Paghaharap ng Mabuting Balita—Na Ginagamit ang Aklat na Reasoning
1 Ang bawa’t isa sa atin ay nagnanais na ‘gamiting matuwid ang salita ng katotohanan.’ (2 Tim. 2:15) Ang Salitang iyon ay “ang tabak ng espiritu,” na taglay ng bayan ni Jehova na gumigiba ng mga maling haka. (Efe. 6:17; 2 Cor. 10:4, 5) Sa ating pagsisikap na tulungan ang mga tao, taglay natin ang isang napakahalagang kasangkapan sa pamamagitan ng aklat na Reasoning!
2 Taglay natin ang maraming pagkakataon na gamitin ang mga mungkahi sa aklat na Reasoning. Hindi lamang ito nagtataglay ng maiinam na pambungad sa mga pahina 9-15, kundi sa sumusunod na mga pahina ay may mga mungkahi na tutulong sa atin na sagutin ang mga taimtim na katanungan at harapin ang mga pagtutol. Alin sa mga ito ang nasumpungan ninyong nakatutulong upang maipagpatuloy ang pag-uusap hinggil sa hinaharap?
3 Ang ating kasalukuyang Paksang Mapag-uusapan ay maaaring magbangon ng katanungan mula sa maybahay. Maaari ninyong ipagpatuloy ang pag-uusap sa pamamagitan ng paggamit ng mga punto sa aklat na Reasoning sa ilalim ng mga paksang “Armageddon,” “Government,” “Kingdom,” “Last Days.” O kung may magsabing, “Ang mga bagay na ito ay hindi mangyayari sa buong buhay ko,” bumaling sa pahina 233, na nagsasabing: “Nguni’t may panahong ito’y mangyayari, hindi ba? . . . Mayroon bang makakaalam na ang kaniyang lahi ang makakakita nito? Ang mismong mga apostol ni Jesus ay nagnanais malaman ito, at ang kaniyang kasagutan sa kanila ay napakahalaga sa atin sa panahong ito.” (Luk. 21:29-32) O nanaisin ninyong gamitin ang impormasyon sa pahina 234 o pahina 242. Ang inyong kasiyasiyang kasagutan ay maaaring magbukas ng daan para sa isang pagdalaw-muli.
4 Ang ilang tao ay maaaring magpahayag ng pag-aalinlangan kung baga ang Diyos ay gagawa ng anumang pagbabago. Makapangangatuwiran tayo sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga punto sa ilalim ng “Wickedness” sa mga pahina 430 at 431. Pagkatapos ay ibaling ang kanilang pansin sa Kabanata 6 ng bagong aklat na True Peace and Security na pinamagatang “What Has God Been Doing?” Basahin ang parapo 1, pagkatapos ay bumaling sa Kabanata 7 na tumatalakay sa katanungang, “When Will the Foretold Destruction Come?” Ang kabanatang ito ay tumatalakay sa limang mga patotoo na tayo ay nabubuhay sa panahon na kikilos ang Diyos upang tuparin ang kaniyang mga layunin.
5 Tinatamasa ng mga gumagamit ng aklat na Reasoning ang magagandang karanasan. Habang gumagawa sa lansangan, ang isang kapatid ay nakipag-usap sa isang dumaraan. Nagbangon ng mga katanungan ang tao, ang ilan ay sa paraang umaakay sa pagtatalo. Pagkatapos na sagutin ang ilang katanungan ng tao, nagpasiya ang kapatid na gamitin ang aklat na Reasoning. Basta’t binasa niya ang angkop na mga punto, na paminsan-minsa’y sinasabing “Di ba’t kapanapanabik ito?” Ang saloobin ng tao ay karakarakang nagbago. Ito’y dahilan sa nakita niyang nakasulat ang mga katunayan. Bago umalis, itinanong pa niya kung saan idinadaos ang ating mga pulong. Ang lahat ng ito ay naganap sa isang mataong lansangan.
6 Ang paggamit natin ng aklat na Reasoning ay maaaring magbunga sa gayon ding paraan. Alamin ninyo ang nilalaman nito. Gamitin ito sa larangan. Pagsikapang maging ‘handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo.’—1 Ped. 3:15.