Kayo ba ay Nagnanais na Magdaos ng Isang Pag-aaral sa Bibliya?
1 Inatasan ni Jesus ang mga Kristiyano nang higit pa kaysa mangaral lamang. Hinimok niya silang gumawa ng mga alagad. May kabuuang 2,726,252 mga pag-aaral sa Bibliya ang naidaos bawa’t buwan nang nakaraang taon. Kayo ba’y may bahagi sa maligayang gawaing ito?
2 Sa Agosto at Setyembre tayo ay nag-aalok ng mga brochure na Pamahalaan at Banal na Pangalan. Maaari bang makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga ito? Oo, maaari kahit na walang nakasulat na mga tanong sa ibaba ng mga pahina. Ang mga brochure na ito ay payak at nakapagtuturo. Yamang ang mga ito ay maliit lamang, hindi nadarama ng maybahay na siya’y mapapasubo sa isang masalimuot na pagtalakay sa mga ito. Sa magawaing panahong ito, pinahahalagahan ng mga tao na pag-usapan ang mga bagay sa maikli at tuwiran sa punto.
3 Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso ay tunay na tumatalakay sa pangunahing tema ng Bibliya—ang Kaharian. Ang paghaharap nito ay sa paraang kronolohikal kaya ang pinakamabuti’y pasimulan ito sa pamamagitan ng magkasamang pagbasa sa maiikling parapo, na nagbibigay ng komento sa mga ito kung kailangan. Kung may binanggit na kasulatan, tingnan at ikapit ang mga ito. Sa panahong mabasa ninyong magkasama ang buong brochure, magkakaroon ang maybahay ng pangkalahatang pangmalas sa tema ng Kaharian, na maghahanda sa kaniya para ipagpatuloy ang pag-aaral sa iba pang publikasyon. Ang gayong pagrerepaso ay tutulong din sa kaniya na makuha ang ideya ng sunod-sunod na mga pangyayari sa Bibliya.
4 Ang Banal na Pangalan Na Mananatili Magpakailanman ay maaari ding talakayin ng parapo por parapo. Kung hindi kumakapit ang lahat ng bahagi ng brochure sa maybahay, maaari ninyong piliin ang magbibigay ng interes sa maybahay at talakayin ang mga ito. Ang pangwakas na bahagi sa pahina 31 ay umaakay sa paraang kanaisnais tungo sa higit na detalyadong pag-aaral ng Bibliya sa iba pang aklat.
5 Ang mga kabataang mamamahayag na hindi pa nakapagdaraos ng isang pag-aaral, mga bagong mamamahayag na nag-aakalang wala silang kakayahan dahilan sa kakulangan ng karanasan, o maging ang mga may higit na karanasan na sa kasalukuyan ay walang pag-aaral ay makakasumpong na ang pagpapasimula ng isang pag-aaral sa isa sa mga brochure na ito ay mas madali kaysa magpasimula ng pag-aaral sa isang aklat.
6 Pagsikapang makapagsimula ng isang pag-aaral sa unang pagdalaw. Gumamit ng mga ilustrasyon upang turuan ang maybahay. Tandaan na ang payak na presentasyon ay makatutulong sa atin na makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Sikaping ilagay ang brochure sa mga kamay ng maybahay upang masubaybayan niyang maingat ang inyong pagtalakay.
7 Kung talagang nais ninyo na magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya, gumawa ng taimtim na pagsisikap at hilingin ang tulong ni Jehova. Bantayan ang mga pagkakataon na makapagsimula ng mga pag-aaral sa unang pagdalaw. Subaybayan ang lahat ng interes. Pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap.