Mga Kabataan, Purihin ang Pangalan ni Jehova
1 Sa kaniyang ikalawang misyonerong paglalakbay nasumpungan ni Pablo si Timoteo na “may mabuting patotoo ng mga kapatid na nangasa Listra at Iconio.” Kaniyang inanyayahan si Timoteo na sumama sa kaniya sa gawaing misyonero. (Gawa 16:1-3) Mga ilang taon ang lumipas si Pablo ay sumulat tungkol kay Timoteo, “Sapagka’t walang taong katulad niya ang pag-iisip na magmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan.” (Fil. 2:20) Ang Bibliya ay nagsasabi rin tungkol kay Samuel na nang siya’y bata pa ay naging kalugod-lugod kapuwa sa mga tao at kay Jehova. (1 Sam. 2:26) Nanaisin din ng mga kabataan sa ngayon na magkaroon ng nakakatulad na ulat hinggil sa kanila.
2 Kapuwa sina Samuel at Timoteo ay nakinabang sa maka-diyos na pagsasanay sa kanila ng naaalay nilang mga magulang. (1 Sam. 1:26-28; 2 Tim. 3:15) Gayundin sa ngayon, ang isang kabataan ay kailangang makinig sa payo at pagsasanay ng kaniyang Kristiyanong mga magulang upang magkaroon ng isang mabuting kaugnayan kay Jehova.—Kaw. 6:20; Efe. 6:1-4.
PAGTATAMO NG TULONG
3 Sina Samuel at Timoteo ay nakatanggap din ng espirituwal na pampatibay-loob mula sa mga matatanda at sa iba pa. Marami sa ating mga ministeryal na lingkod ay mga kabataan na may maiinam na pagsulong. Bakit hindi gumawang kasama nila sa ministeryo sa larangan? Ang paghiling ng tulong mula sa mga kapatid na ito ay magpapangyaring makagawa kayo ng pagsulong sa espirituwal.—1 Tim. 4:15.
4 Ang inyong mga magulang, mga matatanda at mga ministeryal na lingkod ay interesado sa inyong espirituwal na pagsulong. Ang inyong taimtim na pagtugon sa kanilang tulong ay magpapangyari sa inyo na purihin ang pangalan ni Jehova.
MAKA-KASULATANG PRESENTASYON
5 Ang bagong Paksang Mapag-uusapan sa buwang ito ay madaling magagamit ng mga kabataang mamamahayag. Magkaroon ng positibong saloobin. Maaari ninyong gamitin ang sumusunod na presentasyon o ng nakakatulad nito.
6 Pagkatapos na batiin ang maybahay, magtanong: “Kayo ba’y naniniwala na may maluwalhating kinabukasan para sa sangkatauhan?” Ang tugon man ay positibo o negatibo, maaari ninyong sabihin, “Ang Bibliya ay nagpapakita na ang sangkatauhan ay may isang maluwalhating kinabukasan taglay ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa kapayapaan.” Pagkatapos ay basahin ang Awit 37:29, 37. Maaari kayong magkomento nang maikli sa mga talatang ito at pagkatapos ay magsabi, “Ang awit ding ito ay nagsasabi kung papaano maaaring mapagtagumpayan ang kasalukuyang mapanganib na panahong ito at upang makapagtiwala ukol sa isang maluwalhating kinabukasan.” Ngayon ay basahin ang talatang 39. Buksan ang aklat na Mabuhay Magpakailanman at ipakita ang pagkakaiba ng pahina 9 at ng maligayang kalagayang inilalarawan sa mga pahina 11-13. Pagkatapos ay ialok ang aklat. Kaya sa pamamagitan lamang ng kaunting pagsisikap at paghahanda sa inyong bahagi, kayo ay makapagbibigay ng isang mabisang presentasyon.
7 Kayong mga kabataan na naakay sa daan ng katotohanan ay pinagpala. Maaari ninyong gamitin ang inyong buong buhay sa pagpuri sa pangalan ni Jehova kung talagang nais ninyong gawin iyon. Kaya gawin ninyong tunguhin na paglingkuran si Jehova sa lahat ng inyong mga araw.