Lubusang Makinabang Mula sa Pulong Ukol sa Paglilingkod
1 Dapat na ang taus-pusong kapahayagan ng bawa’t lingkod ng Diyos ay: “Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Jehova. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Ilakip mo ang aking puso sa pagkatakot sa iyong pangalan.” (Awit 86:11) Ang Pulong Ukol sa Paglilingkod ay nagbibigay ng espesipikong mga tagubilin upang tulungan tayong maisakatuparan ang gawain ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Kayo ba’y talagang nakikinabang mula sa Pulong Ukol sa Paglilingkod sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga ibinibigay na payo?
MGA KAPAKINABANGAN NG MABUTING PAGHAHANDA
2 Upang makinabang nang lubusan, kailangan ang patiunang paghahanda. Bakit? Ang lubusang paghahanda ay tumutulong sa inyong kaisipan at puso para tumanggap ng tagubilin. Sa pamamagitan ng patiunang pag-aaral at pagbubulay-bulay sa materyal, lalo ninyong madaling maunawaan at matandaan ang inihaharap na espirituwal na pagkain. Ang inyong mga komento, pakikibahagi sa mga pagtatanghal, o pagbibigay ng mga pahayag ay lalong magiging makahulugan. Ang inyong puso ay mapupuno ng kasiyahan dahilan sa ginawa ninyo ang buong makakaya.—Exo. 23:19a; Kaw. 16:23.
3 Kapag naghahanda makatutulong sa bawa’t miyembro ng pamilya na magkaroon ng kopya ng ginagamit na publikasyon. Ang paghahanda ay lalo nang mahalaga para sa mga inatasan ng mga bahagi sa Pulong Ukol sa Paglilingkod. Ang mga atas ay dapat na gawin nang patiuna upang magkaroon ng sapat na panahong maghanda ang mga may bahagi.
MGA KAPAKINABANGAN SA PAKIKIBAHAGI AT PAGKAKAPIT
4 Napapansin ba ninyo na ang pakikibahagi sa mga pulong ay nakatutulong nang malaki sa pagkakaroon ninyo ng kasiyahan sa mga iyon? Gaya ng ipinaliwanag sa Ang Bantayan ng Enero 1, 1973 pahina 26: “Ang tunay na kasiyahan ay nagiging atin kapag ating inihahayag ang ating pananampalataya kay Jehova sa piling ng ating mga kapatid na Kristiyano. Hindi naman dahil sa napipilitan tayong sumagot at saka sasandal na lamang sa upuan at hayaan na ang ibang sumali sa pulong. . . . Pinupuspos tayo ng ating pag-ibig kay Jehova at umaapaw ito upang mithiin nating . . . ihayag ang ating pag-ibig sa kaniya.”
5 Bilang ang Dakilang Instruktor, inaasahan ni Jehova na magkakaroon ng resulta ang mga tagubiling ibinibigay niya sa kaniyang bayan. (Tingnan ang Deuteronomio 17:10.) Ang pagsasagawa at pagkakapit ng inyong natututuhan sa Pulong Ukol sa Paglilingkod ay pakikinabangan ninyo, at kayo’y makapagsasabing, “Aking ginawa ang gaya ng iniutos mo sa akin.”—Ezek. 9:11.
6 Tatamasahin din ninyo ang kagalakan ng pagliligtas sa inyong sarili at sa mga nakikinig sa inyo. (1 Tim. 4:16) Hindi mapag-aalinlanganan, ang espirituwal na mga kapakinabangan mula sa Pulong Ukol sa Paglilingkod ay marami. Maging determinado nawa kayo at ang inyong pamilya na kunin ang lubusang kapakinabangan mula roon!