Paghaharap ng Mabuting Balita—May Katapangan, Subali’t Mataktika
1 Nang pahintuin sa pangangaral sina Pedro at Juan, sila’y sumagot: “Subali’t para sa amin, hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig.” (Gawa 4:20) Ano ang nagpangyari upang sila’y makapagsalita nang gayong katapangan? Sila’y “nanalangin” at “napuspos ng banal na espiritu at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Diyos.” (Gawa 4:31) Tiyak na tayo rin ay mapalalakas na mangaral kung ating susundin ang kanilang halimbawa.
2 Subali’t papaano tayo makapagsasalita nang may katapangan at sa gayon ding pagkakataon ay maging mataktika? Ang katuturan ng isang talasalitaan para sa taktika ay ‘isang mabuting pandamdam kung ano ang gagawin o sasabihin upang maiwasang makasakit.’ Ang pagkakaroon ng parehong saligang pagbabatayan ay tutulong sa atin na maging mataktika. Ang pagkaalam kung papaano mangangatuwiran sa mga tao ay magpapangyaring tayo’y maging mataktika. Wala na tayong magagamit na mas mabuting instrumento kundi ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan para tayo’y tulungang maging matapang at mataktika.
PAGIGING TIMBANG
3 Ang pagkakaroon ng pagkakatimbang sa pagitan ng pagiging matapang at mataktika ay mahalaga sa gawaing pangangaral. Halimbawa, papaano natin pakikitunguhan ang mga nagtatanong ng, ‘Hindi ba totoo na may kabutihan ang lahat ng relihiyon?’ Ang isang tuwiran subali’t mataktikang sagot ay masusumpungan sa pahina 360 ng aklat na Nangangatuwiran. Gayundin, kung may magbangon ng katanungan kung bakit tayo ay paulit-ulit na dumadalaw sa mga tao na hindi mga Saksi ni Jehova at may sarili ng relihiyon, tayo ay makapagbibigay ng isang tuwiran subali’t mataktikang sagot gaya ng nakabalangkas sa pahina 384 ng aklat na Nangangatuwiran.
MGA HALIMBAWA
4 Sinabi ni Pedro na dapat tayong ‘maging laging handa sa pagsagot sa bawa’t tao na humihingi ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa atin.’ Idinagdag pa niya na ito’y dapat nating gawin ‘sa kaamuan at taimtim na paggalang.’ (1 Ped. 3:15) Oo, kinilala ni Pedro ang pangangailangan na maging matapang subali’t kailangan ding gumamit ng taktika. Ang tagumpay ng mga mamamahayag na sumusunod sa paraang ito ay iniulat sa mga publikasyon ng Samahan.—w86 4/1 pp. 6-7; w86 8/1 pp. 21, 24; yb87 pp. 53-4.
5 Ang pagkaumaasa kay Jehova sa panalangin, gaya ng itinatampok ng maraming halimbawa, ay magpapangyari na tayo’y tumanggap ng tulong ng banal na espiritu, anupa’t patitibayin tayo upang magsalita taglay ang katapangan at taktika.—Gawa 5:29.