Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa mga Bata
1 Ang pagtingin sa palibot ninyo sa halos lahat ng ating mga teokratikong pagtitipon ay naglalaan ng saganang patotoo na isang malaking pulutong ang mga kabataang pumupuri kay Jehova. (Awit 148:12) Ito ay dapat na magpaalaala sa atin sa pangangailangang bigyan ng lahat ng pagkakataon ang mga kabataan na ating nasusumpungan sa paglilingkod sa larangan upang matuto ng hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Ang pagiging alisto natin at handa sa pagpapatotoo sa mga bata ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong ito. May ilang salik na dapat isaalang-alang.
2 Ang positibong saloobin sa mga bata at sa kanilang kakayahang magkaroon ng pag-ibig kay Jehova ay kailangan. Ang mga halimbawa sa Bibliya, gaya nina Samuel, David, at Timoteo ay nagbibigay katiyakan na ang mga bata pa ay maaaring magkaroon ng di natitinag na debosyon sa Diyos. (1 Sam. 2:18; Awit 71:17; 2 Tim. 3:14, 15) Mayroon din namang mga makabagong panahong halimbawa.
KAPAG ANG NAGBUKAS NG PINTO AY ISANG BATA
3 Kapag ang nagbukas ng pinto ay isang bata, tandaan na, ang buhay ng batang yaon ay mahalaga din. Ibagay ang inyong presentasyon at ibahagi ang mabuting balita sa kaniya. Ang isang payak na presentasyon na nagpapaliwanag kung ano ang magiging katulad ng Paraiso o isang maikling pananalita hinggil sa nakalaan sa hinaharap ay maaaring gamitin upang pumukaw ng interes. Maraming kabataan ang nakakaalam ng Ama Namin at madaling maiintindihan ang mga komento hinggil sa pagbabagong magaganap sa daigdig bilang kasagutan sa panalanging iyon.
4 Sa pagpapatotoo sa mga bata, mahalagang igalang ang awtoridad ng magulang. Depende sa kanilang edad, marahil ay angkop na itanong kung sila’y pinahihintulutan ng kanilang mga magulang na pumili ng kanilang sariling babasahin. Kung wala silang layang tumanggap ng literatura, magpatotoo sa kanila nang bibigan at isaayos na bumalik kapag nasa bahay na ang kanilang mga magulang. Ito ay magsisilbing isang batong tuntungan para matulungan din ang mga magulang.
5 Kalakip sa pagiging marunong makibagay at pagiging alisto ay ang pagkakaalam na taglay natin ang kinakailangan ng mga kabataan. Taglay natin ang napapanahong mga publikasyon na dinisenyo upang abutin ang mga kabataan anuman ang kanilang edad. Ang Dakilang Guro, Kuwento sa Bibliya, Kabataan at Buhay Pampamilya ay mga aklat na makapagbibigay ng interes sa mga kabataan. At anong kayamanan ang maaaring masumpungan sa mga magasing Bantayan at Gumising! Ang Gumising! ay nagtatampok ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” at ang serye sa Bantayan hinggil sa “Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus” ay angkop na ialok sa mga bata. Hindi rin dapat kaligtaan ang makulay na mga brochure, gaya ng Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Kaya kapag kayo ay naghahanda para sa paglilingkod sa larangan, isipin kung ano ang maaari ninyong dalhin na makatatawag-pansin sa mga kabataan.
6 Ang paggagawad ni Jehova ng hatol ay makakaapekto sa lahat, lakip na sa mga “binata at dalaga at mga bata.” (Ezek. 9:6) Maipakikita natin ang maibiging pagkabahala tulad ng ginawa ni Jesus at magdala ng pagpapala sa pamamagitan ng pamamahagi sa kanila ng mabuting balita. (Mat. 19:14, 15) Maging positibo at magbigay ng angkop na pagpapatotoo sa mga bata, taglay ang pag-asang sila man ay magiging mga tagapuri kay Jehova.