Paghaharap ng Mabuting Balita—Na May Mahusay na Paraan ng Pagtuturo
1 Ang pagtuturo ay isang mahalagang tunguhin ng mga Kristiyano. (Mat. 28:19, 20) Laging nagturo ang mga apostol. (Gawa 5:42; 18:11; 20:20) Nais nating tularan ang mainam na halimbawa ng mga tagapagturong ito ng mabuting balita.—1 Cor. 11:1.
2 Dalawa sa mahusay na mga paraan ng pagtuturo na ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay: (1) ang paggamit ng mga tanong, at (2) ang pagdiriin ng espisipikong mga punto kapag bumabasa ng kasulatan. Papaano natin magagamit ang pamamaraang ito sa bahay-bahay at sa mga pag-aaral sa Bibliya?
SA BAHAY-BAHAY
3 Makabubuting alamin ang pangmalas ng maybahay upang ang ating presentasyon ay maibagay sa kaniya mismong mga pangangailangan. Makakatulong dito ang angkop na mga tanong. Ang totoo, ang mga tanong na humihiling ng komento mula sa maybahay ay nakaakit sa ilan na makinig sa ating sinasabi.
4 Nguni’t paano natin malalaman kung ano ang mabuting itatanong? Makabubuti kung gagamitin natin ang ilang minuto upang isaalang-alang ang uri ng mga tao sa ating teritoryo, ang kanilang mga kuru-kuro at ang mga bagay na ikinababahala nila. Saka mag-isip ng mga tanong na maaaring ibangon upang akitin sila na makipag-usap.—Tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 51-2.
5 Mahalaga rin ang paraan ng pagbasa natin ng mga teksto sa bahay-bahay. Gusto nating matandaan ng mga tagapakinig ang espisipikong punto na ating itinuturo. Upang magawa ito, kailangang gumamit tayo ng wastong pagdiriin at idiin ang espisipikong mga salita. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbasa sa susing mga salita nang may higit na tindi o lakas ng tinig, o kaya’y sa pagtawag ng pansin sa kung ano ang susunod nating babasahin. Gayon din, pagkatapos basahin ang teksto, baka naisin nating ulitin ang susing mga salita upang bigyan ng karagdagang pagdiriin ang isang punto.—Tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 126-7.
SA MGA PAG-AARAL SA BIBLIYA
6 Mahalaga ang paggamit ng mga tanong sa mga pag-aaral sa Bibliya. Papag-iisipin ng mga ito ang estudyante at tutulong sa kaniyang kumuha ng lalong malinaw na pagkaunawa. Kaya, maaaring ibangon ang ilang karagdagang tanong na wala sa publikasyon. Sa pahina 51 ng Giya sa Paaralan may mga nakatutulong na mungkahi na maaari ninyong repasuhin sa tuwi-tuwina.
7 Napakahalaga na gamiting mabuti ang Bibliya. Bagama’t ang ilang teksto ay sinipi sa mga publikasyon, kung minsan ay kapakipakinabang kung ang mga ito’y ipababasa sa estudyante mula mismo sa Bibliya. Tiyaking naididiing mabuti ang susing mga salita upang pahalagahan ng estudyante kung bakit sinipi ang teksto at mauunawaan niya kung paano ito kumakapit.
8 Nawa’y ang mabisang paggamit natin ng mga tanong at ng wastong pagdiriin sa pagbasa ng mga kasulatan ay tumulong sa ating magturo nang may kabihasahan at gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19.