Pagpapamalas ng Espirituwal na Paglaki sa Pamamagitan ng Pakikibahagi sa mga Pulong
1 Ang espirituwal na paglaki ay isang kanais-nais na tunguhin para sa mga lingkod ni Jehova. Si Pablo ay sumulat: “Sa pagsasalita ng katotohanan na may pag-ibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, samakatuwid baga’y si Kristo.” (Efe. 4:15) Papaano kung gayon natatamo ang espirituwal na paglaki? Binanggit ni Pablo ang dalawang bagay, “pagsasalita ng katotohanan” at sa pamamagitan ng “pag-ibig.” Ano pa ang kailangan?
2 Higit pa kaysa paniniwala lamang ang kailangan, yamang si Pablo ay sumulat na “ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.” (Roma 10:10) Kayo ba ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa ikaliligtas sa mga pulong? Mapasusulong pa ba ninyo ang inyong pakikibahagi? Hindi ba ninyo nasusumpungan na kayo ay higit na nakikinabang kapag kayo ay nakikibahagi sa mga pulong?
PATIUNANG PAGHAHANDA
3 Ang patiunang paghahanda ay tutulong sa inyo na magkaroon ng tibay-loob upang magsalita. Maghanda ng ilang komento sa iba’t ibang parapo. Markahan ang mga susing salita at gumawa ng maikling nota sa gilid kung kinakailangan.
4 Sa inyong pag-aaral, pansinin ang mga binanggit na kasulatan na maaaring basahin o buurin at ikapit sa materyal. Isaalang-alang kung papaanong ang ilang punto ay kumakapit sa ating personal na buhay o sa ating ministeryo.
SA PANAHON NG PULONG
5 Tandaan, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ang iba ay nasisiyahan at nakikinabang sa inyong mga komento. Ang ilan ay natulungan na magpasimulang magkomento sa pamamagitan ng pagsasabi sa konduktor nang patiuna kung aling parapo ang inihanda nilang komentuhan.
6 Ang unang komento sa parapo sa isang katanungan ay dapat na maikli at tuwiran sa punto. Sikaping magkomento sa inyong sariling pananalita, sa halip na basahin lamang sa publikasyon. Ito ay magpapalaki sa inyong unawa at makatutulong sa inyong espirituwal na paglaki.
MAKATUTULONG ANG MGA KONDUKTOR
7 Malaki ang magagawa ng mga konduktor upang magpasigla sa higit na pakikibahagi sa mga pulong. Ang pagbibigay ng personal na pampasigla sa mga bihirang nagkokomento ay maaaring makatulong nang malaki. Kailangang mapanatili ng konduktor na maikli ang sariling komento at magtanong ng mga umaakay na katanungan kapag kailangang mapalitaw ang karagdagang mga punto.
8 Purihin nawa nating lahat si Jehova sa Kristiyanong kongregasyon sa pamamagitan ng palagiang pakikibahagi, na magpapamalas sa ating espirituwal na paglaki at magpatibayan sa isa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa.—Awit 35:18; Heb. 10:24, 25.