Ang Pulong Ukol sa Paglilingkod ay Nagsasangkap sa Atin Para sa Bawat Gawang Mabuti
1 Ang layunin ng Pulong Ukol sa Paglilingkod ay upang sangkapan tayo sa pakikibahagi nang lubusan sa ministeryo sa larangan. (2 Tim. 3:17) Gayunpaman, kung hindi tayo naghahanda para sa pulong o nagkakapit ng ating natutuhan, ang mga kapakinabangan ay maliit lamang.
2 Ang patiunang paghahanda ay makatutulong sa inyo na maiintindihang lubusan ang tagubilin. Repasuhin ang mga gagamiting publikasyon, at dalhin ang mga ito upang masubaybayan ninyo ang tagapagsalita at makibahagi.
3 Nirerepasong maingat ng punong tagapangasiwa ang naka-eskedyul na mga bahagi sa pulong. Karapatdapat at may kakayahang mga matatanda at ministeryal na lingkod ang inaatasan upang ihanda ang mga ito. (om p. 70) Ang mga kongregasyon na kakaunti ang mga matatanda at ministeryal na lingkod ay maaaring mag-atas ng iba pang kuwalipikadong mga kapatid na lalake upang tumulong sa kanila. Ang bawat tagapagsalita ay dapat na maghanda nang lubusan, maingat na sundin ang ibinigay na tagubilin, at tiyaking hindi siya lalampas sa oras.
4 Ang kapatid na inatasan ng mga patalastas ay dapat na makipag-usap sa punong tagapangasiwa nang patiuna upang malaman kung anong mga bagay ang kailangang banggitin. Ang mga ito ay maaaring maglakip sa mga sulat mula sa Samahan o mga paalaala hinggil sa mga kaayusan sa paglilingkod o mga ulat. Maaari nating mabatid na may mga maysakit na kailangang dalawin o marinig ang mga gawaing isinaplano ng kongregasyon sa hinaharap. Matamang makinig upang kayo’y maging handang gawin ang inyong bahagi.
5 Kapag ang isang bahagi ay nangangailangan ng pakikibahagi ng tagapakinig, maghanda sa pamamagitan ng pagbabasa sa materyal at paghanap sa mga kasulatan. Isipin kung papaano ninyo pinaplanong ikapit ang mga mungkahi at kung anong komento ang maaari ninyong gawin. Maaari ninyong ipakita ang praktikal na kahalagahan ng tagubilin sa pamamagitan ng paglalahad ng isang maikling karanasan.
6 Kapag mayroong pagtatanghal, sikaping isipin kung ano ang inyong sasabihin sa gayong kalagayan. Pansinin ang ginamit na pangangatuwiran. Sikaping alalahanin kung ano ang inyong sinabi noong huli kayong mapalagay sa gayong kalagayan, at isaalang-alang kung papaanong ang mga puntong itinanghal ay makatutulong sa inyo na magtamo nang mas mahuhusay na resulta sa hinaharap.
7 Ang mga may bahagi sa demonstrasyon at mga pakikipanayam ay dapat na mag-ensayong mabuti nang patiuna. Ang bawat isa ay dapat makaalam kung ano ang kaniyang sasabihin at gagawin sa plataporma. Ang mga bahaging hindi nagkaroon ng ensayo ay kadalasang hindi nakapagpapakilos o nakapagpapasigla sa tagapakinig. Ang ilan ay nag-eensayo ng kanilang bahagi pagkatapos ng Pag-aaral ng Bantayan sa Linggo upang magawa nila iyon sa plataporma at makita kung ano ang kailangang mikropono at mga silya.
8 Nais nating maging “handa para sa bawat gawang mabuti.” (2 Tim. 2:21) Ang Pulong Ukol sa Paglilingkod ay tutulong sa atin na gawin iyon. Ang pagdalo at pagkakapit sa ating natutuhan ay tutulong sa atin upang “lubusang ganapin ang [ating] ministeryo.”—2 Tim. 4:5.