“Patuloy Ninyong Gawin Ito . . . ”
1 Iniutos ni Jesus sa lahat ng mga Kristiyano na alalahanin ang kaniyang kamatayan. (Luk. 22:19) Ang taunang pagdiriwang na ito ay magsisilbing tagapagpaalaala hinggil sa dakilang hain na ginawa niya alang-alang sa buong sangkatauhan. Sa taong ito, ang bayan ni Jehova ay magdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa Lunes, Marso 24, pagkatapos lumubog ang araw. Gumagawa na ba kayo ng piano upang makadalo?
PAGHAHANDA
2 Ang patiunang paghahanda ay mahalaga. Ano ang nasasangkot dito? Ang mga indibiduwal at mga sambahayan ay dapat na magplano upang makadalong lahat. Kung ang ilan sa inyong sambahayan ay di kapananampalataya, marahil ay mapasisigla ninyo ang kanilang interes para sa mahalagang okasyong ito. Nakagawa na ba kayo ng plano para anyayahan ang mga bago pa lamang na nagkakainteres?
3 Dapat na asikasuhin ng mga matatanda ang iba’t ibang detalye na magpapangyaring magkaroon ng isang maayos na pagdiriwang ng Memoryal. Kailangang mag-atas ng mga attendants, karagdagang mga upuan, piling mga tagapagsilbi, mga gagamiting emblema at kasangkapan. Yamang mas malaki ang bilang ng dadalo kaysa pangkaraniwan, dapat na isaalang-alang ang plano ukol sa maayos na pagpasok at paglabas sa bulwagan, lalo na kung mahigit sa isang kongregasyon ang gumagamit ng gayunding Kingdom Hall. Gayundin, maging alisto para sa wastong bentilasyon.
4 Isinasaayos ng maraming kongregasyon na pintahan o kumpunihin ang Kingdom Hall bilang paghahanda sa Memoryal, upang ito’y makitang malinis ng mga panauhin. Kailangan bang bigyan ng pansin ang bagay na ito sa inyong kongregasyon habang maaga pa?
IBA PANG MGA BAGAY NA GAGAWIN
5 Nagbigay rin si Jesus ng mga utos hinggil sa mga gawain na kailangan nating patuloy na sundin. Ang isa sa pinakamahalaga sa mga ito ay ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mar. 13:10) Ang nagbibigay-buhay na gawaing ito ay dapat na isagawa nang may pagkaapurahan. Ang gawain natin sa panahong ito ay pambihira, na humihiling ng lalong malaking pananampalataya at sigasig. Tandaan, may isang araw na magiging huling araw natin sa matandang kaayusang ito. Ang buhay ngayon ay maikli at madaling lumilipas. Walang sinuman ang makatitiyak na buhay pa bukas. Mayroon lamang tayong limitadong panahon upang patunayan ang ating katapatan sa Diyos. (Tingnan ang Awit 39:5; Luk. 12:18-21.) Kaya angkop lamang na tanungin ang ating sarili: Nasisiyahan na ba ako sa aking nagawa ngayon? Mayroon na ba akong sapat na plano para sa Memoryal, upang ipakita kay Jehova at kay Jesu-Kristo na aking pinahahalagahan ang kanilang ginawa sa pagbubukas ng daan para sa buhay na walang hanggan? Maaari ko bang pasulungin pa ang aking pakikibahagi sa ministeryo sa larangan sa panahon ng Memoryal? May pananalangin ko bang naisaalang-alang ang paglilingkuran bilang auxiliary payunir sa Marso at Abril upang maisagawa ko ang lahat ng ipinag-utos ni Jesus?
6 Isang napapanahong paksa ang pinili para sa pantanging pahayag sa Linggo, Marso 9. Ito ay: “Ang Kawalang Kapanatagan ng Sanlibutan—Mayroon Bang Kalutasan?” Tiyakin ding anyayahan ang mga interesado sa pahayag na ito.
7 Ang pagkaalam na sumapit na tayo sa pangwakas na bahagi ng “mga huling araw” ng kasalukuyang sistemang ito ay dapat na magpakilos sa atin na gawin ang pambihirang paglilingkod. (2 Tim. 3:1) Ipakita natin ang ating pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng ating makakaya sa paglilingkod sa kaniya sa panahong ito ng Memoryal. Ang gayon ay hindi malilimutan ng ating makalangit na Ama.—Heb. 6:10.