Pasiglahin ang Iba na Magbasa at Mag-aral ng Salita ng Diyos
1 Sa lahat ng mga aklat na nasulat, ang Bibliya ang siya lamang naglalaan sa sangkatauhan nang di nabibigong patnubay sa pananagumpay sa mga suliranin sa buhay. (Jer. 10:23) Karagdagan pa, ito rin ay nagbibigay sa atin ng tiyak na patnubay sa hinaharap. Ito’y kaloob ng Diyos sa tao. Bagaman ang Bibliya ang siyang pinakamabili sa lahat ng panahon, ang mga surbey ay nagpapakita na maliit lamang porsiyento ng mga nagtataglay nito ang naglalagay ng panahon upang basahin ito. Maaari ba nating tulungan pa ang lalong maraming tao na makinabang mula sa nasusulat na Salita ng Diyos?
2 Saan man sa lupa nabubuhay ang tao, sila’y napapaharap sa parehong mga suliranin. Ang Bibliya lamang ang nagtataglay ng tamang kasagutan. Bakit tayo naririto? Bakit ang tao ay tumatanda at namamatay? Saan tayo patungo? Bakit lumalago ang katampalasanan? Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan? Ano ang lunas sa implasyon, pagpapabahay at kakapusan sa pagkain? Kailangan nating basahin at pag-aralan ang Bibliya upang tamuhin ang mga kasiyasiyang kasagutan sa mga katanungang ito.
PAPAANO MAPASISIGLA ANG IBA
3 Upang mapasigla ang mga tao na basahin at pag-aralan ang Salita ng Diyos, kailangan nating ikintal sa kanila ang pagtitiwala na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. (2 Tim. 3:16) Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paggamit ng impormasyon sa ilalim ng “Bibliya” sa aklat na Nangangatuwiran. Ang mga pahina 62 hanggang 66 (60 hanggang 64 sa Ingles) ay nagbibigay ng matibay na patotoo na ang Bibliya ay kinasihan.
4 Marami ang nagpasimulang magbasa ng Bibliya at pagkatapos ay tumigil. Bakit? Marahil sila’y nasiraan ng loob dahilan sa hindi nila maunawaan ang kanilang binabasa. Marahil ay makatutulong tayo sa gayong mga tao sa pamamagitan ng pagpapasigla sa kanilang basahin ang New World Translation. May mga 50 milyong kopya ng madaling basahing makabagong saling ito ang ginawa sa siyam na mga wika, na nagpapangyaring ito’y maging isa sa mga pangunahing saling ginagamit ngayon sa ika-20 siglo.
5 Kapag nakakasumpong tayo ng mga tao na nagpapakita ng interes sa pagbabasa ng Bibliya, dapat na mag-alok tayong makipag-aral sa kanila. Maaari nating gamitin ang brochure na Narito! sa pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa kanila. Nanaisin nating magdaos ng pasulong na mga pag-aaral sa Bibliya. (Mat. 28:19, 20) Ito’y nangangahulugang sisikapin nating abutin ang puso ng estudiyante upang ang natututuhan ay makaimpluwensiya sa kaniyang paggawi at sasagot sa kaniyang mga katanungan sa Bibliya.
PAG-AALOK NG BIBLIYA AT NG BROCHURE NA NARITO!
6 Sa Nobyembre, ating itatampok ang New World Translation at brochure na Narito! sa kontribusyon na ₱60.00. Sa pamamagitan ng masiglang pag-aalok ng dalawang publikasyong ito, maaari nating mapasigla ang lalo pang maraming tao na magbasa at mag-aral ng Salita ng Diyos. Bilang pambungad sa Paksang Mapag-uusapan, nanaisin ninyong gamitin ang ikalawang pambungad sa ilalim ng “Bibliya/Diyos” sa pahina 10 ng aklat na Nangangatuwiran. O ang unang pambungad sa ilalim ng “Pamilya/Mga Anak” sa pahina 14 (p. 11 sa Ingles) ay maaaring angkop sa inyong teritoryo.
7 Habang nalalapit na ang katapusan, malamang na mas marami pang tao tayong matatagpuan na naghahanap ng mga kasagutang sa Bibliya lamang maaaring masumpungan. Maging masipag tayo sa pagpapasigla sa kanila na magbasa at mag-aral ng Salita ng Diyos, na ginagamit ang alok sa Nobyembre upang tulungan silang makasumpong ng mga kasagutang kailangan nila.