Tulungan ang Iba na Matutuhan ang Katotohanan
1 Si Jesus ay naparito sa lupa upang magpatotoo sa katotohanan. Sinanay niya ang kaniyang mga alagad na maging mga guro. Itinulad niya sila sa ‘mga pangmadlang tagapagturo’ na may malaking imbakan na mapagkukunan ng kayamanan. (Mat. 13:52) Ang mga alagad ni Jesus sa ngayon ay gumagamit ng inimprentang mga publikasyon upang mapabilis ang gawang pangangaral ng Kaharian. Halimbawa, taglay natin ang iba’t ibang brochure na makatutulong sa iba na maging mga alagad. Papaano natin magagamit ang mahahalagang instrumentong ito?
2 Upang mapasimulan ang isang pag-uusap na umaakay sa pag-aalok ng brochure na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay,” maaari ninyong itanong:
◼ “Naisip na ba ninyo kung bakit sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng tao, ang kinabukasan ay waring madilim? [Hayaang sumagot.] Ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit ang napakaraming pagsisikap ay nagkaroon ng kabiguan.” Basahin ang Awit 146:3, 4. Bumaling sa parapo 43 ng brochure at basahin ang unang tatlong pangungusap. Pagkatapos ay talakayin ang pamahalaan ng Diyos ng kapayapaan mula sa mga parapo 43 at 44, na inilalarawan sa harap at likod ng brochure na Narito!
3 Narito ang isang paraan upang magamit ninyo ang brochure na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?”:
◼ “Itinatanong ng maraming tao ang mga katanungang nasa pabalat ng brochure na ito. [Basahin ang mga katanungan.] Yamang hindi itataguyod ng isang maibiging Diyos ang kapuwa mabuti at masama, ano ang palagay ninyo sa kaniyang pangako sa Isaias 65:21, 22?” Kung nagpakita ng interes, bumaling sa mga pahina 26 at 27, mga parapo 19-22, at ipaliwanag kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos.
4 Kapag nag-aalok ng brochure na “Ano ang Layunin ng Buhay?,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Para sa marami, ang buhay ay waring walang layunin. Ano sa palagay ninyo ang kailangan upang maging makabuluhan ang buhay? [Hayaang magkomento ang maybahay.] Ipinakikita ng Bibliya na inihanda ng Diyos ang mabubuting bagay para sa atin. Tingnan kung ano ang kaniyang sinabi sa Apocalipsis 21:4, 5.” Kung angkop, ipagpatuloy ang pagtalakay sa mga punto mula sa bahagi 8 ng brochure sa mga pahina 29 at 30.
5 Sa paggamit ng brochure na “Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!,” ang isang kabataang mamamahayag ay maaaring magtanong:
◼ “Nais ba ninyong mabuhay sa isang paraisong lupa gaya nito? [Ipakita ang harap at likod ng pabalat, at hayaang magkomento.] Ako at ang aking pamilya ay umaasang mabubuhay dito dahilan sa sinasabi ng Bibliya dito sa Juan 17:3.” Pagkatapos ay maaaring ialok ang brochure.
6 Kung kayo ay gumagamit ng iba pang brochure sa inyong ministeryo sa buwang ito, maaari ninyong sundin ang mungkahi sa itaas sa inyong presentasyon. Tandaang maging maikli at positibo upang maantig ang interes ng mga maybahay.
7 Ibinigay sa atin ni Jehova ang katotohanan. Dapat nating ibahagi ito sa iba, kapuwa sa pamamagitan ng babasahin at sa ating mga pakikipag-usap. Sa ganitong paraan mapatutunayan natin na tayo’y mga pangmadlang tagapagturo sa kapakinabangan ng iba.—Mat. 28:19, 20.