Papaano Nila Maririnig Kung Hindi Tayo Babalik?
1 “Paano . . . nila maririnig kung walang mangangaral?” (Roma 10:14) Tunay nga, paano sila makakaunawa ng katotohanan malibang gumawa tayo ng mabibisang pagdalaw muli? Sa buwang ito maaari nating subaybayan ang ating unang pakikipag-usap taglay ang karagdagang mga punto sa Kasulatan mula sa alinmang brochure na ating nailagay na maaaring umakay sa isang pag-aaral sa Bibliya.
2 Kung kayo’y nakapaglagay ng brochure na “Ano ang Layunin ng Buhay?,” maaaring tumungo kayo sa isang pag-aaral sa Bibliya sa ganitong paraan. Maaari kayong magtanong:
◼ “Nais ba ninyo at ng inyong pamilya na mabuhay sa isang sanlibutang gaya nito sa ilustrasyon sa pahina 31 ng brochure na iniwan ko sa inyo? [Ipakita ang ilustrasyon at hayaang sumagot.] Ninanais nating lahat ito, bagaman marami ang nag-aalinlangan na ito’y magiging posible. Para sa Diyos, hindi ito imposible.” Bumaling sa pahina 29 at basahin ang Awit 145:16 mula sa parapo 1. Patuloy na talakayin ang susunod na ilang parapo, at iharap ang isang pag-aaral sa Bibliya. Magsaayos ng isang pagdalaw muli sa madaling panahon upang maipagpatuloy ang pagtalakay.
3 Kapag kayo’y bumalik pagkatapos na mailagay ang brochure na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?,” marahil ay magiging mabisa ang ganito:
◼ “Sa nakaraan kong pagdalaw, ating tinalakay ang katanungang, Talaga bang minamahal tayo ng Diyos? Sa palagay ba ninyo’y nagmamalasakit sa atin ang Diyos anupat wawakasan niya ang pagdurusa at karahasan? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay bumaling sa bahagi 10 ng brochure sa pahina 22, at magpatuloy.] Ipinangako ng Diyos na papalitan ang balakyot na sanlibutang ito ng isang bago na tatahanan ng mabubuting tao na mabubuhay sa kapayapaan. [Basahin ang Awit 37:11.] Kayo at ako ay makapagtatamasa rin ng buhay sa gayong bagong sanlibutan kung paniniwalaan natin ang Bibliya at ikakapit ang mga payo nito.” Ipaliwanag ang ating programa sa pag-aaral ng Bibliya.
4 Kapag kayo ay gumagawa ng isang pagdalaw muli pagkatapos na makapaglagay ng brochure na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay,” maaaring magpasimula kayo sa pagpapakita ng larawan sa pabalat at pagkatapos ay magtanong ng ganito:
◼ “Ano sa palagay ninyo ang magiging pamumuhay sa isang sakdal na sanlibutan? [Kunin ang mga komento ng maybahay.] Ang inyong nakikita sa larawang ito ay hindi kathang-isip lamang; ito’y salig sa tiyak na pangako na sinasabi ng Bibliya. [Basahin ang Apocalipsis 21:4 at Awit 37:11, 29.] Nais kong ipaliwanag kung papaano kayo at ang inyong pamilya ay makapagtatamasa ng pagpapalang ito.” Kung ang maybahay ay nagpakita ng interes, ipagpatuloy ang pagtalakay, at ialok ang isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Kapag nasumpungan natin ang mga tao na naghahanap ng katotohanan, naipakikita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng pagbabalik at higit na pagtulong sa kanila. Ang katotohanang ipinagkatiwala sa atin ay magliligtas sa atin at doon sa mga nakikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.