Patuloy na Magpatibayan sa Isa’t Isa
1 Si Pablo ay nagsabi sa atin, “Patuloy na . . . magpatibayan sa isa’t isa, gaya ng inyong ginagawa.” (1 Tes. 5:5-11) Bakit? Tayo ay nabubuhay sa panahon na ang biglang pagkawasak ay darating sa kasalukuyang balakyot na sistemang ito. Kaya may mabuting dahilan tayong magpatibayan sa isa’t isa. Papaano natin gagawin ito?
SA PAKIKIBAHAGI SA PAGLILINGKOD SA LARANGAN
2 Ang isang paraan ay ang paggawang kasama ng iba’t ibang kapatid sa paglilingkod sa larangan. Kailangang magkakilala ang bawa’t isa sa atin. Maaari tayong magbigayan ng nakapagpapatibay na mga karanasan. Gayundin maaari tayong magkatulungan sa pagganap ng ministeryo. Sa ganitong paraan tayo ay makagagawa ng mga alagad at makapagpapatibay sa ating mga kapatid. (Mal. 3:16; Mat. 28:19, 20) Bakit hindi isaayos ngayon na gumawang kasama niyaong hindi pa ninyo nakakasama sa nakaraang mga araw?
3 Kapag dumadalaw sa ibang kongregasyon sa ibang bayan o lunsod, bakit hindi magplano na dumalo sa lokal na kongregasyon at makibahagi sa paglilingkod sa larangan habang naroroon? Pahahalagahan ng mga kapatid ang inyong pakikipagsamahan at kayo’y mapatitibay rin. Sa ganitong paraan ang ating pagdalaw ay hindi lamang nakasisiya sa atin sa paraang espirituwal kundi nakapagpapatibay rin sa mga dinadalaw natin.
SA PAMAMAGITAN NG HALIMBAWA
4 Kinilala ng apostol Pablo na ang kaniyang mabuting halimbawa ay nakaimpluwensiya sa iba at naging sanhi ng ikatitibay ng kaniyang mga kapatid. (Fil. 1:13, 14) Kapag tayo ay nagbigay ng mabuting halimbawa, kahit na sa maliliit na bagay, ito ay may gayunding epekto. Halimbawa, palagian ba kayong nakikipagtipon sa grupo kapag nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan? Kayo ba ay handang-handa, na binasa ang mga publikasyong iaalok? Ang pagsasagawa nito ay nagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba at magpapasulong ng inyong sariling presentasyon.
BAGUHAN, DI PALAGIAN, AT DI AKTIBO
5 Maraming baguhan at ilang naging di aktibo ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal noong Abril. Ang mga ito ay nangangailangan ng personal na tulong at pampatibay-loob upang makisama nang palagian upang sila’y magtamo ng kinakailangang espirituwal na kalakasan.—Heb. 10:24, 25.
6 Ano naman ang tungkol sa iba na naging di palagian sa paglilingkod o madalas na hindi nakadadalo? Sila kaya’y nasisiraan ng loob dahilan sa mga suliranin na kanilang nararanasan? Maaari bang anyayahan ninyo sila na gumawang kasama ninyo sa ministeryo o sumama sa inyo sa isang pag-aaral ng Bibliya? Kadalasan, ang isang mabait at maunawaing pangungusap sa wastong panahon ay magpapatibay doon sa nasisiraan ng loob.—Kaw. 25:11.
7 Habang tayo ay nagsisikap na mapanatili ang ating espirituwal na baluti at makatulong sa ating mga kapatid na gawin din ang gayon, tayo ay makasusunod sa payo ng apostol na “tulungan yaong mga mahihina” at mararanasan ang katuparan ng mga salita ni Jesus na “lalo pang maligaya ang magbigay kay sa tumanggap.”—Gawa 20:35.