Gamitin ang Kakayahang Magturo sa Ministeryo sa Bahay-Bahay
1 Si Jesus ay kadalasang tinutukoy na isang guro. (Mat. 8:19; 9:11) Sa kinasihang salaysay iniulat na “nangatilihan ang karamihan sa kaniyang aral,” at “siya’y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid-ligid.”—Mat. 7:28; Mar. 6:6.
2 Gayundin, ang mga apostol ay mga guro. Ayon sa kaugalian ni Pablo, siya ay ‘nangatuwiran sa kanila sa mga Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya’ kung ano ang itinuturo niya sa kanila. (Gawa 17:2, 3) Ano ang magagawa natin upang mapasulong ang ating kakayahang magturo sa ministeryo sa bahay-bahay?
MAKIBAGAY
3 Sa gawain sa bahay-bahay, tayo ay nakakasumpong ng mga tao na may iba’t ibang kalagayan at interes. Dapat nating ibagay ang ating pabalita sa bawa’t maybahay. Ano ang ginawa ni Jesus nang siya’y makipag-usap sa isang tao na “bihasa sa Kautusan” na nagtanong sa kaniya kung papaano siya magtatamo ng buhay na walang hanggan? Siya’y nagtanong: “Ano ang nasusulat sa kautusan? Ano ang nababasa mo?” (Luk. 10:25-28) Kinilala niya na ang taong iyon ay “bihasa sa Kautusan” at ang kaniyang sagot ay nagpapatunay dito.
4 Nang si Pablo ay nangaral sa Areopago, kinilala niya na siya’y nagsasalita sa mga Hentil na may kaunting kaalaman sa Kasulatan. Kaya ipinaliwanag niya ang mga bagay alinsunod doon. (Gawa 17:22-34) Gayundin, dapat nating isaalang-alang kung sino ang ating kausap. Kapag nakikipag-usap tayo sa isang kabataan, dapat nating ipaliwanag ang mga bagay sa paraang kaniyang maiintindihan. Kapag tayo ay makikipag-usap sa isang mambabasa ng Bibliya, kakailanganing ibagay natin ang ating pakikipag-usap gaya ng ginawa ni Jesus sa taong “bihasa sa Kautusan.” Ano pa ang ating magagawa upang maging mabisang mga guro sa ministeryo sa bahay-bahay?
MANGATUWIRAN SA MGA TAO
5 Ang mangatuwiran ay nangangahulugang magharap ng pabalita sa paraang makatutulong sa maybahay na makaunawa at sumang-ayon sa ating konklusyon. Ito’y nangangailangan ng lubusang pagpapaliwanag. Papaano natin magagawa ito?
6 Bawa’t maybahay ay may katuwirang magtanong kung bakit tayo ay dumalaw sa kaniya, bakit may pagkaapurahan ang ating pabalita, at bakit siya ay kailangang maniwala dito. Kaya tanungin ang inyong sarili ng ganito ring mga katanungan kapag naghahanda para sa paglilingkod sa larangan. Halimbawa, ang ating kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan ay “Napapaharap ba Tayo sa Armagedon?” Maaari nating tanungin ang ating sarili: Bakit tayo nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa paksang ito? Bakit pangyayarihin ng Diyos ang digmaang ito? Bakit ako naniniwala sa aklat ng Apocalipsis?
7 Minsang malaman natin ang mga kasagutan sa mga katanungang ito, nanaisin nating maipaliwanag ang mga bagay-bagay sa paraang mauunawaan ng maybahay. Tandaan, ginamit ni Pablo ang mga “reperensiya” upang ipaliwanag ang mga Kasulatan.—Gawa 17:3.
8 Ang mga ilustrasyon at mga tanong ay lubhang nakatutulong. Pinag-iisip nito ang mga tao at tinutulungang magkaroon ng pagpapahalaga mula sa puso. Habang ating binabasa ang mga Kasulatan, bigyan ng wastong pagdiriin ang mga susing salita. Tungkol dito, ang Giya sa Paaralan ay nagbibigay ng mga mungkahi sa mga araling 10, 15, 25, 31, at 34. Isagawa ito habang nakikibahagi kayo sa ministeryo sa bahay-bahay.
9 Ang pagkakaroon ng pananagutan sa pagtuturo ng lahat ng mga bagay na iniutos ni Jesus ay dapat na magpakilos sa atin na ‘mag-ingat tayo sa ating turo.’ (1 Tim. 4:16) Ang pagkatuto kung papaano magtuturo ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap sa ating bahagi. Sinabi ni Pablo kay Timoteo na yaong mga “nangagpapagal sa salita at pagtuturo” ay “may karapatan sa ibayong kapurihan.” (1 Tim. 5:17) Huwag kayong mag-atubili na hilingin ang tulong ng mga matatanda at iba pang kuwalipikadong mga mamamahayag. Palagiang manalangin na pagpalain ni Jehova tayo samantalang patuloy na ‘magsisikap sa ating pagtuturo.’—1 Tim. 4:13.