Magdaos ng Kapakipakinabang na mga Pampamilyang Pag-aaral sa Bibliya
1 Ang isa sa pinakamahalagang gawain na isinasagawa ng mga magulang ay ang pagtuturo ng katotohanan sa kanilang mga anak. Ito’y obligasyon mula kay Jehova. (Deut. 6:6, 7) Nangangailangan ang mga anak ng patnubay upang lumakad nang matuwid sa isang masamang sanlibutan. Kailangan nilang matutong umibig kay Jehova at sa katotohanan at maging determinadong manghawakan doon. Ang Bantayan ng Agosto 1, 1988, pahina 11, ay nagsabi: “Sa kabila ng mga iba pang obligasyon mo o ng mga suliranin na kaharap mo, ang paggugol ng panahon sa inyong mga anak ay kailangang unahin. Ang panahong ginugol ninyong magkasama ay magagamit sa pagtuturo ng espirituwal na mga pamantayan na mag-iingat sa puso ng inyong mga anak at maglalagay sa kanila sa tamang landas.”
2 Kailangang maglaan ng panahon sa regular na pag-aaral ng pamilya. Kailangang unahin ng mga ulo ng pamilya ang pangangalaga sa espirituwalidad ng pamilya. Kung ang espirituwal na pangangailangan ay hindi mapaglalaanan ng wastong pansin ngayon, malamang na kailangang harapin ng mga magulang ang malulubhang suliranin sa hinaharap.
MATERYAL NA PAG-AARALAN AT MGA PAMAMARAAN
3 Ano ang dapat pag-aralan? Ang ulo ng pamilya ang nasa pinakamabuting kalagayan upang malaman kung ano ang mga pangangailangan ng sambahayan. Maaari niyang alamin mula sa kanila kung ano ang magiging kapakipakinabang at isaalang-alang ang kanilang mga mungkahi. Ang pagiging naibabagay ay magpapangyaring maging praktikal at nakapagpapasigla ang pampamilyang pag-aaral. Maraming pamilya ang naghahanda sa leksiyon ng Ang Bantayan linggu-linggo. Gayumpaman, may panahon na maaaring kakailanganing talakayin ang mga paksang sumasaklaw sa mga suliranin na napapaharap sa mga kabataan sa paaralan. Ang impormasyon hinggil sa pakikipag-date, palakasan at imoral na hilig ay maaaring isaalang-alang. Mahalagang patuloy na suriin ng ulo ng sambahayan kung ano ang kailangan ng pamilya at kung papaano maaabot ang kanilang puso sa pamamagitan nito sa pinakamabuting paraan.—Tingnan The Watchtower, Pebrero 15, 1971, mga pahina 105-6.
4 Papaano pangangasiwaan ang pag-aaral? Sikaping ang bawa’t isa ay maging palagay ang loob subali’t may paggalang. Iwasan ang mekanikal at masyadong pormal na pamamaraan. Gumawa ng karagdagang mga tanong, at gumamit ng mga ilustrasyon upang sila’y mag-isip at makabahagi ang lahat. Ang mga nakikitang pantulong, tulad ng mga mapa at tsart ay maaaring makatulong sa materyal. Maaaring magbigay ng atas upang hanapin ang materyal sa Index o sa mga tomo ng Insight, ayon sa edad at kakayahan ng mga bata. Ang mga payak na katanungan na maaaring sagutin sa iilang salita lamang ay maaaring itanong sa maliliit na bata. Huwag gamitin ang panahon ng pag-aaral upang kagalitan ang mga anak. Sa halip, papurihan sila, ipakita ang pagpapahalaga sa kanilang pagsisikap, at maging masigla sa pamamahagi ng espirituwal na bagay sa kanila.
5 Papaano kayo makatitiyak na naaabot ninyo ang puso? Pasiglahin ang lahat na sumagot sa kanilang sariling pananalita. Gumamit ng mga punto-de-vistang tanong upang matiyak ang kalagayan ng kanilang puso. Maaari ninyong itanong: “Papaano minamalas ang bagay na ito ng mga bata sa paaralan? May pag-aalinlangan ba kayo sa puntong ito?” Mag-ingat na huwag masyadong punahin ang mga sagot na ibibigay ng mga bata, sapagka’t maaaring mawala sa kanila ang kalayaang ipahayag ang sarili nang tapatan. Bigyan sila ng panahong magsalita. Ang pagkakaalam na kayo’y interesado sa kanila at sa kanilang suliranin ay magpapadali sa inyong pagsisikap na makapagturo.—Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1986, mga pahina 23-5.
6 Ingatan sa isipan na ang inyong tunguhin ay upang ikintal ang kaisipan ni Jehova at hindi lamang basta sumagot sa pulong ng kongregasyon. (Efe. 3:17-19) Ito’y nangangahulugan ng pag-abot sa puso. Bigyan ang pamilya ng mga dahilan kung bakit natin nanaising gawin ang kalooban ng Diyos at bakit ito ang siyang pinakamabuting landasin ng pamumuhay.
7 Ang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya ay napakahalaga sa pagpapatibay sa espirituwalidad ng pamilya. Ito’y nagsasanay at nagsasangkap sa mga bata upang harapin ang mga suliranin sa buhay. Kayong mga magulang ang nasa pinakamabuting kalagayan upang tulungan ang inyong mga anak. Gampanan ang pananagutang ito. Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang inyong pagsisikap na isagawa iyon.