Maaari ba Kayong Mag-auxiliary Payunir sa Marso at Abril?
1 Walang alinlangang ang marami sa inyo ay sasagot ng “Oo” sa katanungan sa itaas. Ang inyong mga plano ay yari na. Ang iba ay maaaring magsabi: “Marahil . . . kung magiging posible.” Gayundin ang iba ay maaaring makadamang ang pagiging auxiliary payunir ay hindi maaari para sa kanila bagaman sila‘y nagnanais na gawin iyon. Sa papaanong paraan kayo tumutugon?
2 Para doon sa nakagawa na ng kanilang mga plano, aming hinihimok sila na laging ingatan ang gayong mga plano sa harapan ni Jehova upang ang mga ito ay maging matatag. (Kaw. 16:3) Kung hindi pa kayo makatiyak sa panahong ito, aming inirerekomenda na isaalang-alang ninyo ang inyong mga kalagayan at tingnan kung ano ang maaaring makatulong sa inyo na magpatala. Samantalahin ninyo ang mga positibong impluwensiya na nasa inyong kongregasyon na maaaring magpakilos sa inyo. Mayroon bang mga regular at auxiliary payunir sa inyong kongregasyon? Tanungin sila kung maaaring gumawa kayo kasama nila sa loob ng isa o dalawang buwan. At yamang may 13,984 ang nag-auxiliary payunir noong nakaraang Abril sa Pilipinas, malamang na makakita kayo ng ilan na katulad ng inyong kalagayan na nagpaplano muling magpayunir sa taong ito. Makipag-usap sa kanila. Maaaring sila ay makapagbigay sa inyo ng nakatutulong na mga mungkahi. Gumawa ng mga plano na kasama nila, hangga‘t maaari.
3 Ang mga matatanda ay lubusang interesado na tulungan ang lahat na magpasulong sa kanilang paglilingkod kay Jehova. Maging malayang lumapit sa kanila ukol sa tulong. May pananalanging isaalang-alang ang inyong pagkakataon. Masusumpungan ninyo na kayo ay maaaring makapaglingkuran bilang isang auxiliary payunir sa Marso at Abril.—Kaw. 13:20.
KAILANGAN ANG MGA PAGSASAKRIPISYO
4 Kahit na nadarama ninyo na hindi kayo makapagpapayunir, maaaring masumpungan ninyo na posibleng mapalawak ang inyong ministeryo sa Marso at Abril sa pamamagitan ng paggawa kasama ng mga payunir nang madalas hangga‘t magagawa ninyo. Ang ilang mga mamamahayag ay naglalagay ng mga personal na tunguhin sa bilang ng oras na sisikapin nilang makuha sa mga buwang iyon. Sabihin pa, kinikilala nilang ito’y mangangahulugan ng ilang sakripisyo at pagsisikap sa kanilang bahagi. (1 Cor. 9:23; Luk. 13:24) Sa diwa, kanilang “itinatabi namang walang liwag ang bawa’t pasan” at ibinubuhos ang bawa‘t pagsisikap tungo sa pagpapayunir sa isa o dalawang buwan. (Heb. 12:1) Ang karamihan ay nagsabi sa amin hinggil sa mga pagpapala na kanilang tinanggap bilang resulta.
5 Halimbawa, isang 74-taong gulang na kapatid na babae na may sakit sa puso ay hinarap ang hamon. Sa pamamagitan ng tulong ng iba, siya ay nagtagumpay at nasiyahan sa bawa’t minuto nito. Ang isang matanda na nagtatrabaho sa gabi ay nagsaayos ng kaniyang eskedyul ng pagtulog upang siya ay magkaroon ng panahon sa paglilingkod. Isang bagong bautisaaong tao ay nakapag-auxiliary payunir sa tulong ng kaniyang hindi sumasampalatayang asawang lalaki. Oo, ang mga ito at marami pang iba ay gumawa ng personal na mga sakripisyo, subali’t anong laking gantimpala ang tinamo nila!—Kaw. 10:22.
MAGPLANO NA NGAYON
6 Ngayon na ang panahon upang gumawa ng mga tiyak na plano para sa Marso at Abril. Ang mga matatanda ay makatutulong sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga kaayusang mabuti ang pagkakagawa, pagpidido ng literatura at magasin nang patiuna at paglalaan ng sapat na teritoryo. Gayundin, ang lahat ay dapat na gawing paksa ito sa personal at pang-kongregasyong pananalangin.—1 Tim. 2:8.
7 Malalampasan ba natin ang 5,125 na nag-auxiliary payunir noong Marso at ang 13,984 noong nakaraang Abril? Yaong mga naglalaan ng dako para sa auxiliary na pagpapayunir sa taong ito ang siyang ganap na makasasagot. Kayo nawa ay maging isa na magagamit ni Jehova sa ganitong paraan sa mga dumarating na buwan.