Tanong
◼ Ano ang wastong paraan ng pagbilang sa mga dumadalo sa pulong?
Ipinakikita ng Deuteronomio 31:12, 13 kung sinu-sino ang dapat dumalo sa mga pulong: “Tipunin mo ang bayan, ang mga lalaki at mga babae at ang maliliit . . . upang sila’y makinig at upang sila’y matuto.” Kapag binibilang ang dumalo, maliwanag na binibilang natin ang mga adulto. Gayunman, ang pakikinig at pagkatuto mula sa mga pulong ay kahilingan para sa lahat, maging sa “maliliit.” Noong panahon ni Nehemias, “lahat ng may sapat na talino upang makinig” ay tumayo “mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat” upang marinig ang pagbasa ng Batas. (Neh. 8:1-8) Maliwanag na kasama ang maraming bata sa mga nakikinig. Bagaman hindi nila nauunawaang lahat, natatalos nilang sila’y dapat umibig, sumamba, at sumunod sa Diyos na Jehova. Natural lamang na ibilang ang mga batang nakikinabang sa mga pulong bilang bahagi ng mga dumalo.
Walang-duda na ang isang sanggol na kalong ng kaniyang ina na hindi pa nakauunawa sa mga nagaganap ay hindi dapat ibilang. Bukod dito, ang pagbilang ay depende sa pakikinig. Siyempre pa, hindi naman makatotohanan na asahan ang maliliit na bata na manatiling wiling-wili sa pakikinig sa buong panahon ng pulong. Gayunman, kung alam naman ng bata ang nagaganap, anupat nagpapakita ng paggalang sa mga sinasabi, siya’y dapat ibilang kahit na kung minsan ay gumagala ang kaniyang isipan.
Dapat sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na magpahalaga sa mga pulong sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na maupong tahimik at makinig sa panahon ng pag-uusap ng pamilya sa Bibliya. Binabasahan ng ilan ang kanilang mga anak upang magkaroon ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. (Tingnan ang Agosto 1, 1988, Bantayan, pahina 13, parapo 13.) Inaatasan ng iba ang kanilang mga anak na kumuha ng nota hinggil sa mga pangalan o puntong ginamit sa mga pulong na ikukuwento naman sa pamilya pagkaraan. Hindi mabuti na magdala ng mga laruan, coloring books, o mga bagay na katulad nito sa mga pulong sa layuning mapatahimik ang bata.
Dapat na tingnan ng mga attendant na tagabilang ang mga palikuran at iba pang lugar upang maibilang nila yaong mga pansamantalang wala sa upuan. Iminumungkahi na ang pagbilang ay gawin sa kalahatian ng pulong.