Pagtuturo Kapag Nakakasumpong ng mga Pagtutol
1 Ang pagtuturo sa ministeryo sa bahay-bahay ay naghaharap ng isang hamon. Hindi inaasahan ng mga tao ang ating pagdalaw anupa’t ang ilan ay magsisikap na umiwas sa anumang pag-uusap upang karakarakang ipagpatuloy kung ano ang kanilang ginagawa. Subali’t ang mga pambungad na maingat na inihanda ay maaaring pumukaw ng interes sa pabalita at maaari ding makatulong upang mapagtagumpayan ang mga pagtutol.
2 Napansin ba ninyo na sa maraming teritoryo ay kadalasang may dalawa o tatlong pangkaraniwang pagtutol ang mga maybahay? Kailangan nating maghandang maingat at harapin ang mga ito nang may kabaitan at mataktika kung tayo ay mabisang mga guro. (Eclesiastes 12:10) Hangga’t maaari tayo ay kailangang mag-iwan ng isang mahalagang kaisipan hinggil sa Kaharian.
ISANG POSITIBONG PAGLAPIT
3 Ang pagkakaroon ng isang positibong pangmalas sa mga pagtutol ay tutulong sa atin na makapagturo. Ang pagtutol ay kadalasang tumutulong sa atin na malaman kung ano ang iniisip ng maybahay. Sa katunayan, maaaring ito ang siyang maging saligan ng inyong pag-uusap. Sikaping humanap ng ilang punto na pagkakasunduan. Pagkatapos ay baguhin ayon doon ang inyong presentasyon.
4 Bilang halimbawa, kapag sinabi ng tao na siya’y isang Katoliko, maaari ninyong sabihin: “Kung gayon walang pagsalang kayo ay nananalangin ng ‘Ama Namin’ nang malimit. (Mat. 6:9-13) Kami man ay nananalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos at gawin ang kalooban ng Diyos kung papaano sa langit ay gayundin sa lupa. Naisip na ba ninyo kung ano nga ang Kaharian ng Diyos at kung papaano nito pangyayarihin ang kalooban ng Diyos sa lupa?” Ang ganitong usapan ay maaaring umakay sa paghaharap ng aklat na Mabuhay Magpakailanman.
5 Papaano kayo tutugon kapag sinabi ng isang tao: “Mayroon na akong sariling relihiyon”? Maipakikita ninyo ang inyong interes sa kaniya sa pamamagitan ng pagtatanong gaya ng: “Ano ang inyong relihiyon?” Pagkatapos ay maaari ninyong itanong, “Saan ang inyong simbahan?” Ngayon na nakikita ng tao na kayo ay nakikinig sa kaniya, maaari ninyong sabihin: “Nalulugod akong malaman iyon” at kung gayon ay mapasisimulan na ninyo ang inyong presentasyon sa bagay na mapagkakasunduan gaya ng mga kalagayan sa daigdig. Maaari ninyong sabihin: “Walang alinlangan na nagnanais kayo ng kapayapaan sa lupa. Sa palagay kaya ninyo ay darating ang gayong panahon? Kung gayon, papaano?” Pagkatapos ay magpatuloy kayo sa alok, na nakikibagay sa tugon ng maybahay.
6 Kapag abala ang isang tao, pinakamainam na huwag magtagal at isaayos na dumalaw sa susunod. Maaari ninyong sabihin: “Pinahahalagahan ko na mabatid ang gayon, kaya sa halip na makuha ko ang inyong panahon nais kong mag-iwan sa inyo ng nakalimbag na pabalita. Nais ko sanang ipakipag-usap sa inyo ang tungkol sa [Ibigay ang pamagat ng artikulo sa magasin]. Subali’t ito ay mababasa ninyo sa inyong kumbiniyenteng panahon. Ang dalawang magasin ay sa ₱4.00 lamang.”
UNAHAN ANG MGA PAGTUTOL
7 Kung minsan ang mga pagtutol ay maaaring unahan. Halimbawa, kapag ang isang tao ay abala, sinasabi ng ilang mamamahayag na, “Ako ay dumadalaw sa mga abalang tao” at pagkatapos ay nagpapatuloy sa maikling presentasyon.
8 Upang maging mabisang mga guro sa ministeryo sa bahay-bahay, kailangang maingat nating pag-isipan kung papaano pakikitunguhan ang mga pagtutol na maaaring bumangon. Sa pamamagitan ng paghahanda upang maging mabibisang mga guro, kahit na sa pagharap sa mga pagtutol, ating naipamamalas ang ating pagsunod sa utos ni Jesus at ang ating taimtim na interes sa mga tao sa ating teritoryo.—Ezek. 3:17-19.