Nagdudulot ng Kagalakan ang Patiunang Paghahanda
1 Ang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay nagdudulot sa atin ng malaking kagalakan. (Awit 89:15, 16) Sabihin pa, ang paghahanda ay isang susi sa pagkakaroon ng lubos na kagalakan. Habang naghahanda tayong mabuti, higit na malaki ang ating nagagawa, at habang marami tayong nagagawa, lalong lumalaki ang ating kagalakan.
2 Gamitin ang Inilaang mga Kasangkapan: Simulan ang inyong paghahanda sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusuri sa materyal sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Ito’y kadalasang naglalaan ng mga presentasyon na pinag-isipang mabuti at dinisenyo upang tulungan kayong maiharap ang mensahe ng Kaharian sa mas madali at mas mabisang paraan. Kayo’y makasusumpong ng mga halimbawa kung paano mapananagumpayan ang karaniwang mga pagtutol. Nagbibigay ito ng espesipikong mga ideya kung paano gagawa ng mabisang pagdalaw-muli, taglay ang tunguhing makapagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Malaya ninyong maikakapit ang mga mungkahing ito hanggang sa maging bihasa kayo sa paggamit ng mga ito. Bukod dito, taglay ninyo ang aklat na Nangangatuwiran, na nagbibigay sa inyo ng iba’t ibang pambungad gayundin ng mga sagot sa mga pagtutol, anupat natutulungan kayong maging mas mabisa sa maraming kalagayang nasusumpungan ninyo.
3 Tingnan ang publikasyong inyong iaalok, at piliin ang isa o dalawang kapana-panabik na punto na maipapakita ninyo sa maybahay. Ang nakatatawag-pansing balita na inyong narinig o nabasa ay maaaring gamitin ninyo upang simulan ang pag-uusap. Pag-isipan ang karaniwang mga pagtutol na maaaring mapaharap sa inyo, at ihanda ang kaisipan kung paano ninyo ito sasagutin. Pagkatapos ay gumugol ng ilang minuto upang ensayuhin kung ano ang inyong sasabihin sa pintuan.
4 Daluhan ang Bawat Pulong sa Paglilingkod: Makinig nang mabuti sa Pulong sa Paglilingkod kapag tinatalakay, nirerepaso, at itinatanghal ang mga mungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Pansinin ang mga ideya na sa palagay ninyo ay maaaring ilakip sa inyong presentasyon. Repasuhin ang ilan sa karaniwang mga kalagayan na napaharap sa inyo sa ministeryo, at umisip ng mga paraan kung paano kayo makapagpapatotoo nang mas mabisa. Ipakipag-usap ang mga bagay na ito sa ibang mga mamamahayag bago at pagkatapos ng pulong.
5 Kayo’y makatitiyak na kung kayo’y ‘handa para sa bawat gawang mabuti,’ kayo’y magkakaroon ng higit na kagalakan at tagumpay sa pagtulong sa iba na masumpungan ang daan tungo sa buhay.—2 Tim. 2:21.