Kapayapaan at Katiwasayan—Isang Mapananaligang Pag-asa
1 Hangad ng karamihan ng mga tao ngayon ang kapayapaan at katiwasayan. Nguni’t ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay hindi natatamo sa sanlibutang ito. Angaw-angaw ay nakatira sa mga dakong winasak ng digmaan. Ang iba’y namumuhay sa takot dahil sa mga terorista o mga gerilya. Marami ang natatakot lumabas kung gabi dahil sa krimen sa mga lansangan.
2 Noong nakaraang taon nang ialok natin ang aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan, marami ang naipamahagi sa mga tao. Oo, mahusay ang pagtanggap ng mga tao sa pabalita ng kapayapaan. Bilang Kristiyano ating sinusunod ang utos ni Jesus: “Sa alin mang bahay na inyong pasukin ay sabihin ninyo muna, ‘Kapayapaan nawa sa bahay na ito.’ At kung mayroon doong kaibigan ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa’y mananatili sa kaniya. Datapuwa’t kung wala, ay babalik ito sa inyong muli.” (Luk. 10:5, 6) Bilang mga kinatawan ng Diyos ng kapayapaan, ating nilalapitan ang mga tao sa mapayapang paraan.
HALIMBAWA BILANG MGA TAGAPAGTAGUYOD NG KAPAYAPAAN
3 Maliwanag na ang bayan ni Jehova ay nararapat na mamuhay nang mapayapa sa kanilang komunidad at sa kongregasyon upang mairekumenda nila ang kanilang mapayapang pabalita. Dapat maging halimbawa tayo bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan. Sinabi ni Pedro na ang mga Kristiyano ay dapat “masumpungan niyang walang dungis at walang kapintasan at nasa kapayapaan.” (2 Ped. 3:14) Papaano natin magagawa ito?
4 Una, iniingatan natin ang ating mapayapang ugnayan kay Jehova, ang Diyos ng kapayapaan. Kinikilala natin ang kaniyang autoridad, at sinusunod ang kaniyang mga utos. (Awit 34:14) Ang kapayapaan, isang bunga ng kaniyang espiritu, ay dapat mamalas sa ating pamumuhay.—Gal. 5:22.
5 Ang ating halimbawa bilang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan ay nagsasangkot din ng paggalang sa mga taong nasa autoridad. Kasama na rito ang mga tagapamahala, guro, may patrabaho, magulang, at matatanda. (Roma 13:1, 2; Col. 3:22; Efe. 6:1; Heb. 13:17) Sa pamamagitan ng pamumuhay nang mapayapa at tahimik ating pinalalamutihan ang ating pabalita. Ipinakikita natin na gusto nating “sundin ang mga bagay na makapapayapa at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Para sa atin, ang kapayapaan at katiwasayan sa isang bagong sanlibutan ay isang tiyak na pag-asa.
ANG KASALUKUYANG ALOK AY NAGTATAGUYOD NG KAPAYAPAAN
6 Sa Nobyembre ating ibabahagi ang ating pag-asa sa pag-aalok ng aklat na Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan kasama ng New World Translation. Yamang ang kapayapaan at katiwasayan ay nasa isipan ng mga tao sa ngayon, ang alok na ito ay napapanahon.
7 Ang unang dalawang kabanata ng aklat ay naglalaman ng napakainam na mga punto na maaaring pag-usapan. Nanaisin ninyong basahin ang unang dalawang parapo sa pahina 5. O kaya puwede ninyong gamitin ang parapo 11 sa pahina 8, na doon ang tiyak na mga pangako ng Diyos ay inihambing sa mga pangako ng mga pinunong tao. Tingnan din ang mga parapo 28 at 29 sa pahina 20 at 21. Tiyaking balikan ang lahat na nagpapakita ng interes, sa layuning magbukas ng pag-aaral sa Bibliya.
8 Patuloy nating sabihin sa mga tao ang talagang mapananaligang pag-asa na tinitiyak sa atin ni Jehova, ang Diyos ng kapayapaan, na itinuturo sa kanila kung papaano ito isasagawa ng Kaharian sa kamay ng Prinsipe ng Kapayapaan. (Isa. 9:6, 7) Nawa’y ang ating halimbawa ng mapayapang pamumuhay ay magrekumenda sa atin bilang mga “naghahanap ng kapayapaan at nagtataguyod nito.”—1 Ped. 3:10, 11.