakakapigil sa Akin na Magpabautismo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MGA HAMONG NAKAKAPIGIL SA ILAN NA MAGPABAUTISMO
  • PAANO MO MAPAGTATAGUMPAYAN ANG MGA HAMON?
  • MANINDIGAN SA IYONG DESISYON
  • Dapat Ba Akong Mag-alay sa Diyos at Magpabautismo?
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Bakit Dapat Kang Magpabautismo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • ‘Ako ba’y Dapat Pabautismo?’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Mabisang Paggamit sa Gumising!
    Gumising!—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
w19 Marso p. 2-7

ARALING ARTIKULO 10

Ano ang Nakakapigil sa Akin na Magpabautismo?

“Kapuwa sila lumusong sa tubig, kapuwa si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya.”—GAWA 8:38.

AWIT 52 Kristiyanong Pag-aalay

NILALAMANa

1. Ano ang naiwala nina Adan at Eva, at ano ang resulta?

PARA sa iyo, sino ang dapat magtakda ng pamantayan ng tama at mali? Nang kumain sina Adan at Eva ng bunga mula sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama, ipinakita nilang wala silang tiwala kay Jehova at sa kaniyang pamantayan. Mas gusto nilang magtakda ng sarili nilang pamantayan. (Gen. 3:22) Pero tingnan mo ang naging resulta. Naiwala nila ang pakikipagkaibigan kay Jehova, pati na ang pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. Naipamana pa nila sa kanilang mga anak ang kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12) Kapaha-pahamak nga ang naging resulta ng desisyon nina Adan at Eva.

Binabautismuhan ni Felipe ang isang bating na Etiope

Nang manampalataya kay Jesus ang bating na Etiope, agad siyang nagdesisyon na magpabautismo (Tingnan ang parapo 2-3)

2-3. (a) Ano ang ginawa ng bating na Etiope nang mapangaralan siya ni Felipe? (b) Anong mga pagpapala ang natatanggap natin sa pagpapabautismo, at anong mga tanong ang sasagutin natin?

2 Ibang-iba ang bating na Etiope kina Adan at Eva. Nang mapangaralan siya ni Felipe, talagang napahalagahan ng bating ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa kaniya kaya nagpabautismo agad siya. (Gawa 8:34-38) Nang mag-alay tayo sa Diyos at magpabautismo gaya ng bating na iyon, ipinakita natin na pinahahalagahan natin ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin. Ipinakita rin natin na nagtitiwala tayo kay Jehova at kinikilala natin na siya ang may karapatang magtakda ng pamantayan ng tama at mali.

3 Isipin na lang ang mga pagpapalang natatanggap natin sa paglilingkod kay Jehova! Puwedeng maibalik sa atin ang lahat ng naiwala nina Adan at Eva, kasama na ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Dahil sa pananampalataya natin kay Jesu-Kristo, pinatatawad tayo ni Jehova at nagkakaroon tayo ng malinis na budhi. (Mat. 20:28; Gawa 10:43) Naging bahagi rin tayo ng pamilya ni Jehova na binubuo ng kaniyang sinang-ayunang mga lingkod, na binigyan niya ng napakagandang kinabukasan. (Juan 10:14-16; Roma 8:20, 21) Pero sa kabila ng mga pagpapalang iyan, marami pa rin sa mga nakakakilala kay Jehova ang nag-aalangang sumunod sa halimbawa ng bating na Etiope. Ano kaya ang nakakapigil sa kanila na magpabautismo? At paano nila mapagtatagumpayan ang mga ito?

MGA HAMONG NAKAKAPIGIL SA ILAN NA MAGPABAUTISMO

Kabataang walang kumpiyansa sa sarili habang nakikinig sa komento ng tatay niya

Mga hamong napapaharap sa ilan bago magdesisyong magpabautismo

Kawalan ng Kumpiyansa sa Sarili (Tingnan ang parapo 4-5)b

4-5. Anong mga hamon ang napaharap kina Avery at Hannah?

4 Kawalan ng kumpiyansa sa sarili. Saksi ni Jehova ang mga magulang ng kabataang lalaki na si Avery. Ang kaniyang ama ay isang mahusay na elder at kilaláng mapagmahal sa anak. Pero ayaw pang magpabautismo ni Avery. Bakit? “Baka hindi ako maging kasinghusay ng tatay ko,” ang sabi niya. Nag-aalala rin siya na hindi niya magampanan ang mga responsibilidad na iaatas sa kaniya. “Baka hilingan akong manguna sa panalangin, magbigay ng pahayag, o manguna sa paglilingkod sa larangan.”

5 Si Hannah, edad 18, ay walang kumpiyansa sa sarili. Lingkod ni Jehova ang mga magulang niya. Pero hindi siya sigurado kung kaya niyang mamuhay ayon sa pamantayan ni Jehova. Bakit? Napakababa kasi ng tingin niya sa sarili. Kung minsan, sa sobrang lungkot niya, sinasaktan niya ang kaniyang sarili. Lalo tuloy lumalala ang sitwasyon. “Wala akong pinagsabihan nito, kahit mga magulang ko,” ang sabi niya, “at naisip kong hinding-hindi ako magugustuhan ni Jehova dahil sa ginagawa ko sa sarili ko.”

Isang kabataang Saksi, na may kasamang masamang impluwensiya, ang nahihiya dahil may nakita silang mga Saksi na nagpa-public witnessing

Impluwensiya ng mga Kaibigan (Tingnan ang parapo 6)c

6. Ano ang nakapigil kay Vanessa na magpabautismo?

6 Impluwensiya ng mga kaibigan. Sinabi ni Vanessa, edad 22, “Mayroon akong best friend na napakatagal ko nang kilala.” Pero hindi nito nagustuhan ang plano ni Vanessa na magpabautismo. Nasaktan si Vanessa, at sinabi niya, “Hiráp akong makipagkaibigan, at nag-aalala ako na kung puputulin ko ang pakikipagkaibigan ko sa kaniya, baka hindi na ako magkaroon ng malapít na kaibigan.”

Natatakot ang isang kabataan na mangyari sa kaniya ang nangyari sa kuya niyang natiwalag at umalis ng bahay

Takot na Magkasala (Tingnan ang parapo 7)d

7. Ano ang ikinatatakot ni Makayla, at bakit?

7 Takot na magkasala. Limang taóng gulang si Makayla nang matiwalag ang kuya niya. Habang lumalaki siya, nakita niya ang epekto ng ginawa ng kuya niya sa mga magulang niya. “Natatakot ako na kung magpapabautismo ako,” ang sabi ni Makayla, “magkakasala rin ako at matitiwalag, at lalo lang masasaktan ang mga magulang ko.”

Natatakot manalangin ang isang kabataan sa harap ng nanay niyang di-sumasampalataya

Takot sa Pagsalansang (Tingnan ang parapo 8)e

8. Ano ang ikinatatakot ni Miles?

8 Takot sa pagsalansang. Lingkod ni Jehova ang tatay at madrasta ng kabataang lalaki na si Miles, pero hindi Saksi ang nanay niya. “Lumaki ako kay Nanay nang 18 taon,” ang sabi ni Miles, “at natatakot akong sabihin sa kaniya na gusto kong magpabautismo. Nakita ko ang reaksiyon ni Nanay nang maging Saksi si Tatay. At natatakot ako sa puwede niyang gawin sa akin.”

PAANO MO MAPAGTATAGUMPAYAN ANG MGA HAMON?

9. Ano ang malamang na mangyari kapag nakita mo ang lalim ng pag-ibig at haba ng pasensiya ni Jehova?

9 Hindi pinili nina Adan at Eva na maglingkod kay Jehova dahil hindi nila napalalim ang pag-ibig nila sa kaniya. Pero hinayaan pa rin sila ni Jehova na patuloy na mabuhay, magkaanak, at magtakda ng sarili nilang pamantayan sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Di-nagtagal, napatunayan na napakalaking kamangmangan ang paglayo nina Adan at Eva kay Jehova. Pinatay ng kanilang panganay na anak ang inosenteng kapatid nito, at lumaganap ang karahasan at kasakiman sa pamilya ng tao. (Gen. 4:8; 6:11-13) Pero gumawa ng paraan si Jehova para iligtas ang lahat ng anak nina Adan at Eva na gustong maglingkod sa kaniya. (Juan 6:38-40, 57, 58) Habang nakikita mo ang haba ng pasensiya at lalim ng pag-ibig ni Jehova, malamang na lalo mo pa siyang mahalin. Hinding-hindi mo gagayahin ang ginawa nina Adan at Eva. Sa halip, iaalay mo ang iyong sarili kay Jehova.

Kabataang nagpe-personal study

Kung paano mo mapagtatagumpayan ang mga hamong ito

(Tingnan ang parapo 9-10)f

10. Paano makakatulong ang pagbubulay-bulay sa Awit 19:7 para mapaglingkuran mo si Jehova?

10 Lalo pang kilalanin si Jehova. Habang nakikilala mo si Jehova, lalong tumitibay ang tiwala mo na mapaglilingkuran mo siya. Sinabi ni Avery, na nabanggit kanina: “Tumibay ang tiwala ko nang mabasa ko at mabulay-bulay ang pangako sa Awit 19:7.” (Basahin.) Nang makita ni Avery kung paano tinupad ni Jehova ang pangakong iyan, lumalim ang pag-ibig niya sa Diyos. Ang pag-ibig ay hindi lang nagpapatibay ng tiwala. Nakatutulong din ito sa atin na magpokus kay Jehova at magawa ang gusto niya. Sinabi ni Hannah, na nabanggit kanina: “Sa tulong ng personal na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, nakita ko na kapag sinasaktan ko ang sarili ko, sinasaktan ko rin si Jehova.” (1 Ped. 5:7) Si Hannah ay naging ‘tagatupad ng salita.’ (Sant. 1:22) Ang resulta? Sinabi niya: “Nang makita ko ang pakinabang sa pagsunod kay Jehova, lalo ko siyang minahal. Sigurado na ako ngayon na lagi akong tutulungan ni Jehova kapag kailangan ko siya.” Hindi na sinasaktan ni Hannah ang sarili niya. Inialay niya ang kaniyang sarili kay Jehova at nagpabautismo.

Kabataang Saksi na masayang nagpa-public witnessing habang dumaraan ang dating niyang kasama

(Tingnan ang parapo 11)g

11. Ano ang ginawa ni Vanessa para magkaroon siya ng mabubuting kaibigan, at ano ang matututuhan natin dito?

11 Maging matalino sa pagpili ng kaibigan. Nakita ni Vanessa, na nabanggit kanina, na hinahadlangan siya ng kaibigan niya na maglingkod kay Jehova. Kaya pinutol niya ang pagkakaibigan nila. Pero hindi lang iyan ang ginawa niya. Humanap siya ng mga bagong kaibigan sa loob mismo ng kongregasyon. Sinabi niyang nakatulong sa kaniya ang halimbawa ni Noe at ng pamilya nito. “Napapalibutan sila noon ng mga taong hindi nagmamahal kay Jehova,” ang sabi niya, “pero naging mabuting impluwensiya sila sa isa’t isa.” Pagkabautismo, nagpayunir si Vanessa. Sinabi niya, “Nakatulong ito para magkaroon ako ng mabubuting kaibigan, hindi lang sa kongregasyon namin kundi pati na rin sa ibang kongregasyon.” Magkakaroon ka rin ng mabubuting kaibigan kung magiging abala ka sa gawaing iniatas sa atin ni Jehova.—Mat. 24:14.

Habang pababa sa pool para sa bautismo ang isang kabataan, kinukunan siya ng litrato ng mga magulang niya

(Tingnan ang parapo 12-15)h

12. Anong uri ng pagkatakot ang hindi nadama nina Adan at Eva, at ano ang resulta?

12 Magkaroon ng tamang uri ng pagkatakot. May mga uri ng pagkatakot na nakakabuti sa atin. Halimbawa, kailangan nating makadama ng takot na mapalungkot si Jehova. (Awit 111:10) Kung may ganiyang takot lang sana sina Adan at Eva, hindi sila nagrebelde kay Jehova. Nang magrebelde sila, nabuksan ang kanilang mga mata at nakita nilang makasalanan sila. At wala silang ibang maipamamana sa kanilang mga anak kundi kasalanan at kamatayan. Dahil nakita nila, o naintindihan, ang kanilang kalagayan, nahiya sila nang makita nilang hubad sila, kaya tinakpan nila ang kanilang sarili.—Gen. 3:7, 21.

13-14. (a) Batay sa 1 Pedro 3:21, bakit hindi natin kailangang labis na matakot sa kamatayan? (b) Ano ang mga dahilan natin para mahalin si Jehova?

13 Kailangan nating matakot kay Jehova pero hindi natin kailangang labis na matakot sa kamatayan. Gumawa ng paraan si Jehova para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Kung magkasala tayo, palalampasin ito ni Jehova kung talagang nagsisisi tayo. Patatawarin niya tayo salig sa pananampalataya natin sa haing pantubos ng kaniyang Anak. Ang isang mahalagang paraan para maipakita natin ang pananampalataya natin ay ang pag-aalay natin sa Diyos at pagpapabautismo.—Basahin ang 1 Pedro 3:21.

14 Marami tayong dahilan para mahalin si Jehova. Hindi lang niya tayo binibigyan ng mabubuting bagay araw-araw; itinuturo din niya sa atin ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa layunin niya. (Juan 8:31, 32) Ibinigay niya ang kongregasyong Kristiyano para patnubayan at alalayan tayo. Tinutulungan niya tayo sa ngayon na makayanan ang ating mga problema. Binigyan din niya tayo ng pag-asa sa hinaharap na mabuhay nang walang hanggan sa perpektong kalagayan. (Awit 68:19; Apoc. 21:3, 4) Kapag binubulay-bulay natin ang mga nagawa na ni Jehova para ipakita kung gaano niya tayo kamahal, lalo natin siyang mamahalin. At kapag mahal natin si Jehova, nagkakaroon tayo ng tamang uri ng pagkatakot. Natatakot tayong masaktan ang Isa na pinakamamahal natin.

15. Paano napagtagumpayan ni Makayla ang takot na magkasala?

15 Napagtagumpayan ni Makayla, na nabanggit kanina, ang takot na magkasala nang makita niya na mapagpatawad si Jehova. “Alam kong walang sinuman sa atin ang perpekto at magkakamali tayong lahat. Pero nakita kong mahal tayo ni Jehova at handa niya tayong patawarin salig sa pantubos.” Dahil sa pag-ibig niya kay Jehova, inialay niya ang kaniyang sarili at nagpabautismo.

Lakas-loob na ipinapaliwanag ng kabataan sa nanay niyang di-sumasampalataya ang paniniwala niya

(Tingnan ang parapo 16)i

16. Ano ang nakatulong kay Miles para mapagtagumpayan ang takot sa pagsalansang?

16 Si Miles, na natatakot sa galit ng kaniyang nanay dahil sa desisyon niyang magpabautismo, ay humingi ng tulong sa tagapangasiwa ng sirkito. “Hindi rin Saksi ang nanay niya,” ang sabi ni Miles. “Tinulungan niya akong mag-isip ng sasabihin ko para makumbinsi ko si Nanay na sarili kong desisyon ang magpabautismo at hindi ako pinilit ni Tatay.” Hindi nagustuhan ng nanay ni Miles ang desisyong ito. Di-nagtagal, kinailangan niyang umalis sa bahay ng nanay niya. Pero buo pa rin ang desisyon niya. “Naantig ako sa mabubuting bagay na ginawa ni Jehova para sa akin,” ang sabi niya. “Nang pag-isipan kong mabuti ang haing pantubos ni Jesus, nakita ko kung gaano ako kamahal ni Jehova. Napakilos ako nitong ialay ang buhay ko kay Jehova at magpabautismo.”

MANINDIGAN SA IYONG DESISYON

Kabataang kumakaway sa pamilya niya at mga kaibigan bago magpabautismo

Maipapakita nating pinahahalagahan natin ang ginawa ng Diyos para sa atin (Tingnan ang parapo 17)

17. Anong pagkakataon ang bukás para sa atin?

17 Nang kainin ni Eva ang bunga ng punong iyon sa Eden, itinakwil niya ang kaniyang Ama. Nang kumain din si Adan, ipinakita niyang wala siyang utang na loob sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa kaniya. May pagkakataon tayong lahat na ipakitang hindi tayo sang-ayon sa naging desisyon nina Adan at Eva. Sa pagpapabautismo, naipapakita natin kay Jehova na naniniwala tayong siya ang may awtoridad na magtakda ng pamantayan ng tama at mali. Pinatutunayan nating mahal natin ang ating Ama at nagtitiwala tayo sa kaniya.

18. Paano ka magtatagumpay sa paglilingkod kay Jehova?

18 Ang hamon naman pagkatapos ng bautismo ay ang mamuhay araw-araw ayon sa pamantayan ni Jehova. Milyon-milyon sa ngayon ang namumuhay sa paraang iyan. Matutularan mo sila kung patuloy mong palalalimin ang pagkaunawa mo sa Salita ng Diyos, regular kang makikisama sa iyong mga kapananampalataya, at masigasig mong ibabahagi ang natututuhan mo tungkol sa iyong mapagmahal na Ama. (Heb. 10:24, 25) Kapag nagdedesisyon ka, makinig sa payo ni Jehova na ibinibigay niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. (Isa. 30:21) Sa gayon, ang lahat ng gagawin mo ay magtatagumpay.—Kaw. 16:3, 20.

19. Ano ang dapat mong laging isipin, at bakit?

19 Kung lagi mong iisipin ang malaking tulong na naibibigay sa iyo ng patnubay ni Jehova, lalalim ang pag-ibig mo sa kaniya at sa kaniyang pamantayan. Kaya hindi ka maaakit sa anumang alok sa iyo ni Satanas para huminto sa paglilingkod kay Jehova. Isipin ang sarili mo mga 1,000 taon mula ngayon. Maaalala mo na ang pagpapabautismo ang pinakamagandang desisyong ginawa mo!

PAANO MO SASAGUTIN?

  • Anong mga pagpapala ang natatanggap natin dahil sa pagpapabautismo?

  • Anong mga hamon ang napapaharap sa ilan?

  • Ano ang makakatulong sa atin para magtagumpay sa paglilingkod kay Jehova?

AWIT 28 Maging Kaibigan ni Jehova

a Ang pinakamahalagang desisyon na magagawa mo ay ang pagpapabautismo. Bakit napakahalaga niyan? Sasagutin iyan sa artikulong ito. Makakatulong din ito para mapagtagumpayan ng mga nag-iisip na magpabautismo ang mga hamong nakakapigil sa kanila.

b LARAWAN: Kumpiyansa: Kinakabahang magkomento ang isang kabataan.

c LARAWAN: Kaibigan: Isang kabataang Saksi, na may kasamang masamang impluwensiya, ang nahihiya dahil may nakita silang ibang Saksi.

d LARAWAN: Pagkakasala: Nang matiwalag ang kuya ng isang kabataang babae at umalis ito ng bahay, natakot siya dahil baka magkasala rin siya.

e LARAWAN: Pagsalansang: Natatakot manalangin ang isang kabataang lalaki sa harap ng nanay niyang di-sumasampalataya.

f LARAWAN: Kumpiyansa: Kabataang nagpe-personal study.

g LARAWAN: Kaibigan: Natutuhan ng kabataang Saksi na huwag ikahiya ang pagiging Saksi.

h LARAWAN: Pagkakasala: Dinibdib ng isang kabataang babae ang katotohanan at nagpabautismo.

i LARAWAN: Pagsalansang: Lakas-loob na ipinapaliwanag ng kabataan sa nanay niyang di-sumasampalataya ang paniniwala niya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share