Pagsasanay sa Ating mga Anak na Maglingkod kay Jehova
1 Samantalang kayo ay tumitingin sa palibot ng Kingdom Hall, pansinin ang mga kabataang lalaki at babae na may mainam na kontribusyon sa espiritu ng kongregasyon. Tayo ba ay nagpapasalamat na kanilang naaalaala ang kanilang Maylikha sa mga kaarawan ng kanilang kabataan? (Ecles. 12:1) Ang gayong huwarang mga kabataan ay resulta ng malaking pagsasanay at pagsisikap sa bahagi ng mga magulang. Ano ang nasasangkot sa pagsasanay sa mga anak sa wastong daan?—Kaw. 22:6.
2 Sabihin pa, ang bawa’t ulo ng pamilya ay dapat na magsaayos ng isang regular na pag-aaral ng pamilya kasama ng kaniyang mga anak. Ito ay isang bahagi ng paglalaan ng espirituwal sa ‘mga sariling kaniya.’ (1 Tim. 5:8) Subali’t maliwanag na higit pa ang kinakailangan upang “sanayin” ang ating mga anak kaysa linggu-linggong pag-aaral ng Bibliya. Naririyan ang araw-araw na pagkikintal ng mga simulain ng Bibliya at pagkakaroon ng pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang Anak. Ito ay nangangailangan ng malaking panahon at pagsisikap ng mga magulang. Bagaman ang panahong ito ay hindi binibilang na paglilingkod sa larangan, tunay na ito ay mahalaga sa pagkakaroon ng pagsang-ayon ng Diyos.—Deut. 6:6, 7; Efe. 6:4.
PAGLALAAN NG PANTANGING TULONG
3 May mga panahon na kakailanganin ng mga anak ang pantanging tulong dahilan sa mga kalagayan na bumabangon sa kanilang buhay. Kapag ang mahihirap na kalagayan at pagsubok ay bumangon sa paaralan, sa kapaligiran o maging sa kongregasyon, ang mga magulang ay dapat na magbigay sa kanilang mga anak ng espirituwal na patnubay at pagsasanay bilang karagdagan sa pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Sa pana-panahon ang pag-aaral ay kailangang iangkop sa partikular na suliranin. Halimbawa, papaano kung ang isang munting bata ay nagkakaroon ng mga suliranin sa pagsaludo sa bandila sa paaralan? May napakabuting materyal na magagamit ng mga magulang sa kabanata 34 ng Pakikinig sa Dakilang Guro, at sa kuwento 77 ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya o ang impormasyon sa mga pahina 12-16 ng School brochure. O ang problema ay maaaring tungkol sa mga kapistahan o pagdiriwang ng kapanganakan. Bakit hindi talakayin kasama nila ang kabanata 30 ng aklat na Dakilang Guro? Ang mga publikasyong ito ay pantanging nakatutulong sa pagtuturo at pag-alam kung ano ang nasa puso ng ating mga kabataan.—Kaw. 20:5.
4 Ang mga nakatatandang anak ay kadalasang naaakay sa palakasan sa paaralan. Kung ito’y nagiging isang suliranin, nanaisin ninyong gamitin ang materyal sa kabanata 16 ng aklat na Kabataan. May nakatutulong ding impormasyon sa mga pahina 22 at 23 ng School brochure. Mayroong mga pagsubok na nagsasangkot sa alkohol, droga at imoralidad. Kinuha na ba ninyo mga magulang ang hakbangin upang talakayin ang mga kabanata 14, 15 at 18 ng aklat na Kabataan sa inyong mga anak?
6 Tayong lahat ay nagnanais na ang ating mga anak ay magkaroon ng isang malapit na kaugnayan kay Jehova at maglingkod sa kaniya hanggang sa bagong sistema ng mga bagay. Lubusang gamitin ang mahahalagang pantulong na ito na inilaan ni Jehova sa pagsasanay sa ating mga anak. Kung gayon maging karanasan nawa ninyo na “pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.”—Kaw. 22:6.