‘Humayo at Gumawa ng mga Alagad!’—Ginagawa ba Ninyo?
1 Ang isa sa pinakadakilang kagalakang maaari ninyong tamasahin bilang isang mamamahayag ng Kaharian ay ang tumulong sa iba na magtamo ng tumpak na kaalaman ng katotohanan. Lubos na nababatid natin na habang tayo ay nakikibahagi sa pagtatanim at pagdidilig, si Jehova ang nagpapalago nito. Gayumpaman, anong kasiyahan ang magkaroon ng bahagi sa pag-akay sa tapat-pusong mga tao tungo sa landas ng buhay!—1 Cor. 3:6-9.
2 Kayo ba ay isang ulo ng pamilya? Kung gayon, palagian ba kayong nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa inyong pamilya? Ito’y isang napakahalagang bagay. Ang mga ulo ng pamilya ay may pananagutan sa harap ni Jehova na turuan at akayin ang mga miyembro ng kanilang pamilya sa daan ng buhay.—Deut. 6:4-7; Efe. 5:25-29; 1 Tim. 5:8.
3 Bilang karagdagan sa inyong pampamilyang pag-aaral, maaari ba kayong magdaos ng isang pag-aaral sa iba pa? Kinikilala ba ninyo ang pribilehiyo at pananagutang taglay ninyo upang ituro ang katotohanan sa iba bilang pagsunod sa utos ni Jesus? (Mat. 28:19, 20) Lumilitaw na marami pang mamamahayag sa Pilipinas ang maaaring magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Marahil ay sinubok na ninyo subali’t hindi nakasumpong ng isa na nagnanais na mag-aral. Ano ang maaaring gawin ninyo?
MAHALAGA ANG SALOOBIN
4 Maaaring magpasimula kayo sa pamamagitan ng pagtatanong sa sarili: Talaga bang nais ko ng isang pag-aaral sa Bibliya? Minamalas ko ba ang bahaging ito ng aking ministeryo na mahalaga at nagliligtas-buhay, na kinikilalang ang karamihang tao sa daigdig ay pawang ‘mga patay sa kanilang mga kasalanan’?—Efe. 2:1.
5 Ang mga mamamahayag at payunir ay kapuwa sumulat sa Samahan na nagsasabi kung paanong dininig ni Jehova ang kanilang taimtim na panalangin nang sila’y humiling sa kaniya ng tulong upang makasumpong ng mga taong interesado na handang makipag-aral sa kanila. (Roma 12:12; I Tes. 5:17) Ginawa na ba ninyo ito? Kayo ba ay humiling sa inyong makalangit na Ama para sa pribilehiyo na magturo sa iba na taimtim na naghahanap ng katotohanan?—Ezek. 9:4.
6 Noong 1986 taon ng paglilingkod, may 64,641 mga pag-aaral sa Bibliya ang aberids na idinaos bawa’t buwan sa Pilipinas. Tunay na ito’y kapuri-puri. Gayumpaman, napansin na 46,205 ang idinaos ng mga payunir, samantalang ang mga mamamahayag ng kongregasyon ay nagdaos ng 18,436 sa aberids. Yamang mayroong aberids na 71,255 na mga mamamahayag na nag-ulat buwan-buwan, maliwanag na may mainam na potensiyal para marami pa ang magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
7 Kailangan lamang kaya na maging higit na palaisip tayo sa pag-aaral ng Bibliya at gumawa ng higit na pagsisikap na magpasimula ng mga pag-aaral? Ang malaking kagalakan na tatamuhin ninyo sa pagtulong sa ibang tao na matuto ng katotohanan ay mas hihigit pa kaysa pagsisikap na isinagawa ninyo sa paghayo upang ‘gumawa ng mga alagad.’