Pampamilyang Pag-aaral ng Bibliya—Dapat Unahin ng mga Kristiyano
1 Kadalasan kapag may maselang na mga suliranin ang mga tin-edyer, nasusumpungan na hindi nabibigyan ng kinakailangang pansin ang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Nakalulungkot sabihin, maraming pamilya, lakip na yaong sa ibang matatanda at ministeryal na lingkod, ay nagkakaroon ng mga suliranin sa kanilang mga anak dahilan sa naimpluwensiyahan ng sanlibutan.
2 Kamakailan lamang isang tagapangasiwa ng sirkito ang sumulat at nagsabi na ang ugat ng suliranin ay kadalasang kawalan ng pagbibigay-pansin sa pagtuturo ng Bibliya sa tahanan. Ang isang surbey kamakailan ng isang tagapangasiwa ng sirkito ay nagpapakita na sa ilang mga kongregasyon umaabot sa 50 porsiyento ang walang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya.
DAPAT UNAHIN
3 Si Jehova ay nagpayo sa mga magulang sa Israel: “At ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay dapat suma iyong puso; at dapat mong ituro nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumalakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.” (Deut. 6:6, 7) Oo, ang mga magulang ay kailangang magbigay ng maingat na pansin sa bagay na ito.
4 Kailangang maglaan ng panahon nang palagian para sa pampamilyang pag-aaral. Ang mga ulo ng pamilya ay kailangang magsikap nang lubusan upang mapangasiwaan ang pampamilyang pag-aaral nang palagian. Kailangang mapahalagahan ng lahat na kapag sila’y hindi nagbigay ng wastong pansin sa espirituwal na pangangailangan ng sambahayan ngayon, malamang na haharapin nila ang mga maseselang at malulubhang suliranin sa hinaharap.
PAPAANO GAGAWIN ANG ISANG PALATUNTUNAN NG PAG-AARAL
5 Papaano ba pangangasiwaan ang isang pag-aaral? Ano ang dapat pag-aralan? Kailan ito dapat idaos, at gaano katagal? Papaano kayo makatitiyak na maaabot ang puso ng bata? Para sa mga kasagutan sa mga katanungang ito, pakisuyong tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1986, pahina 24.
6 Ang mahalagang sangkap para sa isang matagumpay na pampamilyang pag-aaral ay ang kagalakan at kasiglahan na ipinamamalas ng mga magulang. (Awit 40:8) Gayundin, dapat na papurihan ng mga magulang ang mga anak sa kanilang pagsisikap na ikapit ang mga simulain ni Jehova.
7 Isang kapatid na babae ang nakaalam ng katotohanan nang ang kaniyang walong anak ay kasama pa niya sa bahay. Kahit na mayroon siyang asawang di kapananampalataya, binigyan niya ng wastong pansin ang espirituwalidad ng kaniyang mga anak. Siya ay nagpakita ng mabuting halimbawa sa paglilingkod sa larangan at sa mga pulong. Pagkatapos ng paglilingkod sa larangan, tinitingnan niya ang mukha ng kaniyang mga anak upang makita kung sila’y maligaya. Kung hindi, karakaraka niyang binibigyan sila ng pampatibay-loob. Bilang resulta, lahat ng kaniyang mga anak ay nasa katotohanan. Ang tatlo ay naging mga regular payunir, at ang dalawa sa mga ito ay naglingkod din sa Bethel. Ang kaniyang pagsisikap ay ginantimpalaan dahilan sa inuna niya ang tungkol sa kanilang espirituwalidad.—3 Juan 4.
8 Upang anihin ang mayamang mga pagpapala sa inyong pamilya, may kagalakang paglaanan ng kinakailangang mahalagang dako ang pampamilyang pag-aaral ninyo.