Tiyaking Bumalik-Muli
1 Nang nakaraang taon may 595,533 mga Bibliya, aklat, at bukleta ang nailagay sa Pilipinas. Milyun-milyong kopya ng Ang Bantayan at Gumising! ang naipamahagi. Ang katakut-takot na pamamahagi ng literatura ay naglalagay ng pananagutan na dalawing muli ang mga taong interesado upang tulungan silang maging mga alagad.—Mat. 28:19, 20.
2 Kapuri-puri, ang pananagutang ito ay may kataimtimang isinasagawa. Nang nakaraang taon tayo ay nakapagsagawa ng kabuuang bilang na 4,938,064 na mga pagdalaw-muli at nakapagdaos ng 49,773 mga pag-aaral sa Bibliya bilang aberids sa bawa’t buwan. Lalo pang pinagpala ito ni Jehova anupa’t 7,319 ang nabautismuhan. Anong ligaya nating makita ang katuparan ng pangako ni Jehova na pabibilisin ang gawain.—Isa. 60:22.
3 Marahil ay hindi palagiang naisasagawa ng ilan ang pagdalaw-muli. Ang iba naman ay hindi pa nakapagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kung magagawa ninyo ito, kayo ba ay nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya? Kung hindi, mapalalawak ba ninyo ang inyong ministeryo nang higit pa kaysa paglalagay lamang ng literatura sa bahay-bahay? Ano ang inyong magagawa upang makapagsagawa ng pagdalaw-muli at makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya?
4 Una sa lahat, magkaroon ng positibong pangmalas, na nagtitiwala kay Jehova na pagpapalain ang inyong pagsisikap. Walang alinlangang kayo ay nakaalam ng katotohanan dahilan sa may dumalaw-muli at nagdaos sa inyo ng pag-aaral sa Bibliya. Kaya likas lamang na dahilan sa pagpapahalaga sa mga bagay na inyong tinanggap ay maipahayag ito sa pagsisikap na tulungan ang iba sa ganito ring paraan.—Apoc. 22:17.
MAGING POSITIBO
5 Sabihin pa, may mga suliranin na kailangang mapagtagumpayan. Maaaring mangailangan ng karagdagang pagsisikap na maisaayos ang pagdalaw-muli sa gabi kapag nasa bahay na ang karamihang tao. Ang malakas na impluwensiya ng relihiyon ay dapat na mapagtagumpayan. Maaaring makasumpong kayo ng mga tao na nasisiyahan sa ating literatura subali’t nag-aatubiling mag-aral dahilan sa pagsalangsang o pagtuya. Maaaring ang kailangan ninyong pagtagumpayan ay ang takot sa pagharap sa mga di kakilala. Ang mga hamong ito ay maaaring mapagtagumpayan. Ang iba na naging matagumpay ay maaaring makatulong sa inyo na harapin ang mga ito nang may kabihasahan.
6 Huwag pahintulutan ang pag-aatubili na kunin ang pananagutan o ang pagkakadama ng kawalang kakayahan na pumigil sa inyo sa pagkakaroon ng kasiyahan sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Magtiwala kay Jehova at idalangin ang kaniyang espiritu na tumulong sa inyo. Mag-ingat ng rekord ng lahat ng nailagay na literatura at interes na ipinamalas. Dumalaw kaagad. Pag-aralang gamitin ang aklat na Reasoning sa pagsagot sa mga katanungan sa Bibliya. Hilingin ang tulong ng mga makaranasang mamamahayag.
7 Habang may katapatan kayong dumadalaw-muli sa mga taong interesado at nakikibahagi sa pagdaraos ng mga pag-aaral, ang inyong kagalakan ay lalaki. Marahil ang ilan sa inyong tinutulungan ay mapapabilang sa mga bagong alagad para sa 1986 at magsisilbing inyong mga “sulat ng rekomendasyon” sa inyong ministeryo.—2 Cor. 3:1-3.