Paghahanda at Pagdaraos ng mga Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya
1 Si Jesus ay nagbigay ng tagubilin sa kaniyang mga alagad na mangaral ng mabuting balita at “gumawa ng mga alagad.” (Mat. 24:14; 28:19, 20) Ang pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay napakabisang paraan ng paggawa ng mga alagad. Yamang ang mahalagang gawaing ito ay bahagi ng ating pagsamba, dapat tayong magsikap na gawin ang ating makakaya upang maghanda at magdaos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
PAGHAHANDA PARA SA PAG-AARAL
2 Ang paghahanda upang magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya ay humihiling hindi lamang ng basta pagbabasa ng leksiyon at paghanap ng binanggit na mga kasulatan. Upang abutin ang puso ng ating mga estudiyante sa Bibliya, kailangang iharap ang materyal sa paraang magpapakilos sa kanila.
3 Una, dapat na nauunawaan nating mabuti ang materyal. Kailangan nating malaman kung papaanong ang lahat ng mga kasulatan ay kumakapit sa mga parapo at sa estudiyante ng Bibliya. Ang pagsasalungguhit sa mga susing salita at mga parirala ay tumutulong sa atin na makatanda. Dapat nating ibukod ang mga pangunahing ideya ng leksiyon at isipin kung papaano itatawid ito sa estudiyante. Karagdagan pa, dapat na isaalang-alang ang nalalaman ng estudiyante sa Kasulatan, mga suliraning taglay niya, dako na doo’y kailangang pasulungin niya ang Kristiyanong personalidad, at iba pa. Maaari nating itanong: ‘Papaanong ang materyal at ang mga kasulatan sa aralin ay maaaring gamitin sa pagtulong sa kaniya na sumulong?’ May mga panahon na kailangan ang karagdagang pagsasaliksik. May pangangailangan upang maingat na maghanda upang talagang makinabang ang estudiyante.
4 Ang panalangin kay Jehova ay isang mahalagang bahagi ng paghahanda para sa isang pag-aaral sa Bibliya. Maging espesipiko sa pananalangin tungkol sa tao at sa kaniyang mga pangangailangan. Hilingin kay Jehova na tulungan kayo na abutin ang kaniyang puso.—1 Cor. 3:6.
PAGDARAOS NG PAG-AARAL
5 Tayo ay nangangailangang magsikap upang matulungan ang isang tao na tanggapin ang katotohanan. Ang pagsaklaw lamang sa pinag-aaralang materyal ay tutulong sa tao na magkaroon ng kaalaman, subali’t kaniya bang pinaniniwalaan ang kaniyang natututuhan? Tulungan ang estudiyante na kaniyang makita kung papaanong ang materyal ay makakaapekto sa kaniya nang personal at ano ang dapat niyang gawin sa kaniyang natututuhan.—Col. 3:10.
6 Iwasan na ang pagtalakay ay magtungo sa mga paksa na walang tuwirang kaugnayan sa materyal na isinasaalang-alang. Ang mga ito ay maaaring pag-usapan pagkatapos ng pag-aaral o sa ibang pagkakataon. Mahalaga din na ang estudiyante ay sumagot sa sariling pangungusap sa halip na basahin lamang ang aklat. Ito ay makatutulong sa inyo na malaman kung nauunawaan niya ang materyal o hindi.
7 Idinidiin ng isang mabuting guro ang mga susing punto upang hindi makaligtaan ang mga ito. Ginawa ito ni Jesus taglay ang mga katanungan na umaakay upang makuha ang talagang punto. (Mat. 16:13-16; 17:2427) Ang mga katanungan ay hindi lamang tumutulong sa inyo na matiyak kung naiintindihan ng estudiyante kundi ipinakikita din kung ano ang nasa puso niya. Si Jesus ay gumamit ng payak na ilustrasyon upang tulungan ang kaniyang mga tagapakinig na mag-isip hinggil sa kaniyang sinasabi.—Mat. 13:31-33; 24:32, 33.
8 Tiyaking ilakip ang mga susing kasulatan sa inyong repaso sa katapusan ng pag-aaral. Gumamit ng mga katanungan na magpapangyaring makita ninyo kung ano ang nadarama ng estudiyante hinggil sa kaniyang natututuhan at nagpapakita kung papaano niya maikakapit ang kaniyang natututuhan. Sa pagpapasimula ng inyong susunod na pag-aaral, sa maikli ay repasuhing muli ang mga pangunahing punto.
9 Sinasanay natin ang mga tao na maging mga lingkod ni Jehova. Ito ay isang pribilehiyo at maselang na pananagutan. Maaari ba kayong makapagdaos ng higit pang mga pag-aaral sa Bibliya upang makagawa ng higit pang mga alagad? Maaari ba ninyong mapasulong ang kaurian ng inyong pagtuturo sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Dapat nating gawin ang pinakamabuti kapag naghahanda at nagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.—1 Tim. 4:15, 16.